Institute
3 Mga Laminang Ginto


“Mga Laminang Ginto,” kabanata 3 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 3: “Mga Laminang Ginto”

KABANATA 3

Mga Laminang Ginto

Kahon na Bato

Lumipas ang tatlong taon, at tatlong tag-ani. Ginugol ni Joseph ang kanyang panahon sa paghahawan ng damo at pagpuputol ng puno, pag-araro, at sa pagtatrabaho sa bukid upang makalikom ng pera para sa taunang bayad sa ari-arian ng pamilya. Dahil sa trabaho, hindi na niya nagawang pumasok nang madalas sa paaralan, at karamihan sa kanyang libreng oras ay ginugol niya kasama ang kanyang pamilya o ang ibang mga kasamang manggagawa.

Si Joseph at ang kanyang mga kaibigan ay mga bata pa at masayahin. Kung minsan ay nakagagawa sila ng mga pagkakamali dahil sa hindi pag-iisip, at nalaman ni Joseph na ang mapatawad minsan ay hindi nangangahulugang hindi na niya kailangang magsising muli. Hindi rin nasagot sa kanyang maluwalhating pangitain ang lahat ng tanong o nagbigay ng katapusan sa kanyang kalituhan.1 Kaya’t sinikap niyang manatiling malapit sa Diyos. Binasa niya ang kanyang Biblia, nagtiwala sa kapangyarihan ni Jesucristo na magliligtas sa kanya, at sinunod ang utos ng Panginoon na huwag sumapi sa alinmang simbahan.

Tulad ng maraming tao sa kanilang lugar, pati na ang kanyang ama, naniwala si Joseph na maaaring maghayag ng kaalaman ang Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na gaya ng mga tungkod [rod] at bato, tulad ng ibinigay Niya kina Moises, Aaron, at iba pa sa Biblia.2 Isang araw, habang tinutulungan ni Joseph ang isang kapitbahay sa paghukay ng balon, may natagpuan siyang isang maliit na bato na nakabaon nang malalim sa lupa. Batid na gumagamit kung minsan ang mga tao ng espesyal na bato upang hanapin ang mga bagay na nawawala o nakatagong kayamanan, inisip ni Joseph kung ganoong klaseng bato ang natagpuan niya. Nang tingnan niya ito, may nakita siyang mga bagay na hindi karaniwang nakikita ng mata.3

Ang kaloob ni Joseph sa paggamit ng bato ay hinangaan ng mga miyembro ng kanyang pamilya, na itinuring ito bilang tanda ng pagpapala ng Diyos.4 Bagama’t taglay niya ang kaloob ng isang tagakita, hindi pa rin nakatitiyak si Joseph kung nalulugod sa kanya ang Diyos. Hindi na niya maramdaman ang pagpapatawad at kapayapaan na kanyang nadama matapos niyang makita ang Diyos Ama at Anak. Sa halip, madalas niyang maramdaman na isinumpa siya dahil sa kanyang mga kahinaan at kamalian.5


Noong Setyembre 21, 1823, ang labimpitong-taong gulang na si Joseph ay gising na nakahiga sa itaas sa kuwarto nila ng kanyang mga kapatid na lalaki. Hindi siya agad natulog nang gabing iyon dahil pinakinggan niya ang pag-uusap ng kanyang pamilya tungkol sa iba’t ibang simbahan at ang mga doktrinang itinuro ng mga ito. Ngayon, tulog na ang lahat, at tahimik na ang buong kabahayan.6

Sa madilim niyang silid, sinimulan ni Joseph na manalangin, nagsumamo nang taimtim sa Diyos na patawarin ang kanyang mga kasalanan. Gusto niyang makipag-ugnayan sa isang sugo ng langit na makapagbibigay sa kanya ng katiyakan tungkol sa kanyang katayuan sa harapan ng Panginoon at magbibigay ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo na ipinangako sa kanya sa kakahuyan. Alam ni Joseph na sinagot ng Diyos ang kanyang mga panalangin noon, at lubos ang pananalig niya na sasagot Siyang muli.

Nang manalangin si Joseph, isang liwanag ang lumitaw sa tabi ng kanyang kama at unti-unting nagliwanag hanggang sa lumiwanag ang buong silid. Tumingala si Joseph at nakita ang isang anghel na nakatayo sa hangin. Ang anghel ay may suot na maluwag na puting bata na ang manggas ay hanggang sa kanyang pulso at ang haba ay hanggang bukung-bukong. Nagmula sa kanya ang liwanag, at ang kanyang mukha ay kumikinang na parang kidlat.

Sa una ay natakot si Joseph, ngunit kalaunan ay napuspos siya ng kapayapaan. Tinawag siya ng anghel sa kanyang pangalan at nagpakilala na siya si Moroni. Sinabi niya na pinatawad na ng Diyos ang mga kasalanan ni Joseph at ngayon ay may gawaing ipagagawa sa kanya. Sinabi niya na ang pangalan ni Joseph ay masasambit sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng tao.7

Binanggit ni Moroni ang mga laminang ginto na nakabaon sa kalapit na burol. Sa mga lamina ay nakaukit ang tala ng mga sinaunang tao na dating nanirahan sa lupain ng Amerika. Ang talaan ay nagsasaad ng kanilang pinagmulan at nagsasalaysay tungkol sa pagdalaw sa kanila ng Tagapagligtas at pagtuturo Niya sa kanila ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo.8 Sinabi ni Moroni na kasamang nakabaon sa mga lamina ang dalawang bato ng tagakita o seer stone, na tinawag kalaunan na Urim at Tummim, o mga interpreter o tagapagsalin. Inihanda ng Panginoon ang mga batong ito para tulungan si Joseph na maisalin ang talaan. Ang malilinaw na bato ay itinali nang magkasama at ikinabit sa isang baluti sa dibdib o breastplate.9

Sa kanyang pagbisita, binanggit din ni Moroni ang mga propesiya mula sa mga aklat nina Isaias, Joel, Malakias, at Mga Gawa na nasa Biblia. Ang Panginoon ay malapit nang dumating, paliwanag niya, at hindi matutupad ng mga tao ang layunin ng kanilang paglikha kung hindi muna paninibaguhin ang sinaunang tipan ng Diyos.10 Sinabi ni Moroni kay Joseph na siya ang pinili ng Diyos upang panibaguhin ang tipan, at kung pipiliin niyang maging tapat sa mga utos ng Diyos, siya ang maghahayag ng mga tala na nasa mga lamina.11

Bago umalis, inutusan ng anghel si Joseph na ingatan ang mga lamina at huwag ipakita kaninuman ang mga ito maliban kung iutos sa kanya, nagbababala sa kanya na siya ay mawawasak kung susuwayin niya ang payong ito. Natipon ang liwanag sa paligid ni Moroni at siya ay pumaitaas tungo sa langit.12

Habang nakahiga si Joseph at iniisip ang pangitain, muling napuno ng liwanag ang silid at muling nagpakita si Moroni, inuulit ang kaparehong mensahe na una niyang ibinigay. Pagkatapos ay lumisan siya, upang muling bumalik at sabihin ang kanyang mensahe sa ikatlong pagkakataon.

“Ngayon, Joseph, mag-ingat ka,” sabi niya. “Kapag kukunin mo na ang mga lamina, ang iyong isipan ay mapupuno ng kadiliman, at lahat ng uri ng kasamaan ay papasok sa iyong isipan upang pigilan kang sundin ang mga kautusan ng Diyos.” Itinuturo kay Joseph ang taong makatutulong sa kanya, hinimok siya ni Moroni na sabihin sa kanyang ama ang tungkol sa kanyang mga pangitain.

“Paniniwalaan niya ang lahat ng iyong sasabihin,” ang pangako ng anghel.13


Kinaumagahan, walang binanggit si Joseph tungkol kay Moroni, kahit alam niyang naniniwala rin ang kanyang ama sa mga pangitain at mga anghel. Sa halip, buong umaga silang nag-ani sa katabing bukirin kasama si Alvin.

Mahirap ang gawain. Sinikap ni Joseph na makasabay sa bilis ng kanyang kapatid habang ginagapas nila ang matataas na tanim na mga butil gamit ang kanilang mga karit. Ngunit dahil sa mga pagdalaw ni Moroni, hindi siya nakatulog sa buong magdamag, at hindi mawala sa kanyang isipan ang mga sinaunang talaan at ang burol kung saan ito nakabaon.

Hindi nagtagal tumigil na siya sa pagtatrabaho, at napansin ito ni Alvin. “Kailangan nating magtrabaho nang mabilis,” sabi niya kay Joseph, “o hindi natin matatapos ang ipinapagawa sa atin.”14

Sinikap ni Joseph na magtrabaho nang mas maigi at mas mabilis, pero anuman ang gawin niya, hindi siya makasabay sa bilis ni Alvin. Matapos ang ilang sandali, napansin ni Joseph Sr. na namumutla si Joseph at muling huminto sa pagtatrabaho. “Umuwi ka na,” sabi niya, sa pag-aakalang may sakit ang kanyang anak.

Sumunod si Joseph sa kanyang ama at nanghihinang naglakad pauwi sa bahay. Ngunit nang dadaan na siya sa isang bakod, nahandusay siya sa lupa, na labis na nanghihina.

Habang siya ay nakahiga roon, at nag-iipon ng lakas, nakita niya si Moroni na nakatayo muli sa kanyang ulunan, napapaligiran ng liwanag. “Bakit hindi mo sinabi sa iyong ama ang sinabi ko sa iyo?” tanong nito.

Sinabi ni Joseph na natatakot siya na baka hindi siya paniwalaan ng kanyang ama.

“Maniniwala siya,” tiniyak ni Moroni sa kanya, at inulit ang kanyang mensahe mula sa nakalipas na gabi.15


Napaiyak si Joseph Sr. nang sabihin sa kanya ng kanyang anak ang tungkol sa anghel at ang mensahe nito. “Isa itong pangitain mula sa Diyos,” sabi niya. “Gawin mo ito.”16

Agad na pumunta si Joseph sa burol. Noong gabing dumalaw si Moroni, ipinakita niya kay Joseph sa isang pangitain kung saan nakatago ang mga lamina, kaya alam niya kung saan pupunta. Ang burol, isa sa pinakamalaki sa lugar, ay mga tatlong milya ang layo mula sa kanyang bahay. Ang mga lamina ay nakabaon sa ilalim ng isang malaki at bilog na bato sa kanlurang bahagi ng burol, hindi kalayuan mula sa tuktok nito.

Inisip ni Joseph ang mga lamina habang naglalakad siya. Bagama’t alam niyang sagrado ang mga ito, nahirapan siyang hindi isipin kung magkano ang halaga nito. Narinig na niya ang mga kuwento tungkol sa mga nakatagong kayamanan na pinoprotektahan ng mga bantay na espiritu, ngunit si Moroni at ang mga lamina na inilarawan niya ay naiiba sa mga kuwentong ito. Si Moroni ay isang sugo mula sa langit na hinirang ng Diyos para maibigay nang ligtas ang talaan sa Kanyang piling tagakita. At ang mga lamina ay mahalaga hindi dahil sa ginto ang mga ito, kundi dahil nagpapatotoo at sumasaksi ang mga ito tungkol kay Jesucristo.

Gayunpaman, hindi pa rin maiwasan ni Joseph na isipin na alam na niya ngayon kung saan mahahanap ang sapat na kayamanan para maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.17

Pagdating sa burol, hinanap niya ang lugar na nakita niya sa pangitain at nagsimulang maghukay sa ibaba ng bato hanggang sa lumitaw nang lubos ang mga gilid nito. Nakakita siya ng isang malaking sanga ng punongkahoy at ginamit itong panikwas para maiangat ang bato at maiusog ito.18

Sa ilalim ng malaking bato ay may isang kahon, ang mga gilid at ilalim nito ay yari sa bato. Nang tingnan niya ang loob nito, nakita ni Joseph ang mga laminang ginto, mga bato ng tagakita o seer stone, at baluti sa dibdib.19 Ang mga lamina ay kinapapalooban ng sinaunang kasulatan at pinagsasama-sama gamit ang tatlong ring. Ang bawat lamina ay anim na pulgada ang lapad, walong pulgada ang haba, at manipis. Ang isang bahagi ng mga lamina ay tila selyado upang hindi ito mabasa ng sinuman.20

Nanggilalas, muling naisip ni Joseph kung magkano ang halaga ng mga lamina. Inabot niya ang mga ito para kunin—at nanginig siya na parang nakuryente. Inatras niya ang kanyang kamay ngunit dalawang beses pang sinubukang abutin ang mga lamina at nanginig na parang nakuryente sa bawat pagtatangkang ito.

“Bakit hindi ko makuha ang aklat na ito?” malakas niyang tanong.

“Dahil hindi mo sinunod ang mga kautusan ng Panginoon,” sabi ng isang tinig na malapit sa kanya.21

Lumingon si Joseph at nakita si Moroni. At muli niyang naalala ang mensahe noong nakalipas na gabi, at naisip niya na nalimutan niya ang tunay na layunin ng talaan. Nagsimula siyang manalangin, at napukaw ang kanyang isip at kaluluwa sa Banal na Espiritu.

“Tingnan mo,” utos ni Moroni. Isa pang pangitain ang ipinakita kay Joseph, at nakita niya si Satanas na napapalibutan ng kanyang di-mabilang na hukbo. “Lahat ng ito ay ipinakita, ang mabuti at ang masama, ang banal at hindi banal, ang kaluwalhatian ng Diyos at ang kapangyarihan ng kadiliman,” sabi ng anghel, “upang malaman mo mula ngayon ang dalawang kapangyarihan at hindi maimpluwensyahan o madaig ng masamang iyon.”

Inutusan niya si Joseph na dalisayin ang kanyang puso at palakasin ang kanyang isipan upang matanggap ang talaan. “Kung sakali mang makuha ang mga sagradong bagay na ito, ito ay dahil sa panalangin at katapatan sa pagsunod sa Panginoon,” paliwanag ni Moroni. “Ang mga ito ay hindi inilagak dito upang makakuha ng pakinabang at yaman para sa kasiyahan ng mundong ito. Itinago ang mga ito sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya.”22

Itinanong ni Joseph kung kailan niya makukuha ang mga lamina.

“Sa ika-dalawampu’t dalawa ng susunod na Setyembre,” sabi ni Moroni, “kung magsasama ka ng isang karapat-dapat na tao.”

“Sino po ang karapat-dapat na taong iyon?” tanong ni Joseph.

“Ang panganay mong kapatid.”23

Mula pa noong bata siya, alam ni Joseph na maaasahan niya ang kanyang kuya. Si Alvin ay dalawampu’t limang taong gulang na at maaari na siyang magkaroon ng sarili niyang bukid kung gugustuhin niya. Subalit pinili niyang manatili sa bukid ng pamilya para matulungan ang kanyang mga magulang na maging maayos ang katayuan at matiwasay na mamuhay sa kanilang lupain pagtanda nila. Siya ay determinado at masipag, at lubos siyang minahal at hinangaan ni Joseph.24

Marahil ay naisip ni Moroni na kailangan ni Joseph ang talino at katatagan ni Alvin upang maging ang taong mapagkakatiwalaan ng Panginoon sa mga lamina.


Nang gabing iyon, pagod na umuwi si Joseph sa kanilang tahanan. Ngunit pinaligiran siya ng kanyang pamilya pagdating na pagdating niya, sabik na malaman kung ano ang nakita niya sa burol. Nag-umpisang magkuwento si Joseph sa kanila tungkol sa mga lamina, ngunit pinahinto siya ni Alvin nang mapansin nito na pagod na pagod si Joseph.

“Matulog na tayo,” sabi niya, “at maaga tayong gigising bukas at magtatrabaho.” Marami silang oras bukas para marinig ang iba pang ikukuwento ni Joseph. “Kung makakapagluto nang maaga si Inay para sa ating hapunan,” sabi niya, “magkakaroon tayo ng maraming oras sa gabi para mapakinggan naming lahat ang ikukuwento mo.”25

Nang sumunod na gabi, ikinuwento ni Joseph ang nangyari sa burol, at naniwala sa kanya si Alvin. Bilang panganay na anak sa pamilya, palaging nadarama ni Alvin na responsibilidad niyang tiyaking mabuti ang kalusugan ng kanyang mga tumatandang magulang. Sinimulan na nilang magkakapatid na magtayo ng mas malaking bahay para sa kanilang pamilya upang maging mas komportable sila.

Ngayon tila si Joseph ang nangangalaga sa kanilang espirituwal na kapakanan. Interesadong makinig sa kanya ang pamilya sa mga kuwento niya gabi-gabi tungkol sa mga gintong lamina at mga taong nagsulat nito. Naging mas malapit ang pamilya sa isa’t isa, at ang kanilang tahanan ay payapa at masaya. Pakiwari ng lahat ay may magandang mangyayari.26

Pagkatapos, isang umaga sa panahon ng taglagas, wala pang dalawang buwan mula nang dumalaw si Moroni, umuwi si Alvin na masakit na masakit ang tiyan. Nakayuko sa sobrang sakit, nakiusap siya sa kanyang ama na tumawag ng doktor. Nang dumating ang doktor, binigyan niya si Alvin ng maraming gamot, ngunit pinalala lamang nito ang sakit.

Ilang araw nang nakaratay si Alvin, namamaluktot sa sakit. Batid na maaari siyang pumanaw, tinawag niya si Joseph. “Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang makuha ang mga talaan,” sabi ni Alvin. “Maging tapat ka sa pagsunod sa mga tagubilin at sa pagsunod sa lahat ng kautusang ibinibigay sa iyo.”27

Hindi nagtagal ay pumanaw siya, at binalot ng kalungkutan ang kanilang tahanan. Sa libing, sinabi ng isang mangangaral na napunta si Alvin sa impiyerno, at ginamit ang kamatayan nito bilang babala na mangyayari din ito sa mga tao maliban kung mamagitan ang Diyos upang iligtas sila. Galit na galit si Joseph Sr. Mabait na tao ang kanyang anak, at hindi siya naniniwalang parurusahan siya ng Diyos.28

Sa pagpanaw ni Alvin, nahinto ang pag-uusap tungkol sa mga lamina. Matapat na sinuportahan ni Alvin ang banal na tungkulin ni Joseph kung kaya’t anumang pagbanggit tungkol sa mga ito ay kaagad na nagpapaalala sa kanyang pagpanaw. Hindi ito makayanan ng pamilya.

Labis ang pangungulila ni Joseph kay Alvin at nahirapang tanggapin ang kanyang kamatayan. Inasam niya na makakaasa siya sa kanyang kuya upang matulungan siya sa pagkuha ng talaan. Ngayon ang pakiramdam niya ay iniwan siyang mag-isa.29


Nang dumating sa wakas ang araw ng pagbabalik sa burol, pumunta roon nang mag-isa si Joseph. Dahil wala na si Alvin, hindi niya tiyak kung pagkakatiwalaan siya ng Panginoon na kunin ang mga lamina. Ngunit naisip niya na masusunod niya ang lahat ng kautusang ibinigay sa kanya ng Panginoon, tulad ng ipinayo ng kanyang kapatid. Malinaw ang mga tagubilin ni Moroni sa pagkuha ng mga lamina. “Kailangan mong kunin ang mga ito at umuwi ka kaagad nang diretso sa inyong bahay,” sabi ng anghel, at “itago ang mga ito.”30

Sa burol, inalis niya ang bato, inabot at kinuha ang mga lamina mula sa kahong bato. Pagkatapos ay naisip niya: mahalaga ang iba pang mga bagay sa loob ng kahon at dapat itago bago siya umuwi. Inilapag niya ang mga lamina at pumihit upang takpan ang kahon. Ngunit nang balikan niya ang mga lamina, wala na ang mga ito. Nababahalang napaluhod siya at nagmakaawang malaman kung nasaan ang mga ito.

Nagpakita si Moroni at sinabi kay Joseph na hindi niya muling sinunod ang mga tagubilin sa kanya. Hindi lamang niya inilapag ang mga lamina bago matiyak na ligtas ang mga ito, hinayaan niya ring mawala ang mga ito sa kanyang paningin. Handa mang gawin ng bata pang tagakita ang gawain ng Panginoon, hindi pa niya kayang protektahan ang sinaunang talaan.

Nalungkot si Joseph, at tinagubilinan siya ni Moroni na balikan ang mga lamina sa susunod na taon. Itinuro rin niya sa kanya ang marami pang bagay tungkol sa plano ng Panginoon para sa kaharian ng Diyos at ang dakilang gawain ay magsisimula nang lumaganap.

Gayunpaman, matapos umalis ang anghel, nanlulumong bumaba sa burol si Joseph, nag-aalala sa iisipin ng kanyang pamilya kapag umuwi siya nang walang dala.31 Nang pumasok siya sa bahay, naghihintay sila sa kanya. Tinanong ng kanyang ama kung nakuha na niya ang mga lamina.

“Hindi po,” sabi niya. “Hindi ko po makukuha ang mga iyon.”

“Nakita mo ba?”

“Nakita ko po pero hindi ko po makukuha.”

“Kukunin ko ang mga iyon,” wika ni Joseph Sr., “kung ako ang nasa lugar mo.”

“Hindi po ninyo ako naiintindihan,” sabi ni Joseph. “Hindi ko makuha ang mga iyon dahil hindi ako pinahintulutan ng anghel ng Panginoon.”32

Mga Tala

  1. Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 4–5, sa JSP, H1:220 (draft 2); Joseph Smith History, circa Summer 1832, 1, sa JSP, H1:11.

  2. “Joseph Smith as Revelator and Translator,” sa JSP, MRB:xxi; Turley, Jensen, and Ashurst-McGee, “Joseph the Seer,” 49–50; tingnan din sa Mosias 8:17; Alma 37:6–7, 41; at Doktrina at mga Tipan 10:1, 4 (Revelation, Spring 1829, sa josephsmithpapers.org).

  3. Bushman, Rough Stone Rolling, 48–49; Bushman, “Joseph Smith as Translator,” 242. Topic: Seer Stones

  4. Lucy Mack Smith, History, 1845, 95; tingnan din sa Alma 37:23.

  5. Joseph Smith History, circa Summer 1832, 4, sa JSP, H1:13–14; Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 5, sa JSP, H1:218–20 (draft 2).

  6. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [10].

  7. Joseph Smith History, circa Summer 1832, 4, sa JSP, H1:13–14; Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–33; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 5, sa JSP, H1:218–22 (draft 2); Pratt, Interesting Account, 6, sa JSP, H1:524; Hyde, Ein Ruf aus der Wüste, 17–20. Topic: Angel Moroni

  8. Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:88.

  9. Joseph Smith—Kasaysayan 1:35; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 5, sa JSP, H1:222 (draft 2); Joseph Smith History, circa Summer 1832, 4, sa JSP, H1:14; Oliver Cowdery, “Letter IV,” LDS Messenger and Advocate, Peb. 1835, 1:65–67; Turley, Jensen, and Ashurst-McGee, “Joseph the Seer,” 49–54; “Mormonism—No. II,” Tiffany’s Monthly, Hulyo 1859, 164. Topic: Seer Stones

  10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–41; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 5–6, sa JSP, H1:222–26 (draft 2); Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:88–89.

  11. Oliver Cowdery, “Letter IV,” LDS Messenger and Advocate, Peb. 1835, 1:78–79; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [11].

  12. Joseph Smith—Kasaysayan 1:42–43; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 6, sa JSP, H1:226 (draft 2).

  13. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [10]–[11]; Oliver Cowdery, “Letter IV,” LDS Messenger and Advocate, Peb. 1835, 1:79–80; Oliver Cowdery, “Letter VII,” LDS Messenger and Advocate, Hulyo 1835, 1:156–57; Joseph Smith—Kasaysayan 1:44–46; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 6–7, sa JSP, H1:230–32 (draft 2); Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:88–89.

  14. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [11]; tingnan din sa Smith, William Smith on Mormonism, 9.

  15. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [11]; Smith, Biographical Sketches, 82; Joseph Smith—Kasaysayan 1:48–49; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 7, sa JSP, H1:230–32 (draft 2); Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:89.

  16. Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:89.

  17. Oliver Cowdery, “Letter VIII,” LDS Messenger and Advocate, Okt. 1835, 2:195–97. Topic: Treasure Seeking

  18. Oliver Cowdery, “Letter VIII,” LDS Messenger and Advocate, Okt. 1835, 2:195–97; Joseph Smith—Kasaysayan 1:51–52; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 6–7, sa JSP, H1:230–32 (draft 2); tingnan din sa Packer, “A Study of the Hill Cumorah,” 7–10.

  19. Joseph Smith—Kasaysayan 1:52; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 7, sa JSP, H1:232 (draft 2). Topic: Gold Plates

  20. Joseph Smith, “Church History,” Times and Seasons, Mar. 1, 1842, 3:707, sa JSP, H1:495.

  21. Oliver Cowdery, “Letter VIII,” LDS Messenger and Advocate, Okt. 1835, 2:197–98; tingnan din sa Pratt, Interesting Account, 10, sa JSP, H1:527–29.

  22. Oliver Cowdery, “Letter VIII,” LDS Messenger and Advocate, Okt. 1835, 2:198–99.

  23. Knight, Reminiscences, 1; Joseph Smith, Journal, Nob. 9–11, 1835, sa JSP, J1:89; Joseph Smith—Kasaysayan 1:53–54; Joseph Smith History, 1838–56, tomo A-1, 7, sa JSP, H1:232–34 (draft 2); tingnan din sa Jessee, “Joseph Knight’s Recollection of Early Mormon History,” 31.

  24. Joseph Smith, Journal, Ago. 23, 1842, sa JSP, J1:116–17.

  25. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [12]; book 4, [3]; Smith, Biographical Sketches, 83.

  26. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [1]–[3]; Smith, Biographical Sketches, 86–87; tingnan din sa Lucy Mack Smith, History, 1845, 89; at sa Bushman, Refinement of America, 425–27. Topic: Joseph Sr. and Lucy Mack Smith Family

  27. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [3]–[5].

  28. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [6]–[8]; “Wm. B. Smith’s Last Statement,” Zion’s Ensign, Ene. 13, 1894, 6.

  29. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [7]; Joseph Smith, Journal, Ago. 23, 1842, sa JSP, J2:116–17.

  30. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [2]–[3].

  31. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 4, [2]–[3]; Smith, Biographical Sketches, 85–86; Knight, Reminiscences, 1; Joseph Smith—Kasaysayan 1:54; Lucy Mack Smith, History, 1845, 88; tingnan din sa Jessee, “Joseph Knight’s Recollection of Early Mormon History,” 31.

  32. Smith, Biographical Sketches, 86.