Institute
30 Lumaban na tulad ng mga Anghel


“Lumaban na tulad ng mga Anghel,” kabanata 30 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 30: “Lumaban na tulad ng mga Anghel”

Kabanata 30

Panghihikayat sa mga Sundalo

Lumaban na tulad ng mga Anghel

Ang hapon ng Oktubre 30, 1838 ay presko at maaliwalas sa Hawn’s Mill na isang maliit na pamayanan sa Caldwell County. Naglalaro ang mga bata sa ilalim ng asul na kalangitan sa pampang ng Shoal Creek. Ang mga babae ay naglalaba ng damit sa ilog at naghahanda ng pagkain. Ang ilang kalalakihan ay nasa bukid, tinitipon ang mga inani para sa taglamig, habang ang iba ay nagtatrabaho sa mga gilingan sa tabi ng ilog.1

Nakaupo si Amanda Smith sa isang tolda habang naglalaro sa malapit ang kanyang mga anak na babae, sina Alvira at Ortencia. Ang kanyang asawa, si Warren ay nasa pandayan kasama ng kanilang tatlong bata pang anak na lalaki, sina Willard, Sardius, at Alma.2

Ang mga Smith ay dumaraan lamang sa Hawn’s Mill. Kabilang sila sa grupo ng mahihirap na mga Banal na umalis sa Kirtland noong tag-init na iyon. Naantala ang paglalakbay ng pamilya dahil sa magkakasunod na problema, na pumuwersa sa kanilang mahiwalay sa iba. Ang karamihan sa grupo ay nakarating na sa Far West, at nais na nina Amanda at Warren na magpatuloy sa paglalakbay.3

Habang nagpapahinga si Amanda sa tolda, nakakita siya ng andap na pagkilos sa labas at natigilan. Isang grupo ng mga armadong lalaki, na may pinaitim na mga mukha, ang pababa sa pamayanan.4

Tulad ng iba pang mga Banal sa lugar, inaalala ni Amanda ang mga pagsalakay ng mga mandurumog. Bago tumigil sa Hawn’s Mill, ang kanyang maliit na grupo ay pinagsalitaan ng mga lalaki na lumusob sa kanilang mga bagon, kinumpiska ang kanilang mga sandata at pinabantayan sila sa mga guwardiya sa loob ng tatlong araw bago sila pinakawalan.5

Nang dumating ang kanyang grupo sa Hawn’s Mill, tiniyak sa kanila ng mga lokal na lider na ligtas ang pamayanan. Si David Evans, ang pinuno ng mga Banal doon, ay gumawa ng isang kasunduan ng tigil labanan sa kanilang mga kapitbahay, na nagsabing nais nilang mamuhay nang payapa kasama ng mga Banal. Ngunit bilang pag-iingat, naglagay siya ng mga guwardiya sa paligid ng pamayanan.

Nasa panganib ngayon ang mga Banal sa Hawn’s Mill. Agad na kinuha ang kanyang mga batang anak na babae, tumakbo si Amanda patungo sa kakahuyan sa may sapa na malapit sa gilingan. Narinig niya ang pagputok ng baril sa likuran niya, at ang magkakasunod na pagsipol ng bala na dumaan malapit sa kanya at sa iba pa na gumapang papunta sa mga puno.6

Malapit sa pandayan, ikinaway ni David ang kanyang sumbrero at sumigaw para sa isang tigil-putukan. Hindi siya pinansin ng mga mandurumog at patuloy silang sumugod habang muling pinapuputukan ang mga tumatakas na mga Banal.7

Kapit-kapit ang kanyang mga anak na babae, tumakbo si Amanda pababa sa isang bangin habang mas maraming bala ang muntik nang tumama sa kanya. Pagdating niya sa ibaba, nagmamadali silang tumawid ng mga batang babae sa isang makapal na tabla na patawid ng lawa at nagsimulang umakyat sa isang burol sa kabilang panig.

Si Mary Stedwell, isang babaeng tumatakbo sa likod niya, ay nagtaas ng kanyang mga kamay sa mga mandurumog at nagmakaawa para sa kapayapaan. Muling nagpaputok ang mga mandurumog, at isang bala ang tumagos sa kanyang kamay.

Humiyaw si Amanda kay Mary na magtago sa likod ng isang natumbang puno. Tumakbo siya at ang kanyang mga anak na babae patungo sa kakahuyan at paupong naglakad sa likod ng ilang palumpong sa kabilang bahagi ng burol.

Nang hindi nakikita ng mga mandurumog, hinila ni Amanda ang kanyang mga anak na babae palapit sa kanya at nakinig sa alingawngaw ng mga putok sa buong pamayanan.8


Nang magsimula ang putukan, ang anim na taong gulang na anak na lalaki ni Amanda, si Alma, at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Sardius ay sumunod sa kanilang ama sa pandayan, kung saan inimbak ng mga Banal ang ilang baril na pag-aari nila. Sa loob, dose-dosenang kalalakihan ang desperadong sumubok na labanan ang mga umaatake at ginawang muog ang pandayan. Ang mga may baril ay nagpaputok sa mga mandurumog sa mga siwang ng mga pader na yari sa troso.

Dahil sa takot, gumapang sina Alma at Sardius sa ilalim ng bulusan ng panday kasama ng isa pang batang lalaki. Pinaligiran ng mga mandurumog ang pandayan at mas lumapit sa mga Banal. Ang ilang kalalakihan ay lumabas ng pinto, sumisigaw para sa kapayapaan, ngunit pinatumba sila ng mga sunud-sunod na pagputok.9

Nanatiling nakatago si Alma sa ilalim ng bulusan habang mas lumakas at mas tumindi ang mga putok ng baril. Lumapit ang mga mandurumog sa paligid ng pandayan, isinaksak sa mga siwang sa dingding ang kanilang mga baril at nagpaputok sa kalalakihan nang malapitan. Isa-isang bumagsak sa lupa ang mga Banal na may mga butas ng bala sa kanilang mga dibdib, braso, at hita.10 Sa ilalim ng bulusan, naririnig ni Alma ang pagdaing sa sakit ng mga lalaki.

Di nagtagal ay sinalakay ng mga mandurumog ang pasukan at nagpaputok sa mas maraming kalalakihan habang sinusubukan ng mga ito na tumakas. Tatlong bala ang tumama sa batang nagtatago sa tabi ni Alma, at nanlambot ang kanyang katawan. Isang lalaki ang nakakita kay Alma at pinaputukan siya, na sumugat sa kanyang balakang.11 Isa pang lalaki ang nakakita kay Sardius at kinaladkad siya palabas. Itinulak niya ang dulo ng baril sa ulo ng sampung-taong-gulang at kinalabit ang gatilyo na agad na pumatay sa kanya.12

Umiwas ng tingin ang isa sa mga mandurumog. “Isang nakakahinayang na kahihiyan na patayin ang mga batang lalaking iyon,” sabi niya.

“Ang mga lisa ay nagiging mga kuto,” sagot ng isa pa.13


Dahil hindi nalalaman ang utos ng pagpuksa ng gobernador, umasa ang mga Banal sa Far West na magpapadala si Boggs ng tulong bago pa makalumusob ang mga mandurumog sa kanilang bayan. Nang makita nila sa malayo ang isang papalapit na hukbo ng mga dalawang daan at limampung kawal noong Oktubre 30, nag-umapaw ang kanilang kagalakan. Akala nila ay nagpadala na sa wakas ang gobernador ng mga militia ng estado para protektahan sila.14

Ang namumuno sa hukbo ay si Heneral Alexander Doniphan na tumulong sa mga Banal noon. Pinapila ni Heneral Doniphan ang kanyang mga sundalo sa tapat ng hukbo ng mga Banal na nakaposisyon lamang sa labas ng Far West, at nagtaas ang mga Banal ng isang puting watawat ng tigil labanan. Naghihintay pa rin ang heneral para sa mga nakasulat na utos mula sa gobernador, ngunit siya at ang kanyang mga sundalo ay hindi dumating upang protektahan ang Far West. Naroon sila upang supilin ang mga Banal.15

Bagamat alam niyang higit na mas marami ang hukbo ng mga Banal kaysa sa mga kawal sa Missouri, naging balisa si George Hinkle, ang Banal sa mga Huling Araw na namamahala sa rehimyento ng Caldwell County, at inutusan ang kanyang mga kawal na umurong. Habang bumabalik ang mga lalaki, pinuntahan ni Joseph ang kanilang mga hanay, naguguluhan sa utos ni George.

“Atras?” hiyaw nito. “Saan sa ngalan ng Diyos tayo aatras?” Sinabi niya sa mga lalaki na bumalik sa parang at muling bumuo ng kanilang mga hanay.16

Pagkatapos ay nilapitan ang mga Banal ng mga mensaherong nagmula sa militia ng Missouri na may dala ng utos na nagtitiyak ng ligtas na pagpapaalis kay Adam Lightner at sa kanyang pamilya mula sa bayan. Si Adam ay hindi miyembro ng simbahan, ngunit siya ay ikinasal sa dalawampung taong gulang na si Mary Rollins, ang dalagitang nagligtas sa mga pahina ng Aklat ng mga Kautusan mula sa mga mandurumog sa Independence mga ilan taon na ang nakalilipas.

Sina Adam at Mary ay ipinatawag mula sa Far West kasama ng kapatid ni Adam na si Lydia at ng asawa nito, si John Cleminson. Nang malaman nila kung ano ang nais ng mga sundalo, bumaling si Mary kay Lydia at itinanong kung ano sa tingin niya ang dapat nilang gawin.

“Gagawin natin kung ano ang sasabihin mo,” sabi ni Lydia.

Itinanong ni Mary sa mga mensahero kung maaaring umalis ang mga babae at mga bata bago ang pag-atake sa Far West.

“Hindi,” sagot nila.

“Pahihintulutan niyo ba ang pamilya ng aking ina na makalabas?” tanong ni Mary.

“Ang utos ng gobernador ay huwag paalisin ang sinuman maliban sa dalawang pamilya ninyo,” ang sabi sa kanya.17

“Kung iyan ang mangyayari, tumatanggi akong umalis,” sabi ni Mary. “Kung saan sila mamamatay, doon ako mamamatay, sapagkat ako ay isang tunay na dugong Mormon, at hindi ko ikinahihiyang sabihin ito.”

“Isipin mo ang iyong asawa at anak,” sabi ng mga mensahero.

“Maaari siyang umalis at dalhin ang bata sa kanya, kung gusto niya,” sabi ni Mary, “subalit magdurusa akong kasama ang iba pa.”18

Sa pag-alis ng mga mensahero, nangabayo si Joseph papalapit sa kanila at nagsabi, “Sabihin ninyo sa hukbong iyon na umurong sa loob ng limang minuto o bibigyan namin sila ng impiyerno!”19

Bumalik sa kanilang hanay ang mga kawal ng militia, at di nagtagal ay umatras ang mga tropa sa Missouri papunta sa kanilang pangunahing kampo.20 Kalaunan ng araw na yaon, dumating ang walong daang karagdagang sundalo sa ilalim ni Heneral Samuel Lucas, na naging pinuno sa pagpapalayas ng mga Banal mula sa Jackson County limang taon na ang nakararaan.21

Mayroong hindi hihigit sa tatlong daang armadong mga Banal sa Far West, subalit determinado silang ipagtanggol ang kanilang mga pamilya at tahanan. Tinipon ng propeta ang mga puwersa ng mga Banal sa liwasang bayan at sinabi sa kanila na maghanda para sa labanan.22

“Lumaban na tulad ng mga anghel,” sabi ni Joseph. Naniwala siya na kung sasalakay ang militia ng Missouri, magpapadala ang Panginoon ng dalawang anghel para sa bawat lalaking kulang sa kanila.23

Ngunit hindi gusto ng propeta na maunang sumalakay. Nang gabing iyon, gumawa ng tumpok ang mga Banal ng anumang kaya nila, bumubuo ng isang barikada na isang milya at kalahati ang haba sa silangan, timog, at kanlurang hangganan ng lunsod. Habang itinutusok ng mga lalaki ang mga nakahaharang na bakod sa pagitan ng mga bahay na troso at mga bagon, nagtipon ang kababaihan ng mga suplay bilang paghahanda sa pag-atake.

Nagbantay magdamag ang mga guwardiya.24


Sa Hawn’s Mill, ang labing-isang taong gulang na si Willard Smith—ang panganay na anak ni Amanda Smith—ay lumitaw mula sa likuran ng isang malaking punong malapit sa lawa sa may gilingan at gumapang papuntang pandayan. Nang magsimula ang pagsalakay, tinangka niyang makasama ang kanyang ama at mga kapatid, ngunit hindi siya nakagawa ng paraan para makapunta sa pandayan at sa halip ay nagtago sa likod ng tumpok ng mga kahoy. Nang naghiwa-hiwalay ang mga mandurumog at natuklasan ang kanyang kinalalagyan, lumipat siya sa iba’t-ibang bahay, umiilag sa mga bala habang tumatakbo, hanggang sa makaalis ang mga mandurumog sa pamayanan.

Sa pandayan, natagpuan ni Willard ang walang buhay na katawan ng kanyang ama na nakahandusay sa may pintuan. Nakita niya ang katawan ng kanyang kapatid na si Sardius na nakapangingilabot na nabasagan ng ulo dahil sa putok ng baril. Ang iba pang mga katawan—na mahigit isang dosena— ay nakatumpok sa sahig sa loob ng pandayan. Naghanap si Willard sa mga ito at nakita ang kanyang kapatid na si Alma. Ang batang lalaki ay nakabaluktot at hindi gumagalaw sa lupa, ngunit humihinga pa rin ito. Ang kanyang pantalon ay puno ng dugo kung saan siya nabaril.25

Binuhat ni Willard si Alma sa kanyang mga bisig at dinala siya sa labas. Nakita niya ang kanilang ina na papalapit sa kanila mula sa kagubatan. “Pinatay nila ang aking munting Alma!” Umiyak si Amanda nang makita niya sila.

“Hindi po, Inay,” sabi si Willard, “pero sina Itay at Sardius ay patay na.”

Dinala niya ang kanyang kapatid sa kanilang kampo at maingat itong inilapag. Hinalukay ng mga mandurumog ang tolda, hiniwa ang mga kutson, at ikinalat ang mga dayami. Ipinantay ni Amanda ang mga dayami sa abot ng kanyang makakaya at tinakpan ito ng damit upang makagawa ng kama para kay Alma. Pagkatapos ay ginupit niya ang pantalon nito para makita ang pinsala.26

Ang sugat ay sariwa at napakasakit. Ang hugpungan ng buto sa balakang ay wala nang lahat. Hindi malaman ni Amanda kung paano siya tutulungan.

Marahil ay maaari niyang palakarin si Willard para humingi ng tulong, pero saan siya pupunta? Sa manipis na tela ng kanyang tolda, naririnig ni Amanda ang pagdaing ng mga sugatan at pagtangis ng mga Banal na namatayan ng mga asawa at ama, mga anak at kapatid. Ang sinumang maaaring makatulong sa kanya ay nag-aalaga ng iba o nagdadalamhati. Alam niya na kailangan niyang umasa sa Diyos.27

Nang magkamalay si Alma, tinanong siya ni Amanda kung sa palagay niya ay makagagawa ang Panginoon ng bagong balakang para sa kanya. Sinabi ni Alma na naniniwala siya kung sa tingin ni Amanda ay ganoon nga.

Tinipon ni Amanda ang kanyang tatlong iba pang mga anak sa palibot ni Alma. “O, aking Ama sa Langit,” dalangin niya, “nakikita po Ninyo ang aking kawawa at sugatang anak at nalalaman ang kawalan ko ng karanasan. O, Ama sa Langit, patnubayan po Ninyo ako sa kung ano ang aking gagawin.”28

Tinapos niya ang kanyang panalangin at nakarinig siya ng isang tinig na gumabay sa kanyang mga kilos. Nagbabaga pa ang apoy ng pamilya sa labas, at mabilis niyang inihalo ang mga abo nito sa tubig para makagawa ng lihiya. Inilubog niya rito ang isang malinis na tela at marahang nilinis ang sugat ni Alma, paulit-ulit niyang ginawa ang pamamaraang ito hanggang nalinis ang sugat.

Pagkatapos ay pinakuha niya si Willard ng mga ugat ng puno ng elm. Pagbalik niya, dinikdik ni Amanda ang mga ugat para maging sapal at hinalo ang mga ito para maging panapal. Inilagay niya ang panapal sa sugat ni Alma at binalot ito ng telang lino.

“Ngayon humiga ka nang ganyan, at huwag gumalaw,” sinabi niya sa kanyang anak, “at igagawa ka Panginoon ng isa pang balakang.”29

Nang malaman niyang nakatulog na ito at ligtas na ang iba pang mga bata sa tolda, lumabas si Amanda at umiyak.30


Kinabukasan, Oktubre 31, nakipagkita si George Hinkle at ang iba pang mga pinuno ng militia ng mga Banal kay Heneral Doniphan sa ilalim ng puting watawat ng tigil labanan. Hindi pa rin natatanggap ni Doniphan ang mga utos ng gobernador, ngunit alam niyang pinahintulutan ng mga ito na puksain ang mga Banal. Ang anumang pakikipag-usap para sa kapayapaan, paliwanag niya, ay kailangang maghintay hanggang sa makita niya ang mga utos. Sinabi rin niya kay George na si Heneral Lucas, ang dating kaaway ng mga Banal, ang siyang tagapamuno na ngayon ng mga hukbo ng militia.31

Pagbalik sa Far West, iniulat ni George kay Joseph ang tungkol sa nalaman niya. Sa panahong ito, dumating ang mga mensahero mula sa Hawn’s Mill na nagbalita ng tungkol sa mga pagpaslang. Labimpitong tao ang napatay at mahigit isang dosena ang sugatan.32

Pinasama ng dalawang balita ang pakiramdam ni Joseph. Ang di-pagkakasundo sa mga taga-Missouri ay mas tumindi pa kaysa sa mga pagsalakay at maliliit na labanan. Kung makakapasok ang mga mandurumog at militia sa barikada ng mga Banal, maaaring magdusa ang mga tao sa Far West ng parehong kapalaran na dinanas ng mga nasa Hawn’s Mill.33

“Magmakaawa na tulad ng isang aso para sa kapayapaan,” panghihimok ni Joseph kay George. Sinabi ng propeta na mas nanaisin niyang mamatay o pumunta sa bilangguan nang dalawampung taon kaysa mapaslang ang mga Banal.34

Kalaunan sa araw na iyon, dumating ang utos ng gobernador, at nakipagkasunduan sina George at ang iba pang mga lider ng militia para makausap si Heneral Lucas sa isang burol na malapit sa Far West. Dumating ang heneral kinahapunan at binasa nang malakas ang utos ng pagpuksa. Nabigla ang mga Banal. Alam nila na ang Far West ay napaliligiran ng halos tatlong libong kawal ng militia ng Missouri, na ang karamihan ay uhaw na makipaglaban. Ang kailangan lamang gawin ni Lucas ay iparating ang utos at ang kanyang mga kawal ay lulusubin ang lunsod.

Subalit sinabi ng heneral na handa siya at ang kanyang mga sundalo na magpakita ng awa kung ang mga Banal ay ipapahuli ang kanilang mga lider, isusuko ang kanilang mga armas, at sasang-ayon na ipagbili ang kanilang lupain at tuluyan nang lisanin ang estado. Binigyan niya si George ng isang oras para sang-ayunan ang mga kondisyon. Kung hindi, wala nang makapipigil sa kanyang mga kawal sa pagpuksa sa mga Banal.35

Bumalik si George sa Far West nang gabing iyon na hindi sigurado kung papayag si Joseph sa mga kondisyon. Bilang kumander ng militia ng Caldwell County, may awtoridad si George na makipagnegosasyon sa mga kaaway. Subalit nais ni Joseph na komulsulta muna siya sa Unang Panguluhan bago makipagkasundo sa anumang panukala ng mga tropa ng estado.

Dahil halos ubos na ang oras at nakahanda na ang militia na sugurin ang bayan, sinabi ni George kay Joseph na nais makipag-usap ni Heneral Lucas sa kanya at sa ibang pang mga lider ng simbahan tungkol sa pagtatapos ng labanan. Sabik na alisin sa panganib ang mga Banal, pumayag na makipag-usap si Joseph sa ilalim ng watawat ng tigil labanan. Bagamat hindi siya miyembro ng militia, nais ni Joseph na gawin ang anumang makakaya niya upang lutasin ang di-pagkakasundo.36

Siya at si George ay umalis sa Far West bago ang paglubog ng araw kasama sina Sidney Rigdon, Parley Pratt, Lyman Wight, at George Robinson. Nangangalahati sa paglalakbay patungong kampo sa Missouri, nakita nila si Heneral Lucas na may dalang ilang sundalo at isang kanyon na naglakbay para makatagpo sila. Inakala ni Joseph na dumating sila para sabayan sila upang ligtas na makarating sa kampo sa Missouri.

Pinahinto ng heneral ang kanyang kabayo sa harap ng mga lalaki at iniutos sa kanyang mga kawal na paligiran sila. Lumapit si George Hinkle at sinabi, “Ito ang mga bilanggo na sinang-ayunan kong ihatid.”

Hinugot ni Heneral Lucas ang kanyang espada. “Mga ginoo,” sabi niya, “kayo ay aking mga bilanggo.” Ang mga kawal ng Missouri ay biglang naghiyawan ng mga nakatutulig na sigaw na pandigma at pinaligiran ang mga bihag.37

Natigilan si Joseph. Ano ang nagawa ni George? Ang pagkalito ng propeta ay nauwi sa galit, at nagpumilit siyang kausapin si Lucas, ngunit binalewala siya ng heneral at nangabayo itong palayo.

Dinala ng mga sundalo si Joseph at ang iba pang kalalakihan sa kampo sa Missouri. Sinalubong sila ng napakasasamang banta at pang-iinsulto ng isang pulutong ng mga kawal. Habang dumaraan sina Joseph at kanyang mga kaibigan sa kanilang mga hanay, mapagbunying naghiyawan ang mga lalaki at niluraan ang kanilang mga mukha at kasuotan.

Inilagay ni Heneral Lucas si Joseph at ang kanyang mga kaibigan sa ilalim ng matinding pagbabantay at pinilit silang patulugin sa malamig na sahig. Ang kanilang mga araw bilang malalayang kalalakihan ay tapos na. Sila ngayon ay mga bilanggo na ng digmaan.38