“Magtayo ng Isang Lunsod,” kabanata 34 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 34: “Magtayo ng Isang Lunsod”
Kabanata 34
Magtayo ng Isang Lunsod
Sa huling bahagi ng Abril 1839, ilang araw matapos muling makasama ang mga Banal, naglakbay si Joseph pahilaga upang siyasatin ang lupain na nais bilhin ng mga lider ng simbahan sa loob at paligid ng Commerce, isang bayan na limampung milya ang layo mula sa Quincy. Sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit anim na buwan, ang propeta ay naglalakbay nang walang kasamang armadong bantay o banta ng karahasan na bumabalot sa kanya. Sa wakas ay kasama na niya ang kanyang mga kaibigan, sa isang estado kung saan ang mga tao ay malugod na tinanggap ang mga Banal at tila iginagalang ang kanilang mga paniniwala.
Habang nasa piitan, sumulat si Joseph sa isang tao na nagbebenta ng lupain sa paligid ng Commerce, nagpapahayag ng interes sa paglipat ng simbahan doon. “Kung walang sinumang nagpapahayag ng partikular na interes na gawin ang pagbili,” sinabi sa kanya ni Joseph, “aming bibilhin ito sa inyo.”1
Subalit, matapos ang pagbagsak ng Far West, maraming Banal ang nagdududa sa karunungan sa likod ng pagtitipon sa iisang lugar. Iniisip ni Edward Partridge kung ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang hidwaan at makapagbigay sa mga maralita ay ang magtipon sa mga maliit na komunidad na nakakalat sa buong bansa.2 Ngunit alam ni Joseph na hindi binawi ng Panginoon ang Kanyang utos sa mga Banal na magtipon.
Nang dumating sa Commerce, nakita niya ang isang maputik na bahaing kapatagan na dahan-dahang umakyat sa isang mapunong burol kung saan tanaw ang isang malawak na liko sa Mississippi River. May iilang tahanan ang nakatayo sa lugar. Sa kabila ng ilog sa Teritoryo ng Iowa, malapit sa isang bayan na tinatawag na Montrose, nakatayo ang ilang inabandonang kuwartel ng mga sundalo sa mas maraming lupain na maaaring mabili.
Naniwala si Joseph na ang mga Banal ay makapagtatayo ng mauunlad na mga stake ng Sion sa lugar na ito. Ang lupain ay hindi ang pinakamainam sa lahat ng kanyang nakita, ngunit ang Mississippi River ay mapaglalayagan papunta sa dagat, kung kaya’t ang Commerce ay isang magandang lugar para sa pagtitipon ng mga Banal mula sa ibayong dagat at pagtatatag ng mga negosyo. Kakaunti rin lang ang nakatira sa lugar.
Gayunpaman, mapanganib na tipunin doon ang mga Banal. Kung lumago ang simbahan, tulad ng inaasam ni Joseph, maaaring matakot ang kanilang mga kapitbahay at kalabanin sila, tulad ng ginawa ng mga tao sa Missouri.
Nanalangin si Joseph. “Panginoon, ano po ang nais Ninyong ipagawa sa akin?”
“Magtayo ng isang lunsod,” sinabi ng Panginoon, “at papuntahin ang aking mga Banal sa lugar na ito.”3
Noong tagsibol na iyon, sina Wilford at Phebe Woodruff ay lumipat sa mga kuwartel sa Montrose. Kabilang sa kanilang mga bagong kapitbahay sina Brigham at Mary Ann Young at Orson at Sarah Pratt. Matapos ilipat ang kanilang mga pamilya, nagplano ang tatlong apostol na umalis para sa kanilang mga misyon sa Britain kasama ang iba pa sa korum.4
Hindi naglaon ay libu-libong mga Banal ang lumipat sa bagong lugar na pagtitipunan, nagtatayo ng mga tolda o naninirahan sa mga bagon habang sila ay nagtatayo ng mga tahanan, bumibili ng pagkain at damit, at naghahawan ng bukirin sa magkabilang panig ng ilog.5
Sa paglago ng bagong pamayanan, ang Labindalawa ay madalas makipagkita kay Joseph, na nangaral nang may bagong sigla habang inihahanda niya ang mga ito para sa kanilang misyon.6 Itinuro ng propeta na walang anumang inihayag ang Diyos sa kanya na hindi rin Niya ipapaalam sa Labindalawa. “Maging ang pinakaabang Banal ay malalaman ang lahat ng bagay na kasimbilis ng kaya niya,” sabi ni Joseph.7
Tinuruan niya ang mga ito tungkol sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo, sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom, at sa pagtatayo ng Sion. Ginugunita ang pagtataksil ng mga dating apostol, hinimok din niya ang mga ito na maging matapat. “Tiyakin na hindi ninyo ipagkakanulo ang langit,” sabi niya, “na hindi ninyo ipagkakanulo si Jesucristo, na hindi ninyo ipagkakanulo ang inyong mga kapatid, at hindi ninyo ipagkakanulo ang mga paghahayag ng Diyos.”8
Sa panahong ito, nagpakita ng hangarin si Orson Hyde na bumalik sa Korum ng Labindalawa, nahihiya na kanyang tinuligsa si Joseph sa Missouri at iniwan ang mga Banal. Natatakot na muli silang ipagkakanulo ni Orson kapag dumating ang susunod na problema, nag-atubili si Sidney Rigdon na ibalik ang kanyang pagiging apostol. Si Joseph, gayunman, ay sinalubong siya pabalik at ipinanumbalik ang kanyang dating lugar niya sa Labindalawa.9 Noong Hulyo, nakatakas mula sa bilangguan ng Missouri si Parley Pratt at muling nakasama ang mga apostol.10
Sa panahong iyon, ang mga kulupon ng mga lamok ay lumipad mula sa mga latian upang magpakabusog sa mga bagong salta, at maraming Banal ang nagkasakit ng nakamamatay na lagnat at matinding panginginig na dulot ng malarya. Karamihan sa Labindalawa ay masyadong malubha ang sakit para tumuloy sa Britain.11
Noong umaga ng Lunes, Hulyo 22, narinig ni Wilford ang boses ni Joseph sa labas ng kanyang bahay: “Brother Woodruff, sumunod ka sa akin.”
Lumabas si Wilford at nakita si Joseph na nakatayo kasama ang isang grupo ng mga lalaki. Buong umaga ay pinuntahan nila ang bawat bahay, at ang bawat tolda, dinadalaw ang mga maysakit at hinawakan ang kanilang mga kamay at pinapagaling sila. Pagkatapos ng pagbabasbas sa mga Banal sa Commerce, sumakay sila ng bapor sa kahabaan ng ilog upang pagalingin ang mga Banal sa Montrose.12
Sumama si Wilford sa kanila na maglakad sa kahabaan ng liwasang bayan patungo sa bahay ng kaibigan niyang si Elijah Fordham. Lubog ang mga mata ni Elijah at maputla ang kanyang balat. Ang kanyang asawang si Ana ay umiiyak habang inihahanda nito ang kanyang damit pamburol.13
Nilapitan ni Joseph si Elijah at hinawakan ang kanyang kamay. “Brother Fordham,” itinanong niya, “wala ka bang pananampalataya upang gumaling?”
“Palagay ko ay huli na ang lahat,” sabi niya.
“Hindi ka ba naniniwala na si Jesus ang Cristo?”
“Naniniwala ako, Brother Joseph.”
“Elijah,” paghahayag ng propeta, “inuutusan kita, sa pangalan ni Jesus ng Nazaret, na bumangon at ikaw ay gagaling.”
Tila niyugyog ng mga salita ang bahay. Bumangon si Elijah mula sa pagkakahiga na may mukhang namumula ang kulay. Nagbihis siya, humingi ng makakain, at sinundan ni Joseph sa labas upang tumulong na maglingkod sa marami pang iba.14
Kalaunan nang gabing iyon, nagulat si Phebe Woodruff nang bisitahin niya sina Elijah at si Anna. Ilang oras lamang ang nakalipas, halos sinukuan na ni Anna ang lkanyang asawa. Ngayon ay sinabi ni Elijah na sapat ang lakas na nadarama niya upang magtrabaho sa kanyang halamanan. Walang duda si Phebe na ang kanyang paggaling ay gawa ng Diyos.15
Ang mga pagsisikap ni Joseph na basbasan at pagalingin ang mga maysakit ay hindi nagawang tapusin ang pagkalat ng sakit sa Commerce at Montrose, at ang ilan sa mga Banal ay pumanaw. Habang dumarami ang mga taong namamatay, nag-alala ang labingwalong taong gulang na si Zina Huntington na baka ang kanyang ina ay pumanaw rin bunsod ng sakit.
Araw-araw inaalagaan ni Zina ang kanyang ina, umaasa sa kanyang ama at mga kapatid na lalaki para sa suporta, ngunit hindi nagtagal ang buong pamilya na rin ay may sakit. Paminsan-minsan ay dinadalaw sila ni Joseph, tinitingnan kung ano ang magagawa niya para tulungan ang pamilya o gawing mas komportable ang ina ni Zina.
Isang araw, tinawag si Zina ng kanyang ina. “Dumating na ang oras ng aking pagpanaw,” mahina nitong sinabi. “Hindi ako natatakot.” Nagpatotoo siya kay Zina sa Pagkabuhay na Mag-uli. “Ako ay matagumpay na babangon kasama ang mga matwid kapag dumating ang Tagapagligtas upang salubungin ang mga Banal sa mundo.”
Nang namatay ang kanyang ina, napuno ng hapis si Zina. Batid ang pagdurusa ng pamilya, nagpatuloy si Joseph sa pag-aalaga sa kanila.16
Sa isa sa mga pagbisita ni Joseph, tinanong siya ni Zina, “Makikilala ko ba ang aking ina bilang ina ko pagdating ko sa kabilang buhay?”
“Higit pa riyan,” sabi ni Joseph, “makikilala mo at magiging pamilyar ka sa iyong walang hanggang Ina, ang asawa ng iyong Ama sa Langit.”
“Mayroon akong isang Ina sa Langit?” tanong ni Zina.
“Tiyak na mayroon ka,” sabi ni Joseph. “Paano Niya magagawang kunin ang titulo ng pagiging Ama kung wala namang Ina na makikibahagi ng pagiging magulang na iyon?”17
Sa unang bahagi ng Agosto, naglakbay si Wilford kasama si John Taylor patungong England, ang una sa mga apostol na umalis para sa bagong misyon. Noong panahong iyon, nagdadalantao si Phebe sa isa pang anak, at ang asawa ni John na si Leonora, at ang tatlo nilang anak ay may lagnat.18
Sina Parley at Orson Pratt ay ang mga sumunod na apostol na umalis, bagamat sina Orson at Sarah ay nagdadalamhati pa rin para sa kanilang anak na si Lydia, na labing-isang araw pa lamang mula nang pumanaw. Si Mary Ann Pratt, ang asawa ni Parley, ay sasama sa mga apostol sa misyon, at umalis siyang kasama nila. Si George A. Smith, ang pinakabatang apostol, ay maysakit pa rin nang sinimulan niya ang kanyang misyon, pinagpapaliban ang pagpapakasal sa kanyang nobyang si Bathsheba Bigler.19
Nagpaalam si Mary Ann Young kay Brigham sa kalagitnaan ng Setyembre. Siya’y may sakit na muli, ngunit determinado siyang gawin ang hinihingi sa kanya. Si Mary Ann ay may sakit din at may kaunti lamang na pera para suportahan ang kanilang limang anak habang wala si Brigham, ngunit nais niyang gampanan nito ang kanyang tungkulin.
“Humayo at isakatuparan ang iyong misyon, at pagpapalain ka ng Panginoon,” sabi niya. “Gagawin ko ang makakaya ko para sa aking sarili at sa ating mga anak.”20
Ilang araw matapos umalis ni Brigham, nalaman ni Mary Ann na umabot lamang ito sa tahanan ng mga Kimball, sa kabilang pampang ng Mississippi, bago bumagsak ang pangangatawan bunsod ng pagkahapo. Agad siyang nakatawid sa ilog upang alagaan ito hanggang sa maging sapat ang lakas nito upang umalis.21
Sa tahanan ng mga Kimball, natagpuan ni Mary Ann si Vilate na nakaratay sa kama kasama ang dalawa sa kanyang mga anak, at walang sinumang naiwan maliban sa kanilang apat na taong gulang na anak na lalaki para mag-igib ng mga mabibigat na tapayan sa balon. Malubha rin ang sakit ni Heber para tumayo, subalit desidido siya na umalis kasama si Brigham kinabukasan.
Inalagaan ni Mary Ann si Brigham hanggang sa dumating ang isang bagon kinabukasan ng umaga. Nang tumayo si Heber para umalis, mukha siyang nababalisa. Niyakap niya si Vilate, na nakahiga sa kama at nanginginig dahil sa lagnat, pagkatapos ay nagpaalam sa kanyang mga anak at pasuray-suray na sumakay sa bagon.
Hindi nagawa ni Brigham na magmukhang malusog noong nagpaalam siya kay Mary Ann at sa kanyang kapatid na si Fanny, na hinimok siyang manatili hanggang sa siya ay gumaling.
“Napakaganda ng pakiramdam ko,” sabi niya.
“Nagsisinungaling ka,” sabi ni Fanny.
Hirap na sumakay si Brigham sa bagon at umupo sa tabi ni Heber. Habang bumababa ng burol ang bagon, lubhang mabigat ang loob ni Heber na lisanin ang kanyang pamilya habang sila ay may malubhang sakit. Bumaling siya sa mga nagpapatakbo ng bagon at sinabihan itong tumigil. “Napakahirap nito,” sabi niya kay Brigham. “Tayo’y tumayo at aliwin sila.”
Sa bahay, isang ingay sa labas ang nagpatayo kay Vilate mula sa kama dahil sa gulat. Pasuray-suray na nagpunta sa pintuan, sumama siya kina Mary Ann at Fanny, na may tinatanaw na kung ano nasa hindi kalayuan. Tumingin din si Vilate, at nagkaroon ng ngiti sa kanyang mukha.
Ito ay sina Brigham at Heber, nakatayo sa likod ng bagon at nakasandal sa isa’t-isa para sa suporta. “Mabuhay! Mabuhay!“ ang sigaw ng mga lalaki, iwinawagayway ang kanilang sombrero sa hangin. “Mabuhay ang Israel!”
“Paalam!” sigaw ng mga babae. “Pagpalain kayo ng Diyos!”22
Habang paalis na ang mga Apostol patungo sa Britain, ang mga Banal sa Illinois at Iowa ay bumubuo ng mga pahayag na nagdedetalye ng malupit na pakikitungo sa kanila sa Missouri, tulad ng iniatas sa kanila noon ni Joseph noong nasa piitan pa siya. Pagsapit ng taglagas, ang mga lider ng simbahan ay nakakolekta ng daan-daang mga talang ito at naghanda ng pormal na petisyon. Sa kabuuan, humingi ang mga Banal ng mahigit sa dalawang milyong dolyar bilang kabayaran para sa nawalang tahanan, lupain, mga alagang hayop, at iba pang ari-arian. Binalak ni Joseph na dalhin nang personal ang mga salaysay na ito sa pangulo ng Estados Unidos at sa Kongreso.
Itinuturing ni Joseph si Pangulong Martin Van Buren na isang marangal na estadista—isang taong isinusulong ang mga karapatan ng mga mamamayan. Umasa si Joseph na babasahin ng pangulo at ibang mga mambabatas sa Washington, D.C. ang tungkol sa mga pagdurusa ng mga Banal at sasang-ayon ang mga ito na bayaran sila sa mga lupain at ari-ariang nawala sa kanila sa Missouri.23
Noong Nobyembre 29, 1839, matapos maglakbay ng halos isang libong milya ang layo mula sa kanyang tahanan sa Illinois, dumating si Joseph sa harap ng pintuan ng presidential mansion sa Washington. Kasama niya ang kanyang kaibigan at legal na tagapayo na si Elias Higbee, at si John Reynolds na isang kongresista mula sa Illinois.24
Isang portero ang bumati sa kanila sa pintuan at sinensyasan silang pumasok sa loob. Kamakailan lamang nilagyan ng mga bagong dekorasyon ang mansyon, at namangha sina Joseph at Elias sa karingalan ng mga silid nito, na napakalaki ng pinagkaiba sa pagiray-giray na mga tirahan ng mga Banal sa Kanluran.
Inakay sila ng kanilang gabay na umakyat sa isang silid kung saan nakikipag-usap si Pangulong Van Buren sa mga bisita. Habang naghihintay sila sa labas ng pintuan, hawak ang petisyon at maraming liham ng pagpapakilala, hiniling ni Joseph kay Congressman Reynolds na ipakilala lamang siya bilang isang “Banal sa Huling Araw.” Tila nagulat ang kongresista at natawa sa kahilingan, ngunit pumayag siyang gawin ang gusto ni Joseph. Bagamat hindi nasasabik na tulungan ang mga Banal, alam ni Congressman Reynolds na ang kanilang malaking bilang ay maaaring makaimpluwensya sa pulitika sa Illinois.25
Hindi inaasahan ni Joseph na makakatagpo nila ang pangulo sa kabila ng pagiging maliit ng kanilang delegasyon. Nang kanyang nilisan ang Illinois noong Oktubre, ang plano niya ay hayaan si Sidney Rigdon na mamuno sa mga pulong na ito. Subalit sobrang malubha ang sakit ni Sidney noong siya ay maglakbay at tumigil ito habang nasa daan.26
Sa wakas ay bumukas ang mga pintuan sa sala ng pangulo, at pumasok ang tatlong lalaki sa silid. Tulad ni Joseph, si Martin Van Buren ay anak ng isang magsasaka sa New York, ngunit siya ay higit na mas matandang lalaki, maliit at punggok, maputi ang balat at may mga putting buhok na sa palibot ng kanyang mukha.
Tulad ng ipinangako, ipinakilala ni Congressman Reynolds si Joseph bilang isang Banal sa mga Huling Araw. Ngumiti ang pangulo sa kakaibang titulo at kinamayan ang propeta.27
Matapos batiin ang pangulo, iniabot ni Joseph sa kanya ang mga liham ng pagpapakilala at naghintay. Binasa ni Van Buren ang mga ito at sumimangot. “Tulungan ka?” pasuplado niyang sinabi. “Ano ang maitutulong ko sa iyo?”28
Hindi alam ni Joseph ang sasabihin.29 Hindi niya inakala na basta na lamang sila tatanggihan ng pangulo. Hinikayat niya at ni Elias ang pangulo na basahin man lang ang tungkol sa pagdurusa ng mga Banal bago magpasyang tanggihan ang kanilang mga kahilingan.
“Wala akong magagawa para sa inyo, mga ginoo,” iginiit ng pangulo. “Kung ako ay kakampi sa inyo, lalabanan ko ang buong estado ng Missouri, at ang estadong iyon ay lalaban sa akin sa susunod na halalan.”30
Dismayado, nilisan nina Joseph at Elias ang mansyon at ibinigay ang kanilang petisyon sa Kongreso, batid na ilang linggo ang lilipas bago ito marepaso at matalakay ng mga mambabatas.31
Habang naghihintay sila, nagpasiya si Joseph na dalawin ang mga branch ng simbahan sa silangan. Mangangaral din siya sa Washington at sa mga karatig na bayan at lunsod.32
Dumating sa Liverpool, England, sina Wilford Woodruff at John Taylor noong Enero 11, 1840. Iyon ang unang paglalakbay ni Wilford patungong England, ngunit si John ay kapiling muli ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Matapos kunin ang kanilang mga bagahe, nagpunta sila sa tahanan ng bayaw ni John na si George Cannon. Si George at ang kanyang asawang si Ann ay nagulat nang nakita ang mga ito at inanyayahan sila sa hapunan.
May limang anak ang mga Cannon. Ang kanilang panganay, si George, ay isang matalinong labintatlong taong gulang na bata na mahilig sa pagbabasa. Matapos ang hapunan, binigyan nina Wilford at John ang pamilya ng Aklat ni Mormon at A Voice of Warning [Isang Tinig ng Babala], isang polyetong misyonero na kasing haba ng isang aklat na inilathala ni Parley Pratt sa New York City ilang taon na ang nakararaan. Itinuro ni John sa pamilya ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo at inanyayahan silang basahin ang mga aklat.33
Pumayag ang mga Cannon na ingatan ang mga bagahe ng mga misyonero nang sumakay sina Wilford at John ng tren papuntang Preston para kausapin sina Joseph Fielding at Willard Richards.34 Kapwa nagpakasal sa mga Banal na Briton sina Joseph at Willard mula nang umalis sa misyon sina Heber Kimball at Orson Hyde noong nakaraang taon. Tulad ng hula ni Heber, pinakasalan ni Willard si Jennetta Richards.
Pagkatapos ng pulong sa Preston, bumalik si John sa Liverpool habang si Wilford naman ay nagpunta sa timog-silangan sa industriyal na rehiyon ng Staffordshire, kung saan ay agad siyang nakapagtatag ng isang branch. Isang gabi, habang nakikipagpulong sa mga Banal doon, nadama ni Wilford na nanahan ang Espiritu sa kanya. “Ito ang huling pulong na gagawin mo sa mga taong ito sa loob ng maraming araw,” sinabi ng Panginoon sa kanya.
Ikinagulat ni Wilford ang mensahe. Kasisimula pa lamang ng gawain sa Staffordshire, at marami siyang nakatakdang pangangaral sa lugar na iyon. Ngunit kinaumagahan ay nanalangin siya para sa karagdagang gabay, at ang Espiritu ay pumukaw sa kanya upang pumunta pang lalo patimog, kung saan ay maraming kaluluwa ang naghihintay sa salita ng Diyos.
Kinabukasan ay umalis siyang kasama si William Benbow, isa sa mga Banal sa Staffordshire, at naglakbay papuntang timog sa sakahan nina John at Jane Benbow, ang kapatid at hipag ni William.35 Pag-aari nina John at Jane ang isang maluwang na bahay na may puting laryo sa isang umuunlad na bukiring tatlong daan acre ang sukat. Pagdating nina Wilford at William, nanatili sila sa mga Benbow hanggang alas-dos ng umaga na tinatalakay ang tungkol sa Panunumbalik.
Nakabuo ng magandang buhay para sa kanilang sarili ang mag-asawa, ngunit sila ay may espirituwal na kakulangan. Kamakailan lamang, sumama sila sa iba na tumiwalag sa kanilang simbahan upang hanapin ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Tinatawag ang kanilang sarili bilang United Brethren, nagtayo ang grupo ng mga kapilya sa Gadfield Elm, ilang milya sa timog ng sakahan ng mga Benbow, at sa iba pang mga lugar. Pumili sila ng mga mangangaral mula sa kanilang sariling hanay at humingi ng karagdagang liwanag mula sa Diyos.36
Habang nakikinig sina John at Jane kay Wilford nang gabing iyon, naniwala sila na sa wakas ay natagpuan na nila ang kabuuan ng ebanghelyo. Kinabukasan, nangaral si Wilford ng isang sermon sa bahay ng mga Benbows sa isang malaking grupo ng mga kapitbahay, at hindi naglaon ay bininyagan niya sina John at Jane sa isang kalapit na danaw.
Sa mga sumunod na linggo, nabinyagan ni Wilford ang mahigit sa isang daan at limampung miyembro ng United Brethren, pati na ang apatnapu’t-anim na ministro. Sa pagdami ng mga taong gustong magpabinyag, sumulat siya kay Willard Richards upang humingi ng tulong.37
“Ako ay tinatawagan upang magbinyag nang apat o limang beses sa isang araw!” bulalas niya. “Hindi ko kayang isakatuparan nang mag-isa ang gawain!”38
Noong Pebrero 5, narinig ng animnapu’t pitong taong gulang na si Matthew Davis na si Joseph Smith, ang propeta ng mga Mormon, ay nangangaral nang gabing iyon sa Washington. Si Matthew ay isang peryodista sa isang tanyag na pahayagan sa New York City. Alam na ang kanyang asawang si Mary ay mausisa tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw, sabik siya na marinig magsalita ang propeta at iulat ang mga turo nito sa kanyang asawa.
Sa pangangaral, natuklasan ni Matthew na si Joseph ay isang magsasaka na payak ang pananamit na may matikas na pangangatawan, guwapong mukha, at kagalang-galang na tindig. Inihayag ng kanyang pangangaral na hindi siya pormal na nakapag-aral, subalit nakikita ni Matthew na siya ay marunong at maalam. Tila tapat ang propeta, walang bakas ng kawalang delikadesa o panatismo sa kanyang tinig.
“Isasaad ko sa inyo ang aming mga paniniwala, hangga’t ipapahintulot ng oras,” pagsisimula ni Joseph sa kanyang pangangaral. Nagpatotoo siya tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga katangian. “Naghahari Siya sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa,” paghahayag niya. “Inorden Niya bago pa sa buhay na ito ang pagkahulog ng tao, subalit dahil Siya ay napakamaawain, inorden Niya sa panahon ding iyon ang plano ng pagtubos para sa buong sangkatauhan.”
“Naniniwala ako sa kabanalan ni Jesucristo,” pagpapatuloy niya, “at Siya ay namatay para sa mga kasalanan ng lahat ng tao, na nahulog dahil kay Adan.” Sinabi niya na lahat ng tao ay isinilang na dalisay at malinis at ang lahat ng batang namatay sa murang edad ay pupunta sa langit, dahil hindi nila nakikilala ang mabuti mula sa masama at walang kakayahang magkasala.
Nakinig si Matthew na humahanga sa kanyang narinig. Itinuro ni Joseph na ang Diyos ay walang hanggan, walang simula o katapusan, tulad ng sa kaluluwa ng bawat lalaki at babae. Itinala ni Matthew na kakaunti lamang sa mga gantimpala o parusa sa kabilang buhay ang sinabi ng propeta maliban na siya ay naniniwala na ang kaparusahan ng Diyos ay magkakaroon ng simula at ng wakas.
Makalipas ang dalawang oras, tinapos ng propeta ang kanyang pangangaral sa kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Ipinahayag niya na hindi siya ang may-akda ng aklat kundi natanggap niya ang mga ito mula sa Diyos, na direktang mula sa Langit.
Pinagninilayan ang pangangaral, natanto ni Matthew na wala siyang narinig noong gabing iyon na makapipinsala sa lipunan. “Naroon sa kanyang mga tuntunin, kung susundin ang mga ito,” sabi ni Matthew sa kanyang asawa noong sumunod na araw sa isang sulat, “na makapagpapalambot ng kalupitan ng tao sa tao, at maaaring matulungan siyang maging isang makatwirang nilalang.”
Walang balak si Matthew na tanggapin ang mga turo ng propeta, ngunit natuwa siya sa kanyang mensahe ng kapayapaan. “Ito ay walang karahasan, walang galit, walang pagbatikos,” isinulat niya. “Ang kanyang relihiyon ay lumilitaw na relihiyon ng kaamuan, kababaang-loob, at banayad na panghihikayat.”
“Iniba ko na ang aking opinyon tungkol sa mga Mormon,” pagtatapos niya.39
Habang hinihintay ni Joseph ang Kongreso na repasuhin ang petisyon ng mga Banal, nagsimula siyang mainip sa pagkakawalay sa kanyang pamilya. “Mahal kong Emma, ang puso ko ay nasa iyo at sa mga bata,” isinulat niya noong taglamig na iyon. “Sabihin mo sa mga bata na mahal ko sila at uuwi ako sa ating tahanan sa lalong madaling panahon.”40
Nang pinakasalan ni Joseph si Emma, naniwala siya na ang pagsasama nila ay magwawakas sa kamatayan.41 Pero inihayag ng Panginoon sa kanya na ang mga buhay mag-asawa at mag-anak ay maaaring magpatuloy hanggang sa kabilang buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.42 Kamakailan lamang, habang bumibisita sa mga branch ng simbahan sa mga estado sa silangan kasama ni Parley Pratt, sinabi Joseph sa kanya na ang mga mabubuting Banal ay maaaring magkaroon ng ugnayan sa pamilya magpakailanman, tinutulutan silang lumago at umunlad sa pagmamahal. Kahit gaano kalaking distansya ang naghiwalay sa mga matatapat na pamilya sa lupa, maaari silang magtiwala sa pangako na balang araw ay magkakasama sila sa daigdig na darating.43
Habang naghihintay sa Washington, nagsimula ring mapagod si Joseph sa pakikinig sa mga pulitiko na gumawa ng mga dakilang talumpati na puno ng matatayog na pananalita at mga pangakong walang laman. “Mayroong isang nangangating hangarin na ipakita ang kanilang pagbigkas sa pinakamaliit lamang na mga pagkakataon at napakaraming kabutihang-asal, pagyuko at pagpapalakas sa makapangyarihan, pagbaluktot at pagbaliktad upang ipakita ng kanilang katalasan ng isip,” sinabi niya sa kanyang kapatid na si Hyrum sa isang liham. “Para sa amin, ito ay pagpapakita ng kahangalan at sa halip na pagpapalabas ng kaalaman at kabigatan.”44
Matapos ang bigong pulong kay John C. Calhoun, isa sa pinakamaimpluwensyal na senador sa bansa, natanto ni Joseph na nagsasayang siya ng kanyang panahon sa Washington at nagpasya nang umuwi. Lahat ng tao ay nagsasalita tungkol sa kalayaan at katarungan, ngunit tila walang handang papanagutin ang mga tao sa Missouri para sa kanilang pakikitungo sa mga Banal.45
Matapos bumalik ng propeta sa Illinois, patuloy si Elias Higbee sa paghingi ng kabayaran para sa mga nawala sa mga Banal. Noong Marso, nirepaso ng Senado ang petisyon ng mga Banal at pinahintulutan ang mga delegado mula sa Missouri na ipagtanggol ang mga kilos ng kanilang estado. Matapos pag-isipan ang kaso, nagpasiya ang mga mambabatas na walang gawin. Kinilala nila ang paghihirap ng mga Banal ngunit naniwala sila na ang Kongreso ay walang kapangyarihang makialam sa mga kilos ng pamahalaan ng estado. Tanging ang Missouri lamang ang makapagbibigay ng danyos perwisyo sa mga nawala sa mga Banal.46
“Ang ating pakay ay natapos dito sa wakas,” buong kabiguan na sumulat si Elias kay Joseph. “Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko sa bagay na ito.”47