Institute
39 Ang Ikapitong Kaguluhan


“Ang Ikapitong Kaguluhan,” kabanata 39 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 39: “Ang Ikapitong Kaguluhan”

Kabanata 39

Ilog

Ang Ikapitong Kaguluhan

Noong Agosto 11, 1842, isang munting sinag ng buwan ang naaninag sa tubig habang tahimik na sinasagwan ni Joseph at ng kanyang kaibigang si Erastus Derby ang munting bangka sa Mississippi River. Sa unahan, natatanaw nila ang hugis ng dalawang makahoy na isla sa kahabaan ng ilog sa pagitan ng Nauvoo at Montrose. Sa pagdaan sa pagitan ng mga isla, napansin ng mga lalaki ang isa pang bangka na nakadaong sa kahabaan ng pampang at sumagwan patungo roon.1

Isang araw bago iyon, tahimik na umalis sina Joseph at Porter sa Nauvoo upang maiwasan ang pag-aresto sa kanila, nag-aalala na baka hindi sila bigyan ng patas na paglilitis. Nagpunta si Porter sa silangan para lisanin ang estado habang si Joseph ay pumunta sa kanluran, tinawid ang ilog papunta sa bahay ng kanyang tiyo John sa Teritoryo ng Iowa, na lampas sa hurisdiksyon ng sheriff sa Illinois at ng kanyang mga tauhan. Maghapon siyang nagtatago doon, ngunit masyado siyang nasabik na makita ang pamilya at mga kaibigan.

Nang idaong nina Joseph at Erastus ang kanilang munting bangka sa isla, sinalubong sila nina Emma, Hyrum, at ng ilang malalapit na kaibigan ni Joseph. Hawak ang kamay ni Emma, nakinig si Joseph habang nakaupo sa bangka ang grupo at tahimik na nag-usap tungkol sa sitwasyon sa Nauvoo.2

Mas malaki ang panganib kaysa sa inasahan ni Joseph. Narinig ng kanyang mga kaibigan na nagpalabas ang gobernador ng Iowa ng arrest warrant para sa kanya at kay Porter, ibig sabihin hindi na ligtas na magtago si Joseph sa bahay ng kanyang tiyo. Ngayon ay inaasahan na nilang hinahanap na siya ng sherriff sa magkabilang panig ng ilog.

Naniniwala pa rin ang mga kaibigan ni Joseph na ang mga pagtatangkang pag-aresto kay Joseph ay labag sa batas, isang walang kahihiyang pakana ng kanyang mga kaaway sa Missouri para dakpin ang propeta. Sa ngayon, ang pinakamagandang gawin ni Joseph ay magtago sa bukirin ng isang kaibigan sa gawi ng Illinois at maghintay hanggang sa tumahimik ang lahat.3

Pag-alis ni Joseph sa isla, umapaw ang kanyang puso sa pasasalamat. Paulit-ulit siyang pinabayaan at ipinagkanulo nang dumanas siya ng paghihirap. Ngunit dumating ang mga kaibigang ito sa hatinggabi, piniling suportahan siya at ang mga katotohanang pinahahalagahan niya.

“Sila ay mga kapatid ko,” naisip niya, “at ako ay mabubuhay.”

Pero ang pinakapinasalamatan niya ay si Emma. “Muli, narito siya,” naisip ni Joseph, “kahit sa ikapitong kaguluhan, walang takot, matatag at matibay, hindi nagbabago, ang mapagmahal na si Emma!”4


Regular na nakipag-ugnayan si Emma kay Joseph nang sumunod na mga araw at linggo. Kapag hindi sila maaaring magkita nang personal, nagpapalitan sila ng mga sulat. Kapag naiiwasan niya ang mga pulis na nagbabantay sa bawat kilos niya, nakakasama niya si Joseph sa isang safe house o ligtas na lugar at pinaplano ang susunod na gagawin nilang hakbang. Madalas na inihahatid niya ang mga mensahe ni Joseph sa mga Banal, pinipili kung sino ang mga taong dapat niyang pagkatiwalaan at mabilis na iniiwasan ang mga taong gustong saktan si Joseph.5

Sa banta ng mga sheriff na hahalughugin ang bawat bahay sa Illinois kung kinakailangan, batid ni Joseph na nag-alala ang mga Banal na baka di magtagal ay mahuli siya at ibalik sa Missouri. Hinikayat siya ng ilan sa kanyang mga kaibigan na tumakas at magpunta sa gubat ng mga pino sa hilaga ng Illinois, kung saan nangunguha noon ang mga Banal ng kahoy para sa templo.6

Ayaw ni Joseph sa ideya ng pagtakas, at pinili niyang manatili sa Illinois at hintaying matapos ang krisis. Ngunit handa siyang sumama kung iyon ang gustong gawin ni Emma. “Nasa inyo ang kaligtasan ko,” isinulat niya. “Kung ikaw at ang mga anak natin ay hindi sasama sa akin, hindi ako pupunta.”

May bahagi ng kanyang pagkatao na nagnanais na dalhin ang kanyang pamilya sa kung saan, kahit sa maikling panahon lang. “Sawa na ako sa aba, mababa, at maruming kahalayan ng ilang bahagi ng lipunan na ating ginagalawan,” sabi niya kay Emma, “at siguro kung magkakaroon ako ng mga anim na buwang kapanatagan kasama ang aking pamilya, ito na ang pinakamagandang makakamit ko sa buhay.”7

Sinagot ni Emma ang kanyang sulat kalaunan ng araw na iyon. “Ako ay handang sumama sa iyo kung ikaw ay mapipilitang umalis,” isinulat niya, “pero may kumpiyansa pa rin ako na mapoprotektahan ka nang hindi umaalis sa bansang ito. Maraming paraan para maprotektahan ka.”8

Nang sumunod na gabi, sumulat siya sa gobernador ng Illinois na si Thomas Carlin para tiyakin sa kanya na inosente si Joseph. Wala si Joseph sa Missouri nang mangyari ang tangkang pagpatay, katwiran niya, at siya ay inosente sa mga ipinaparatang sa kanya. Naniniwala siya na hindi makakamit ni Joseph ang patas na paglilitis sa Missouri at sa halip ay malamang na paslangin siya.

“Nakikiusap ako sa inyo na huwag pahirapan ang kalooban ng inosenteng mga anak ko na muling makita ang di-makatarungang pagkaladkad sa kanilang ama papunta sa bilangguan, o sa kamatayan,” pagsamo niya.9

Ang gobernador ay tumugon kay Emma makalipas ang ilang sandali. Ang kanyang sulat ay magalang at pinag-isipang mabuti ang mga salita, iginigiit na ang kanyang mga hakbang laban kay Joseph ay dahil lamang sa pagtupad sa kanyang tungkulin. Nagpahayag siya ng pag-asa na susunod si Joseph sa batas, at hindi siya nagbigay ng pahiwatig na handa siyang magbago ng isip ukol sa bagay na ito.10

Hindi natitinag, isinulat ni Emma ang ikalawang liham, sa pagkakataong ito ay nagpapaliwanag kung bakit ang pagdakip sa kanyang asawa ay labag sa batas.

“Anong kabutihan ang maidudulot sa estadong ito o sa Estados Unidos, o sa alinmang panig ng estadong ito, o sa Estados Unidos, o sa iyong sarili, o sa sinumang tao,” tanong niya sa gobernador, “kung ipagpapatuloy ang pang-uusig sa mga taong ito, o kay Mr. Smith?”

Ipinadala niya ang sulat at naghintay ng sagot.11


Samantala, hindi alam ng karamihan sa mga Banal sa Nauvoo na nagtatago si Joseph ilang milya lamang ang layo sa kanila. Naniwala ang ilan sa kanila na bumalik siya sa Washington, DC. Inisip naman ng iba na nagpunta siya sa Europa. Habang pinanonood nila ang paghahalughog ng sheriff at ng kanyang mga tauhan sa mga lansangan ng Nauvoo, na naghahanap ng bakas ng kinaroroonan ni Joseph, lalong nag-alala ang mga Banal sa kanyang kaligtasan.12 Ngunit nagtiwala sila na poprotektahan ng Panginoon ang Kanyang propeta, at sila ay nagpatuloy sa pang-araw-araw na buhay.

Tulad ng iba pang mga British na nandayuhan, si Mary Davis ay nag-a-adjust pa rin sa kanyang bagong tahanan sa Nauvoo. Mula nang dumating sa lunsod, napangasawa niya si Peter Maughan, na batang balo na nakilala niya sa Kirtland, at naging madrasta sa mga anak ni Peter. Sama-sama silang umupa sa bahay ni Orson Hyde, na noon ay nasa kanyang misyon pa rin sa Jerusalem, at nahirapang makahanap ng angkop na trabaho para suportahan ang kanilang pamilya.13

Maraming trabahong laan ang Nauvoo para sa mga manggagawa sa bukid at konstruksiyon pero mas kakaunti ang oportunidad para sa mga bihasang manggagawang tulad ni Peter, na nanirahan at nagtrabaho sa abalang mga sentro ng pagmimina at mga pabrika ng England. Ang lokal na mga negosyante ay nagsisikap magtayo ng mga mill o gilingan, pabrika, at mga pandayan sa Nauvoo, pero nagsisimula pa lang ang mga negosyong ito at hindi mabigyan ng trabaho ang lahat ng bihasang mga manggagawa na dumadagsa mula sa England.14

Sa kawalan ng matatag na trabaho, nalampasan nina Mary at Peter ang kanilang unang taglamig sa pamamagitan ng pagbebenta ng ilan sa kanilang mga ari-arian para bumili ng pagkain at kahoy na panggatong. Nang malaman ni Joseph ang tungkol sa trabaho ni Peter bilang minero sa England, inupahan niya ito para hukayin ang isang pinagmumulan ng coal na natuklasan sa loteng pag-aari niya sa timog ng Nauvoo. Napatunayang mataas ang kalidad ng coal, at nakakuha si Peter ng tatlong bagon na puno nito para kay Joseph bago ito naubos.15

Ang ilang maralitang pamilyang nandayuhan ay umalis sa Nauvoo para maghanap ng trabaho na may mas mataas na suweldo sa mga kalapit na bayan at lunsod, pero pinili nina Mary at Peter na manatili sa lunsod at pagkasyahin ang anumang mayroon sila. Inilatag nila ang mga tabla sa hindi pa tapos na sahig sa bahay ng mga Hyde at naglatag ng mga kutson para gawing kama. Ginamit nila ang isang baul bilang mesa at nasa labas ang kanilang mga pinggan dahil wala silang mga paminggalan.16

Nakakahilo ang init kapag tag-init sa Nauvoo, pero kapag lumamig ang temperatura sa hapon at gabi, isinasantabi ng mga pamilyang tulad ng mga Maughan ang kanilang mga gawaing-bahay at sama-samang naglilibot sa lunsod. Kadalasan ay puno ang mga kalsada ng mga taong nag-uusap tungkol sa pulitika, lokal na balita, at ebanghelyo. Kung minsan ang mga Banal ay nagdaraos ng mga lektyur, dumadalo sa mga dula-dulaan, o nakikinig sa pagtugtog ng bagong tatag na Nauvoo Brass Band ng popular na mga awitin ng panahon. Laging may grupo ng mga bata sa di-kalayuan, naglalaro ng holen, nagluluksong-lubid, at naglalaro sa labas hanggang sa magkubli ang araw sa likod ng Mississippi River at umandap-andap ang mga bituin sa nagdidilim na kalangitan.17


Sa katapusan ng Agosto, ang mga liham na inilathala ni John Bennett sa tag-init ay muling inililimbag sa mga pahayagan sa iba’t ibang panig ng bansa, sinisira ang reputasyon ng simbahan at lalong pinahihirapan ang mga missionary sa pagbabahagi ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Bilang tugon, nanawagan ang mga lider ng Simbahan sa daan-daang mga elder na nasa misyon upang labanan ang negatibong pamamahayag.

Noong Agosto 29, ang mga elder ay nagtipon sa kakahuyan malapit sa kinatatayuan ng templo para tumanggap ng tagubilin. Habang nagsasalita si Hyrum, nagbulung-bulungan ang kongregasyon nang umakyat sa pulpito si Joseph at naupo. Hindi siya nakita ng marami sa mga elder mula nang magtago siya sa simula ng buwang iyon.

Tinutugis pa rin ng mga awtoridad sa Illinois si Joseph, pero kaaalis lang nila sa lugar, kaya kahit paano ay nakapagpahinga si Joseph. Sa loob ng mahigit na isang linggo, tahimik siyang namuhay sa tahanan kasama ang kanyang pamilya at lihim na nakipagkita sa Labindalawa at iba pang mga lider ng Simbahan.18

Dalawang araw matapos ang pakikipagpulong sa mga elder, nadama ni Joseph na ligtas siya para dumalo sa miting ng Relief Society. Nagsalita siya sa mga babae tungkol sa kanyang mga pagsubok kamakailan at sa mga ipinaparatang sa kanya. “Kahit nagkakamali ako, hindi ko ginawa ang mga kamaliang ipinaparatang nilang ginagawa ko,” sabi niya. “Ang maling nagagawa ko ay dahil sa kahinaan ng likas na tao, tulad ng ibang tao. Walang taong nabubuhay nang walang kasalanan.”

Pinasalamatan niya si Emma at ang iba pang kababaihan sa pagtatanggol sa kanya at sa pagsamo sa gobernador para sa kanya. “Ang Female Relief Society ang pinakaaktibo sa pagtatanggol ng aking kapakanan laban sa aking mga kaaway,” sabi niya. “Kung hindi nagawa ang mga hakbang na ito, mas seryoso ang mga ibubunga nito.”19

Sa pagtatapos ng linggong iyon, tinanggap niya at ni Emma ang dating apostol na si John Boynton. Bagama’t nambatikos si John—at kahit pinagbantaan niya ang kapatid ni Joseph gamit ang isang espada sa Kirtland temple—isinantabi niya ang hindi nila pagkakaunawaan ni Joseph. Habang kumakain ng tanghalian ang pamilya, sapilitang pumasok sa bahay ang dalawang armadong opisyal dala-dala ang bagong utos na arestuhin ang propeta. Nilito ni John ang mga lalaki, na nagbigay ng oras kay Joseph para tumakas gamit ang pintuan sa likod, tumakbo sa mga tanim na mais sa kanyang hardin, at magkubli sa kanyang tindahan.

Sa bahay, iginiit ni Emma na gusto niyang makita ang search warrant ng sheriff. Sinabi nito kay Emma na wala siyang dalang warrant at itinulak siya nito at ng kasama nitong mga tauhan. Hinalughog nila ang mga kuwarto, naghahanap sa likod ng bawat pinto at kurtina, pero walang natagpuan.

Nang gabing iyon, nang umalis na ng bayan ang mga pulis, lumipat si Joseph sa bahay ng kanyang mga kaibigan na sina Edward at Ann Hunter.20 “Aking inisip na ito ay kapaki-pakinabang at karunungan sa akin na lisanin ang lugar sa maikling panahon, para sa aking sariling kaligtasan at sa kaligtasan ng mga taong ito,” pagsulat ni Joseph sa mga Banal makalipas ang ilang araw. Bagaman ayaw niyang ituon ang kanyang pansin sa dinaranas niyang mga pagsubok, ibinahagi niya sa kanila ang isang bagong paghahayag tungkol sa binyag para sa mga patay.

“Katotohanang ganito ang wika ng Panginoon,” ang mababasa sa paghahayag, “ang gawain sa aking templo, at lahat ng gawain na aking itinakda sa inyo, ay ipagpatuloy at huwag itigil.” Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na mag-ingat ng isang talaan ng mga proxy baptism na isinagawa nila at maglaan ng mga saksi para sa mga ito, upang ang pagtubos sa mga patay ay maitala sa lupa at sa langit.21

Makalipas ang ilang araw, nagpadala si Joseph ng karagdagang tagubilin sa mga Banal tungkol sa ordenansa. “Ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa, maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri sa pagitan ng mga ama at mga anak,” pagsulat niya, na binabanggit ang sinabi ni Malakias. Ipinaliwanag niya na ang mga henerasyon noon at ngayon ay dapat magtulungan upang tubusin ang mga patay at isakatuparan ang kaganapan ng mga panahon, kung kailan ihahayag ng Panginoon ang lahat ng susi, kapangyarihan, at mga kaluwalhatian na inilaan Niya para sa mga Banal, pati na ang mga bagay na hindi pa Niya inihayag noon.

Hindi mapigilan ni Joseph ang kagalakan sa awa ng Diyos sa mga buhay at patay. Kahit sa pagtatago, sa di-makatarungang pagtugis ng kanyang mga kaaway, nagalak siya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

“Ano ang ating naririnig sa ebanghelyo?” tanong niya sa mga Banal. “Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa Langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa!” Masigla siyang sumulat tungkol sa Aklat ni Mormon, sa mga anghel na nagpapanumbalik ng priesthood at ng mga susi nito, at sa paghahayag ng Diyos tungkol sa Kanyang plano nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin.

“Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain?” tanong niya. “Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel.” Lahat ng nilikha ay nagpatotoo kay Jesucristo, at ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan ay tiyak.

“Anong luwalhati ang tinig na ating naririnig mula sa langit!” Nagalak si Joseph.22


Noong taglagas ng 1842, tumugon si Governor Carlin sa ikalawang sulat ni Emma, nagpapahayag ng paghanga sa kanyang katapatan sa kanyang asawa ngunit sa huli ay tumangging tulungan siya.23 Kasabay niyon, si John Bennett ay naglabas ng isang aklat ng eskandalosong ulat tungkol kay Joseph at sa mga Banal. Nagsimula rin siyang magbigay ng mga letyur sa tinawag niyang “The Secret Wife System at Nauvoo [Ang Sistema ng Lihim na Kabiyak sa Nauvoo],” na bumighani sa mga mambabasa dahil sa narinig niyang kumakalat na mga tsismis—at marami rito ay gawa-gawa lamang niya mismo—tungkol sa maramihang pag-aasawa ni Joseph.24

Sa agresibong puspusang kampanya ni John, at sa pagtanggi ni Governor Carlin na tumulong o mamagitan, mas lalong nadama ni Joseph na naiipit siya. Alam niyang hindi niya kayang isuko ang kanyang sarili at humarap sa paglilitis hangga’t gusto ng kanyang mga kaaway sa Missouri na makita siyang patay. Pero hindi rin siya maaaring magtago sa buong buhay niya. Hanggang kailan siya makaiiwas sa pag-aresto bago parusahan ng estado ang kanyang pamilya at ang mga Banal sa pagprotekta sa kanya?25

Sa buwan ng Disyembre, nang si Joseph ay tatlong buwan nang nagtatago, nagtapos ang termino ni Governor Carlin. Kahit na ang bagong gobernador na si Thomas Ford, ay ayaw makialam nang direkta sa kaso ni Joseph, nagpahayag siya ng simpatiya sa mahirap na kalagayan ng propeta at ng tiwala na magpapasiya ang mga korte na pumanig sa kanya.26

Hindi alam ni Joseph kung mapagkakatiwalaan niya ng bagong gobernador, ngunit wala siyang mas mainam na opsiyon. Nang sumunod na araw matapos ang Pasko ng 1842, siya ay sumuko kay Wilson Law, isang heneral sa Nauvoo Legion at kapatid ni William Law. Pagkatapos ay nagpunta na sila sa Springfield, ang kabisera ng estado, para sa isang pagdinig upang malaman kung legal nga ang utos ng gobernador ng Missouri na pagpapadakip kay Joseph at kung siya ay ibabalik sa Missouri para litisin.27

Ang pagdating ni Joseph sa Springfield ay nagdulot ng kaguluhan. Ang mga nag-uusisa ay dumagsa sa hukuman sa tapat ng bagong gusali ng kapitolyo, nagsisiksikan at nag-uusyoso para masulyapan ang lalaking ang tawag sa kanyang sarili ay isang propeta ng Diyos.

“Sino si Joe Smith?” tanong ng isa. “Siya ba ang malaking lalaking iyon?”

“Ang tangos ng ilong!” sabi ng isa pa. “Masyado siyang palangiti para sa isang propeta!”28

Si Judge Nathaniel Pope, isa sa mga iginagalang na lalaki sa Illinois, ang namuno sa hukuman. Naupo si Joseph sa tabi ng kanyang abugado, si Justin Butterfield, sa harap ng hukuman. Sa di kalayuan, si Willard Richards, na nagsilbing secretary ni Joseph, ay nakatuon sa nakabukas na kuwaderno, at isinusulat ang mga nangyayari. Nagsiksikan sa silid ang ilang mga Banal.29

Sa isipan ni Judge Pope, ang kaso ni Joseph ay hindi tungkol sa kung ang propeta ay kasabwat sa pamamaril kay Boggs, kundi kung siya ay nasa Missouri nang maganap ang krimen at pagkatapos ay umalis ng estado. Si Josiah Lamborn, batang district attorney ng Illinois, ay itinuon ang kanyang pambungad na pananalita sa sinasabing propesiya tungkol sa pagkamatay ni Boggs. Ikinatwiran niya na kung ipinropesiya ni Joseph ang tungkol sa pamamaril kay Boggs, ibig sabihin dapat siyang papanagutin at litisin sa Missouri.30

Nang matapos ni Mr. Lamborn sa kanyang pahayag, sinabi ng abogado ni Joseph na ang mga paratang ni Governor Boggs at ang mga kasong inihain laban kay Joseph ay mayroong mali, dahil wala si Joseph sa Missouri nang maganap ang pamamaril. “Wala ni katiting na patotoo na si Joseph ay tumakas mula sa Missouri,” pangangatwiran ni Mr. Butterfield. “Hindi siya maaaring ilipat hangga’t hindi napatutunayan na siya ay isang takas. Kailangan nilang patunayan na tumakas siya!”

Pagkatapos ay iniharap niya sa korte ang mga patotoo na nagpapatunay na inosente si Joseph. “Sa palagay ko anuman ang mangyari ay hindi dapat isuko ang nasasakdal sa Missouri,” pagtatapos niya.31

Kinabukasan, Enero 5, 1843, napuno ng usap-usapan ang korte nang bumalik si Joseph at ang kanyang abugado para pakinggan ang hatol ng hukom. Sabik na naghintay ang mga Banal, nalalaman na kung magpapasiya si Judge Pope laban kay Joseph, ang propeta ay madaling mapupunta sa kamay ng kanyang mga kaaway pagsapit ng gabi.

Dumating si Judge Pope makalipas ang alas nuwebe. Nang maupo, pinasalamatan niya ang mga abogado at nagsimulang ilahad ang kanyang desisyon. Marami itong sinasabi tungkol sa kaso, at habang nagsasalita siya, nagmamadaling isinulat ni Willard Richards ang bawat salita.

Tulad ng sinabi ng tagapagtanggol noong nakaraang araw, naipasiya ng hukom na hindi legal ang pagpapatawag kay Joseph para litisin sa Missouri. “Dapat pakawalan si Smith,” sabi niya, nakikitang wala nang dahilan para pigilan pa si Joseph.

Tumayo sa kanyang kinauupuan si Joseph at yumukod sa hukuman. Pagkaraan ng limang buwan ng pagtatago, sa wakas siya ay malaya na.32