“Isang Makapangyarihang Pundasyon,” kabanata 45 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 45: “Isang Makapangyarihang Pundasyon ”
Kabanata 45
Isang Makapangyarihang Pundasyon
Bago ang bukang-liwayway noong Hunyo 28, tumugon si Emma sa nag-aapurang katok sa pintuan. Nakita niya ang kanyang pamangkin na si Lorenzo Wasson na nakatayo sa tarangkahan at balot ng alikabok. Pinagtibay ng mga salita nito ang kanyang pinakamalaking kinatatakutan.1
Hindi nagtagal at ang buong lunsod ay nagising nang pumasok si Porter Rockwell sakay ng kanyang kabayo habang isinisigaw ang balita ng pagkamatay ni Joseph.2 Halos agad na nagtipon ang isang umpukan ng tao sa labas ng tahanan ng mga Smith, ngunit nanatili sina Emma at ang kanyang mga anak sa loob na kasama lamang ang iilang mga kaibigan at ang kanilang mga nangangasera. Ang kanyang biyenan na si Lucy Smith ay palakad-lakad sa kanyang silid, wala sa isip na nakadungaw sa bintana. Nag-uumpukan naman nang magkakasama ang mga bata sa kabilang silid.3
Nakaupong mag-isa si Emma, tahimik na nagdadalamhati. Hindi nagtagal, inilagay niya ang kanyang mukha sa kanyang mga kamay at sumigaw, “Bakit ako balo at ang mga anak ko ay ulila?”
Nang marinig ang kanyang hikbi, si John Greene, ang marshall ng hukbo ng lunsod ng Nauvoo, ay pumasok sa silid. Sinisikap na mapanatag siya, sinabi nito sa kanya na ang kanyang paghihirap ay magiging putong ng buhay sa kanya.
“Ang aking asawa ang aking putong,” matalim niyang sinabi. “Bakit, O Diyos, ay gayon ako iniwan?”4
Kalaunan ng araw na iyon, dumating sina Willard Richards at Samuel Smith sa Nauvoo na may dalang mga bagon sakay ang mga bangkay nina Joseph at Hyrum. Upang protektahan ang mga ito mula sa maalinsangang araw ng tag-init, inilagay ang mga bangkay sa kahon na yari sa kahoy at pinuno ng dayami.5
Kapwa lubhang nayanig sina Willard at Samuel mula sa pagsalakay ng mga nakaraang araw. Sinubukan ni Samuel na dalawin ang kanyang mga kapatid sa piitan, subalit bago pa siya nakarating ng Carthage, pinaputukan siya ng mga mandurumog at hinabol siya nang higit sa dalawang oras sakay ng kabayo.6 Samantala, si Willard ay nakaligtas mula sa pagsalakay na may maliit na sugat lamang sa umbok ng kanyang tainga, isinasakatuparan ang isang propesiya ni Joseph noong nakaraang taon na ang mga bala ay lilipad sa paligid ni Willard, tatamaan ang kanyang mga kaibigan sa kanan at kaliwa, ngunit walang iiwanang butas sa kanyang damit.7
Si John Taylor, sa kabilang banda, ay agaw-buhay sa isang hotel sa Carthage, lubhang nasugatan para lisanin ang bayan.8 Noong nakaraang gabi, sumulat ng maikling liham sina Willard at John sa mga Banal, sumasamo sa kanila na huwag gumanti sa pagpatay kina Joseph at Hyrum. Nang natapos ni Willard ang liham, lubhang nanghina si John dahil sa kawalan ng dugo kung kaya’t halos hindi niya mailagda ang kanyang pangalan rito.9
Nang papalapit na sina Willard at Samuel sa templo, isang grupo ng mga Banal ang sumalubong sa mga bagon at sumunod sa kanila sa bayan. Halos lahat ng tao sa Nauvoo ay sumama sa prusisyon habang dahan-dahang dinaanan ng mga bagon ang lugar ng templo at ang paanan ng burol patungo sa Nauvoo Mansion. Hayagang umiyak ang mga Banal habang naglalakad sila sa lunsod.10
Nang dumating ang prusisyon sa tahanan ng mga Smith, umakyat si Willard sa entablado kung saan huling nagsalita si Joseph sa harap ng Nauvoo Legion. Tinitingnan ang pulutong ng sampung libong tao, nakita ni Willard na marami ang nagalit sa gobernador at mga mandurumog.11
“Magtiwala sa batas para sa bayad-pinsala,” pagsumamo niya. “Hayaan ang paghihiganti sa Panginoon.”12
Nang gabing iyon, inihanda ni Lucy Smith ang kanyang sarili habang naghihintay kasama sina Emma, Mary, at kanyang mga apo sa labas ng komedor ng Nauvoo Mansion. Bago nito, ilang mga lalaki ang nagdala sa mga labi nina Joseph at Hyrum sa bahay upang hugasan at damitan. Simula noon naghihintay sina Lucy at ang kanyang pamilya para makita ang mga labi. Halos hindi makontrol ni Lucy ang kanyang sarili, at nanalangin siya na magkaroon ng lakas upang tingnan ang kanyang mga pinaslang na anak.
Nang handa na ang mga labi, unang pumasok si Emma ngunit agad na napaupo sa sahig at kinailangang buhatin palabas ng kuwarto. Sumunod si Mary sa kanya, nanginginig habang naglalakad. Kasama ang kanyang dalawang bunsong anak na nakakapit sa kanya, lumuhod siya sa tabi ni Hyrum, niyakap ang ulo nito sa kanyang mga bisig, at humikbi. “Binaril ka ba nila, aking mahal na Hyrum?” sabi niya, habang inaayos ang kanyang buhok sa kanyang kamay. Nadaig siya ng pagdadalamhati.
Sa tulong ng mga kaibigan, agad na nakabalik si Emma sa silid at sinamahan si Mary sa tabi ni Hyrum. Inilagay niya ang kanyang kamay sa malamig na noo ng kanyang bayaw ay mahinang nagsalita rito. Pagkatapos ay bumaling siya sa kanyang mga kaibigan at sinabi, “Ngayon ay maaari ko na siyang makita. Malakas na ako.”
Tumayo si Emma at naglakad nang walang tulong papunta sa bangkay ni Joseph. Lumuhod siya sa tabi nito at inilagay ang kanyang kamay sa pisngi nito. “Oh, Joseph, Joseph!” sabi niya. “Nakuha ka na nila sa akin sa wakas!”13 Ang batang si Joseph ay lumuhod at hinalikan ang kanyang ama.
Lubhang ginupo ng pagdadalamhati sa kanyang paligid si Lucy kung kaya’t hindi siya makapagsalita. “Diyos ko,” tahimik siyang nagdasal. “Bakit mo pinabayaan ang pamilyang ito?” Ang mga alaala ng mga pagsubok sa kanyang pamilya ay bumaha sa isip niya, ngunit nang tingnan niya ang mga walang buhay na mukha ng kanyang mga anak, tila mukhang payapa ang mga ito. Alam niya na sina Joseph at Hyrum ay hindi na maaabot ng kanilang mga kaaway.
“Sila ay akin nang kinuha,” narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “upang sila ay magkaroon ng kapahingahan.”14
Kinabukasan, libu-libong tao ang pumila sa labas ng Nauvoo Mansion upang magbigay-galang sa magkapatid. Ang araw ng tag-init ay mainit at maaliwalas. Sa bawat oras, pumasok ang mga Banal sa isang pinto, dumaan sa kanilang mga ataul, at lumabas ang isa pang pinto. Inilagak ang magkapatid sa mga mararangyang ataul na nilagyan ng maputing tela at malambot at maitim na pelus. Isang pohas ng salamin sa ibabaw ng kanilang mukha ang nagpahintulot sa mga nagluluksa na makita sila sa huling pagkakataon.15
Matapos ang burol, nangaral si William Phelps ng isang sermon sa libing ng propeta sa lipumpon ng libu-libong mga Banal. “Ano ang aking sasabihin ukol kay Joseph ang tagakita?” tanong niya. “Dumating siya hindi sa gulo ng opinyon ng publiko, kung hindi sa simpleng pangalan ni Jesucristo.”
“Siya’y dumating upang ibigay ang mga utos at batas ng Panginoon, na magtayo ng mga templo, at turuan ang mga tao na umunlad sa pagmamahal at biyaya,” patotoo ni William. “Siya’y nagtatag ng ating simbahan sa lupa, sa pamamagitan ng mga dalisay at walang-hanggang alituntunin ng paghahayag, propeta, at mga apostol.”16
Pagkatapos ng libing, sumulat si Mary Ann Young kay Brigham tungkol sa trahedya, na ilang daang milya ang layo sa silangan na nangangampanya para kay Joseph kasama ang ilang miyembro ng Labindalawa. “Nagkaroon kami ng labis na paghihirap sa lugar na ito simula nang umalis ka ng bahay,” ikinuwento niya. “Ang ating mahal na kapatid na sina Joseph Smith at Hyrum ay naging mga biktima ng malulupit na mga mandurumog.” Tiniyak ni Mary Ann kay Brigham na ang kanilang pamilya ay nasa mabuting kalagayan, ngunit hindi niya alam kung gaano sila kaligtas. Noong mga huling tatlong linggo, ang mga liham na papasok sa Nauvoo ay halos hindi natatanggap, at palagian ang banta ng pagsalakay ng mga mandurumog.
“Ako ay mapalad na mapanatiling kalmado ang nadarama ko sa oras ng bagyo,” isinulat ni Mary Ann. “Sana ay maging maingat ka sa iyong pag-uwi at hindi itambad ang iyong sarili sa mga nais ilagay sa panganib ang iyong buhay.”17
Sa araw ring iyon, sumulat si Vilate Kimball kay Heber. “Hindi pa ako kailanman sumulat sa iyo sa gitna ng napakahirap na sitwasyon tulad ng kinalalagyan namin ngayon,” sinabi niya sa kanya. “Huwag nawang hayaan ng Diyos na makasaksi akong muli ng isa pang tulad nito.”
Narinig ni Vilate na si William Law at ang kanyang mga tagasunod ay naghahangad pa rin na makapaghiganti laban sa mga lider ng simbahan. Nag-aalala para sa kaligtasan ni Heber, atubili siyang umuwi ang kanyang asawa. “Dalangin ko tuwina ngayon ay pangalagaan tayong lahat ng Panginoon na magkita na muli,” isinulat niya. “Natitiyak ko na pinagtatangkaan ang iyong buhay, ngunit nawa ay bigyan ka ng Panginoon ng karunungan upang makatakas mula sa kanilang mga kamay.”18
Makalipas ang maikling panahon, sumulat si Phebe Woodruff sa kanyang mga magulang at inilarawan ang paglusob sa Carthage. “Ang mga bagay na ito ay hindi makapipigil sa gawain nang higit pa kaysa sa kamatayan ni Cristo, ngunit magpapatuloy nang may higit na kabilisan,” patotoo ni Phebe. “Naniniwala ako na sina Joseph at Hyrum ay naroroon kung saan maaari nilang gawin sa simbahan ang mas maraming kabutihan ngayon kaysa noong kasama natin sila.”
“Ako ay mas malakas sa pananampalataya ngayon kaysa noon,” patotoo niya. “Hindi ko isusuko ang pananampalataya ng totoong Mormonismo kahit na kapalit nito ang buhay ko sa loob ng isang oras matapos ang isinusulat kong ito, sapagkat nalalaman ko nang may katiyakan na ito ay gawain ng Diyos.”19
Habang ang mga liham nina Mary Ann, Vilate, at Phebe ay naglakbay pasilangan, narinig nina Brigham Young at Orson Pratt ang mga bulung-bulungan na pinaslang sina Joseph at Hyrum, ngunit walang sinuman ang makapagkumpirma sa kuwento. Pagkatapos, noong Hulyo 16, isang miyembro ng simbahan sa New England branch na kanilang dinadalaw ang tumanggap ng liham mula sa Nauvoo na nagdedetalye ng kalunus-lunos na balita. Nang mabasa niya ang sulat, pakiramdam ni Brigham ay parang mabibiyak ang kanyang ulo. Kailanman ay hindi pa siya nakadama ng gayong kawalang pag-asa.
Ang isipan niya ay agad na bumaling sa priesthood. Hawak ni Joseph ang lahat na mga susi na kailangan upang pagkalooban ang mga Banal at ibuklod sila sa walang hanggan. Kung wala ang mga susing yaon, ang gawain ng Panginoon ay hindi susulong. Sa isang sandali, natakot si Brigham na dinala ni Joseph ang mga ito sa libingan.
Pagkatapos, sa isang bugso ng paghahayag, nagunita ni Brigham kung paano ipinagkaloob ni Joseph ang mga susi sa Labindalawang Apostol. Inilalagay ang kanyang kamay sa kanyang mga tuhod, sinabi niya, “Ang mga susi ng kaharian ay nandito sa simbahan.”20
Nagtungo sina Brigham at Orson sa Boston upang makipagkita sa iba pang mga apostol sa mga estado sa silangan. Nagpasiya silang umuwi agad at pinayuhan ang lahat ng mga missionary na may mga pamilya sa Nauvoo na bumalik na rin.21
“Magalak,” sinabi ni Brigham sa mga Banal sa lugar. “Kapag ang Diyos ay nagpadala ng isang tao upang gawin ang gawain, hindi siya kayang patayin ng lahat ng mga demonyo sa impiyerno hanggang sa matapos niya ito.” Nagpatotoo siya na ibinigay ni Joseph sa Labindalawa ang lahat ng susi ng priesthood bago siya pumanaw, at iniiwan sa mga Banal ang lahat ng bagay na kailangan nila upang magpatuloy.22
Doon sa Nauvoo, habang nagdadalamhati si Emma sa kanyang asawa, nagsimula siyang mag-alala tungkol sa pagtataguyod sa kanyang mga anak at biyenang babae nang mag-isa. Nagsagawa si Joseph ng malawakang legal na pagsisikap upang paghiwalayin ang ari-arian ng kanyang pamilya mula sa pag-aari ng simbahan, ngunit nag-iwan pa rin siya ng malaking utang at wala siyang testamento. Maliban na lamang kung mabilis na makapagtatalaga ang simbahan ng trustee-in-trust upang palitan si Joseph bilang tagapangasiwa ng mga ari-arian ng simbahan, pag-aalala ni Emma, maaaring maiwanang dukha ang kanyang pamilya.23
Ang mga pinuno ng simbahan sa Nauvoo ay nahati sa usapin tungkol sa taong may awtoridad na gumawa ng pagtatalaga. May mga taong naniniwala na ang responsibilidad ay dapat mapunta kay Samuel Smith, ang pinakamatandang buhay na kapatid ng propeta, pero ito ay nagkasakit matapos siyang palayasin ng mga mandurumog sa Carthage, at biglang namatay noong katapusan ng Hulyo.24 Naniniwala ang iba na dapat piliin ng mga lokal na lider ng stake ang bagong tagapangasiwa. Nais nina Willard Richards at William Phelps na ipagpaliban ang desisyon hanggang sa makabalik ang Labindalawa mula sa kanilang misyon sa mga estado sa silangan upang sila ay makalahok sa pagpili.
Subalit balisa na si Emma para sa isang desisyon at nais na magtalaga na kaagad ang mga lider ng simbahan ng isang trustee-in-trust. Ang kanyang pinili sa posisyon ay si William Marks, ang Nauvoo stake president.25 Tinutulan ni Bishop Newel Whitney ang pagpiling ito, gayunman, dahil itinakwil ni William ang maramihang pag-aasawa at hindi gaanong pinahahalagahan ang mga ordenansa ng templo.
“Kung si Marks ang maitatalaga,” palihim na ipinahayag ng bishop, “ang ating espirituwal na mga pagpapala ay malilipol, yamang siya ay hindi sang-ayon sa mga pinakamahahalagang bagay.” Batid na ang Simbahan ay higit pa sa isang korporasyon na may kinikitang salapi at mga legal na obligasyon, naniwala si Newel na ang bagong trustee-in-trust ay dapat maging isang tao na lubusang itinataguyod ang inihayag ng Panginoon kay Joseph.26
Sa panahong ito, sapat na ang paggaling ni John Taylor mula sa kanyang mga sugat para makabalik sa Nauvoo. Bumalik na rin si Parley Pratt mula sa kanyang misyon at sinamahan sina John, Willard Richards, at William Phelps upang himukin sina Emma at William Marks na hintayin ang pagbabalik ng iba pang mga apostol. Naniniwala sila na mas mahalaga na piliin ang bagong tagapangasiwa sa pamamagitan ng wastong awtoridad kaysa bumuo ng isang mabilis na desisyon.27
Pagkatapos, noong Agosto 3, bumalik sa Nauvoo si Sidney Rigdon. Bilang kasama ni Joseph sa pagtakbo sa kampanya sa pagiging pangulo, lumipat si Sidney sa ibang estado upang matugunan ang mga legal na hinihingi ng batas para sa posisyon. Ngunit nang malaman niya ang pagkamatay ng propeta, nagmamadaling bumalik ng Illinois si Sidney, nakatitiyak na ang kanyang tungkulin sa Unang Panguluhan ay nagbigay sa kanya ng karapatan na mamuno sa simbahan.
Upang mapalakas ang kanyang pag-angkin, ibinalita rin ni Sidney na siya ay nakatanggap ng isang pangitain mula sa Diyos na nagpapakita sa kanya na kailangan ng simbahan ng tagapangalaga—isang tao na pangangalagaan ang simbahan sa pagkawala ni Joseph at patuloy na mangungusap para sa kanya.28
Ang pagdating ni Sidney ay naging alalahanin nina Parley at ng iba pang mga apostol sa Nauvoo. Ang tunggalian tungkol sa mga trustee-in-trust ay naglinaw na kailangan ng simbahan ng namumunong awtoridad na gagawa ng mahahalagang desisyon. Ngunit alam nila na si Sidney, tulad ni William Marks, ay tumanggi sa marami sa mga turo at gawain na inihayag ng Panginoon kay Joseph. Ang mas mahalaga, alam nila na binawasan ni Joseph ang pagdepende niya kay Sidney noong mga nakaraang taon at hindi ipinagkaloob sa kanya ang lahat ng susi ng priesthood.29
Isang araw matapos ng kanyang pagdating, lantarang inialok ni Sidney na pamunuan ang simbahan. Wala siyang sinabi tungkol sa pagtatapos ng templo o pagbibigay sa mga Banal ng espirituwal na kapangyarihan. Sa halip, nagbabala siya sa kanila na ang mga mapanganib na panahon ay darating at nangako na gagabayan sila nang buong tapang sa mga huling araw.30
Kalaunan, sa isang pulong ng mga lider ng simbahan, iginiit ni Sidney ang pagtitipon ng mga Banal sa loob ng dalawang araw upang pumili ng bagong pinuno at magtalaga ng isang trustee-in-trust. Nababahala, sina Willard at iba pang mga apostol ay humiling ng mas maraming oras upang pag-aralan ang mga inihayag ni Sidney at hintayin ang pagbabalik ng mga natitirang miyembro ng kanilang korum.
Sumang-ayon si William Marks at itinakda ang pulong ng Agosto 8, apat na araw mula noon.31
Noong gabi ng Agosto 6, mabilis na lumaganap ang balita na sina Brigham Young, Heber Kimball, Orson Pratt, Wilford Woodruff, at Lyman Wight ay dumating sa Nauvoo sakay ng bapor. Kaagad na sinalubong ng mga Banal ang mga apostol sa mga lansangan habang binabagtas nila ang daan pauwi.32
Kinabukasan ng hapon, sumali sa mga bagong dating na apostol sina Willard Richards, John Taylor, Parley Pratt, at George A. Smith sa isang pulong kasama si Sidney at iba pang mga konseho ng simbahan.33 Sa panahong ito, nagbago na ang isip ni Sidney tungkol sa pagpili ng bagong pinuno noong Agosto 8. Sa halip, sinabi niya na nais niyang magdaos ng isang pulong ng panalangin kasama ang mga Banal sa araw na iyon, ipinagpapaliban ang desisyon hanggang sa makapagsasama-sama ang mga lider ng simbahan at “paningasin ang puso ng isa’t isa.”34
Gayunman, iginigiit ni Sidney ang kanyang karapatan sa pamamahala sa simbahan. “Ipinakita sa akin na ang simbahang ito ay dapat itayo kay Joseph,” sabi niya sa mga konseho, “at ang lahat ng pagpapalang tinatanggap natin ay dapat sa pamamagitan niya.” Sinabi niya na ang kanyang bagong pangitain ay karugtong lamang ng dakilang pangitain ng langit na nakita niya kasama si Joseph mahigit isang dekada na ang nakararaan.
“Ako ay naorden bilang tagapagsalita ni Joseph,” sabi pa niya, tinutukoy ang mga paghahayag na natanggap ni Joseph noong 1833, “at kailangan kong magtungo sa Nauvoo at masiguro na ang simbahan ay pangangasiwaan sa wastong paraan.”35
Hindi napabilib si Wilford ng mga sinabi ni Sidney. “Ito ay isang uri ng segunda-klaseng pangitain,” sulat niya sa kanyang talaarawan.36
Matapos magsalita ni Sidney, tumayo si Brigham at nagpatotoo na iginawad ni Joseph ang lahat ng susi at kapangyarihan ng mga apostol sa Labindalawa. “Hindi mahalaga sa akin kung sino ang mamumuno sa simbahan,” wika niya, “ngunit ang isang bagay na nais ko lang malaman ay kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.”37
Noong Agosto 8, ang araw ng pulong ng panalangin ni Sidney, hindi nakadalo si Brigham sa isang maagang pagpupulong sa kanyang korum, isang bagay na hindi niya kailanman ginawa.38 Paglabas niya, nakita niya ang libu-libong mga Banal na nagtipon sa kakahuyan malapit sa templo. Marahas ang hangin noong umaga, at tumayo si Sidney sa isang bagon na nakatalikod sa isang malakas at tuluy-tuloy na hangin. Sa halip na magdaos ng isang pulong ng panalangin, muling iniaalok ni Sidney ang sarili bilang tagapangalaga ng simbahan.
Si Sidney ay nagsalita nang mahigit isang oras, nagpapatotoo na dadalhin nina Joseph at Hyrum ang kanilang awtoridad ng priesthood sa walang hanggan at sapat na itinatag ang mga kapulungan ng simbahan upang pangasiwaan ang simbahan matapos ang kanilang pagkamatay. “Ang bawat tao ay tatayo sa kanyang sariling katungkulan sa kanyang sariling paghirang sa harap ni Jehovah,” paghahayag ni Sidney. Iminungkahi niyang muli na ang kanyang sariling lugar at tungkulin ay bilang tagapagsalita ni Joseph. Hindi niya nais na pagbotohan ng kongregasyon ang bagay na ito, ngunit nais niyang malaman ng mga Banal ang kanyang mga pananaw.39
Nang matapos magsalita si Sidney, sumigaw si Brigham sa pulutong ng mga tao na manatili ng mga ilang sandali pa. Sinabi niya na nais niya ang karagdagang panahon upang magdalamhati sa pagkamatay ni Joseph bago ayusin ang anumang gawain sa simbahan, ngunit nadama niya na kailangan ng mga Banal na pumili ng bagong pinuno. Nag-alala siya na ang ilan sa kanila ay nagkakamkam ng kapangyarihan na labag sa kalooban ng Diyos.
Upang malutas ang problema, hiniling ni Brigham sa mga Banal na bumalik kinahapunan upang sang-ayunan ang bagong lider ng simbahan. Sila ay boboto bilang mga korum at bilang buong simbahan. “Maaari nating gawin ang bagay na yaon sa loob ng limang minuto,” sabi niya. “Hindi tayo kikilos laban sa isa’t isa, at bawat lalaki at babae ay magsasabi ng amen.”40
Nang hapong iyon, bumalik si Emily Hoyt sa kakahuyan para sa pulong. Isang pinsan ng propeta, si Emily ay malapit nang mag-apatnapu at nagtapos sa isang paaralan para sa mga guro. Sa nakaraang ilang taon, siya at ang kanyang asawang si Samuel ay naging malapit kina Joseph at Hyrum, at nalungkot sila sa biglaang pagkamatay ng magkapatid. Bagamat sila ay nakatira sa kabilang ibayo ng ilog sa Teritoryo ng Iowa, nagpunta sina Emily at Samuel sa Nauvoo noong araw na iyon upang dumalo sa pulong ng panalangin ni Sidney.41
Bandang alas dos ng hapon, ang mga korum ng priesthood at mga kapulungan ay magkakasamang naupo sa at sa paligid ng pulpito. Pagkatapos ay tumayo si Brigham Young upang magsalita sa mga Banal.42 “Napakaraming nasambit tungkol kay Pangulong Rigdon na maging pangulo ng simbahan,” sabi niya, “ngunit sasabihin ko sa inyo na ang Korum ng Labindalawa ang may hawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa buong mundo.”43
Habang nakikinig si Emily kay Brigham na magsalita, napansin niya ang sarili na tumitingin dito upang matiyak na hindi si Joseph ang nagsasalita. Taglay niya ang pananalita ni Joseph, ang paraan nito ng pangangatwiran, at maging ang tunog ng boses nito.44
“Si Brother Joseph, ang propeta, ang naging saligan ng isang dakilang gawain, at magtatayo tayo roon,” pagpapatuloy ni Brigham. “Isang pinakamakapangyarihang pundasyon ang inilatag, at makakabuo tayo ng isang kaharian na hindi pa nagkakaroon kailanman sa mundo. Tayo ay makagagawa ng isang kaharian nang mas mabilis kaysa sa kakayahan ni Satanas na paslangin ang mga Banal.”
Ngunit kailangan ng mga Banal na magtulungan, paghahayag ni Brigham, sumusunod sa kalooban ng Panginoon at namumuhay nang may pananampalataya. “Kung nais ninyo si Sidney Rigdon o si William Law na pamunuan kayo, o sinupaman, kayo ay malugod na tatanggapin nila,” sabi niya, “pero sinasabi ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon na walang taong mailalagay sa pagitan ng Labindalawa at ng propetang si Joseph. Bakit? Kanyang ibinigay sa kanilang mga kamay ang mga susi ng kaharian sa huling dispensasyong ito, para sa buong mundo.”45
Nadarama na ang Espiritu at kapangyarihan na nanahan kay Joseph ay nasa kamay na ngayon ni Brigham, minasdan ni Emily ang apostol na manawagan sa mga Banal para sang-ayunan ang Labindalawa bilang mga lider ng simbahan. “Bawat lalaki, bawat babae, bawat korum ay inilagay na ngayon sa ayos,” sabi niya. “Lahat ng sumasang-ayon sa mga ito sa buong kapisanan ng mga Banal, ipakita sa pamamagitan ng pagtataas ng kanang kamay.”
Si Emily at ang buong kongregasyon ay nagtaas ng kamay.46
“Napakaraming gagawin,” sabi ni Brigham. “Ang pundasyon ay inilatag ng ating propeta, at magtatayo tayo sa ibabaw nito. Walang iba pang saligan ang maaaring ilatag maliban sa yaong nakalatag na, at tayo ay magkakaroon ng ating endowment kung loloobin ng Panginoon.”47
Makalipas ang pitong taon, itinala ni Emily ang kanyang karanasan sa panonood kay Brigham na magsalita sa mga Banal, nagpapatotoo kung gaano siya naging kahawig sa hitsura at katulad ng tinig ni Joseph sa pulpito. Sa mga taon na darating, dose-dosenang mga Banal ang magdaragdag ng kanilang patotoo sa kanya, inilalarawan kung paano nila nakitang napunta ang balabal ng propetang Joseph kay Brigham noong araw na iyon.48
“Kung sinuman ang nagdududa sa karapatan ni Brigham upang pamahalaan ang mga gawain para sa mga Banal,” pagsulat ni Emily, “ang sinasabi ko lamang sa kanila ay ito: Taglayin ang Espiritu ng Diyos, at alamin sa inyong sarili. Maglalaan ang Panginoon para sa sarili Niya.”49
Isang araw pagkatapos ng kumperensya, nadama ni Wilford ang kapanglawan na bumabalot pa rin sa buong lunsod. “Ang propeta at patriyarka ay wala na,” isinulat niya sa kanyang talaarawan, “at tila walang maliit na ambisyon na gumawa ng anumang bagay.” Gayunpaman, agad na nagtrabaho sina Wilford at ang Labindalawa. Nagkita sila nang hapong iyon at itinalaga ang mga bishop na sina Newel Whitney at George Miller upang maglingkod bilang mga trustee-in-trust para sa simbahan at lutasin ang mga suliranin na may kaugnayan sa pananalapi ni Joseph.50
Makalipas ang tatlong araw, tinawag nila si Amasa Lyman sa Korum ng Labindalawa at hinati ang silangang bahagi ng Estados Unidos at Canada sa mga distrito na pinamumunuan ng mga high priest. Sina Brigham, Heber at Willard ay tatawag ng mga lalaki sa mga posisyon at pangangasiwaan ang simbahan sa Amerika samantalang si Wilford naman ay maglalakbay kasama ni Phebe sa England upang mamuno sa British mission at pamahalaan ang palimbagan nito.51
Habang naghahanda si Wilford para sa kanyang misyon, ang iba pang mga Apostol ay nagsumikap na palakasin ang simbahan sa Nauvoo. Ang mga Banal sa pulong noong Agosto 8 ay sinang-ayunan ang Labindalawa, ngunit sinusubukan ng ilang tao na hatiin ang simbahan at inilalayo ang mga tao. Ang isa sa kanila ay si James Strang, isang bagong miyembro ng simbahan na nag-aangkin na may liham mula kay Joseph na naghihirang sa kanya bilang tunay na kapalit nito. May isang bahay sa Teritoryo ng Wisconsin si James at nagtipon doon ang mga Banal.52
Pinagsabihan ni Brigham ang mga Banal na huwag sumunod sa mga hindi sumasang-ayon. “Huwag kumalat,” paghihimok niya sa kanila. “Manatili rito sa Nauvoo, at itayo ang templo at kunin ang inyong endowment.”53
Ang pagtapos sa templo ay nanatiling pinagtutuunan ng simbahan. Noong Agosto 27, isang gabi bago sila umalis patungo sa England, binisita nina Wilford at Phebe ang templo kasama ang mga kaibigan. Nakatayo sa paanan ng mga pader nito, na halos umabot sa tuktok ng ikalawang palapag, hinangaan nina Wilford at Phebe kung paano pinalabas ng liwanag ng buwan ang karingalan at kadakilaan ng istruktura.
Umakyat sila sa hagdan sa tuktok ng mga pader at lumuhod upang manalangin. Ipinahayag ni Wilford ang kanyang pasasalamat sa Panginoon sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga Banal na itayo ang templo at nagsumamo na matapos nila ito, matanggap nila ang endowment, at maitanim ang gawain ng Diyos sa buong mundo. Hiniling din niya sa Panginoon na pangalagaan siya at si Phebe sa mission field.
“Bigyan po kami ng kakayahan na gawin ang aming misyon nang may kabanalan,” panalangin siya, “at muling makabalik sa lupaing ito at yumapak sa mga silid ng bahay ng Panginoon sa kapayapaan.”54
Kinabukasan, bago umalis ang mga Woodruff, binigyan ni Brigham ng basbas si Phebe para sa gawaing naghihintay sa kanya. “Ikaw ay pagpapalain sa iyong misyon katulad ng asawa mo, at ikaw ay magiging daan sa paggawa ng maraming kabutihan,” pangako niya. “Kung ikaw ay hahayo nang buong pagpapakumbaba, ikaw ay pangangalagaan hanggang makabalik at makipagkita sa mga Banal sa templo ng Panginoon at magagalak doon.”
Kinahapunan, nagtungo sina Wilford at Phebe sa England. Kabilang sa mga misyonero na kasama nilang maglakbay ay sina Dan Jones at ang kanyang asawang si Jane, na pupunta sa Wales upang matupad ang mga propesiya ni Joseph.55