2006
Mga Sirang Bagay na Aayusin
Mayo 2006


Mga Sirang Bagay na Aayusin

Nang sabihin Niya sa mga aba sa espiritu, “Magsiparito sa akin,” ibig Niyang sabihi’y alam Niya ang daan palabas at paakyat.

Ang mga unang salitang binigkas ni Jesus sa Kanyang maringal na Sermon sa Bundok ay sa mga nababagabag, nawalan ng pag-asa at nalulumbay. “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob,” wika Niya, “sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.”1 Mga miyembro man kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw o kabilang sa libu-libong nakikinig ngayon na hindi namin kapanalig, ang sasabihin ko’y para sa mga may pagsubok at problema sa pamilya, yaong tinitiis ang paghihirap ng kalooban, yaong sinisikap pigilin ang kawalang-pag-asa na kung minsa’y lumulukob sa atin na parang tsunami ng kaluluwa. Nais kong magsalita lalo na sa inyo na nag-aakalang sira na ang buhay ninyo, na para bang hindi na ito maayos pa.

Sa lahat ng gayon narito ang pinakatiyak at nakalulugod na remedyong alam ko. Makikita ito sa malinaw na pahayag ng Tagapagligtas Mismo ng mundo. Sinabi niya ito sa simula at sa pagwawakas ng Kanyang ministeryo. Sinabi niya ito sa mga nananalig at sa mga hindi gaanong nakatitiyak. Sinabi niya ito sa lahat, anuman ang kanilang personal na mga problema:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”2

Sa pangakong ito, napakahalaga ng pambungad na katagang “magsiparito sa akin.” Ito ang susi sa kapayapaan at kapahingahang hangad natin. Sa katunayan, nang mangaral ang nabuhay na muling Tagapagligtas sa mga Nephita sa templo sa Bagong Daigdig, sinabi Niya, “Mapapalad ang mga aba sa espiritu na lumalapit sa akin, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.”3

Nang unang marinig nina Andres at Juan ang pagsasalita ni Cristo, labis silang naantig kaya sinundan nila Siya nang lumayo Siya sa madla. Nang maramdaman Niyang may sumusunod, lumingon si Jesus at tinanong ang dalawa, “Ano ang inyong hinahanap?” Sumagot sila, “Saan ka tumitira?” At sabi ni Cristo, “Magsiparito kayo, at inyong makikita.” Kinabukasan isa pang disipulo ang nakita Niya, si Felipe, at sinabi Niya dito, “Sumunod ka sa akin.”4 Ilang sandali lang at tinawag din Niya sa gayunding diwa ng pag-anyaya si Pedro at ang iba pang bagong Apostol. “Magsisunod kayo sa hulihan ko,”5 wika Niya.

Malinaw na ang diwa ng ating tungkulin at pangunahing kailangan sa buhay ay nakapaloob sa maiikling talatang ito mula sa ilang tagpo sa ministeryo sa buhay ng Tagapagligtas. Sinasabi Niya sa atin, “Pagtiwalaan ako, kilalanin ako, gawin ang ginagawa ko. At kapag sinundan ninyo Ako,” sabi Niya, “ay mapag-uusapan natin kung saan kayo papunta, at ang mga problema at hinaing ninyo sa buhay. Kung susundan ninyo ako, ilalabas ko kayo mula sa kadiliman.” Ipinangako Niya, “Sasagutin ko ang inyong mga dalangin. Pagpapahingahin ko ang inyong kaluluwa.”

Mahal kong mga kaibigan, wala na akong alam na ibang paraan para magtagumpay o maligtas tayo sa gitna ng maraming hirap at problema. Wala na akong alam na ibang paraan para makayanan natin ang ating mga pasanin o matagpuan ang tinawag ni Jacob sa Aklat ni Mormon na “kaligayahang inihanda para sa mga banal.”6

Kaya paano “[lalapit] kay Cristo” ang isang tao sa pagtugon sa palagiang paanyayang ito? Napakaraming halimbawa at paraan ang ibinibigay sa mga banal na kasulatan. Alam na alam ninyo ang pinakamahahalaga. Ang mga pinakamadali at unang-una ay dumarating sa simpleng hangarin ng ating puso, ang pinakamahalagang anyo ng pananampalataya na alam natin. “Kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala,” sabi ni Alma, gumagamit lang ng “kahit bahagyang pananampalataya,” na nagbibigay ng kahit kaunting puwang para sa mga pangako ng Diyos sa inyong kalooban— sapat nang simula iyan.7 Ang maniwala lang, kahit magkaroon lang ng bahagyang pananampalataya—na umaasa sa mga bagay na hindi nakikita sa ating buhay, pero gayunma’y talagang ipagkakaloob8—ang simpleng hakbang na iyan, kapag natuon sa Panginoong Jesucristo, ang palaging unang alituntunin ng Kanyang walang hanggang ebanghelyo, ang unang hakbang para makaalis sa kawalang-pag-asa.

Ikalawa, baguhin ang anumang makakaya nating baguhin na maaaring bahagi ng problema. Sa madaling salita magsisi tayo, na siguro’y siyang salitang pinakapuno ng pag-asa at panghihikayat sa bokabularyo ng Kristiyano. Pinasasalamatan natin ang ating Ama sa Langit na tinutulutan tayong magbago. Pinasasalamatan natin si Jesus at maaari tayong magbago, at sa huli’y ginagawa lang natin ito nang may patnubay Nila. Walang dudang hindi lahat ng paghihirap natin ay tayo ang nagdulot. Madalas ay bunga ito ng ginawa ng iba o mga pangyayari lang sa buhay. Pero anumang mababago natin ay dapat nating baguhin, at kailangang patawarin natin ang iba. Sa ganitong paraan ay walang makahahadlang sa epekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa atin, kahit tayo’y may kakulangan. Siya na ang bahala roon.

Ikatlo, sa maraming paraan sinisikap natin Siyang tularan, at nagsisimula tayo sa pagtataglay ng Kanyang pangalan. Ang pangalang iyon ay pormal na ipinagkakaloob sa tipan sa nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo. Ang mga iyon ay nagsisimula sa binyag at nagtatapos sa mga tipan sa templo, at marami pang iba, tulad ng pakikibahagi ng sakrament, na kasama sa buong buhay natin bilang dagdag na mga pagpapala at paalala. Sa pagtuturo ng mensahe namin ngayong umagasa mga tao noong kanyang kapanahunan, sinabi ni Nephi, “[Sundin] ang Anak, nang may buong layunin ng puso, … may tunay na hangarin, … taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo… . Gawin ang mga bagay na sinabi ko sa inyo na nakita kong [ginawa] ng inyong Panginoon at inyong Manunubos.”9

Kasunod ng pinakamahahalagang aral na ito, nabubuksan sa kaluwalhatian na mag-uugnay kay Cristo sa iba’t ibang paraan: pagdarasal at pag-aayuno at pagmumuni-muni sa Kanyang mga layunin. Pagnamnam sa mga banal na kasulatan, paglilingkod sa iba. “[pagtulong sa] mahihina, [pagtataas ng] mga kamay na nakababa, … [pagpapalakas sa] tuhod na mahihina.”10 Higit sa lahat, pagmamahal na may “dalisay na pag-ibig ni Cristo,” ang kaloob na “kailanman ay hindi nagkukulang,” na “binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, at nagtitiis sa lahat ng bagay.”11 Di magtatagal, nang may gayong uri ng pagmamahal, malalaman natin na maraming daan sa buhay na ito patungo sa Panginoon at tuwing aabutin natin Siya, kahit kaunti, natutuklasan natin na sabik Niyang sinisikap na abutin tayo. Kaya nga nagpapatuloy tayo, nagpupunyagi, nagsisikap at hindi sumusuko.12

Ang hangad ko ngayon ay para sa ating lahat—hindi lang sa mga “aba sa espiritu” kundi sa ating lahat—na magkaroon ng mas personal na karanasan sa halimbawa ng Tagapagligtas. Kung minsan di-tahasan ang hangad nating magpakabuti, nakatuon tayo sa mga programa o kasaysayan o karanasan ng iba. Mahalaga ang mga iyon pero hindi kasinghalaga ng personal na karanasan, tunay na pagkadisipulo, at lakas na nagmumula sa pansariling karanasan sa kadakilaan ng Kanyang haplos.

Pinaglalabanan ba ninyo ang pagkalulong—sa sigarilyo o droga o sugal, o mapanirang salot na pornograpiya sa kasalukuyan? May problema ba kayong mag-asawa o nanganganib ang inyong anak? Nalilito ba kayo sa inyong pagkatao o naghahangad ng pagpapahalaga sa sarili? Kayo ba—o isang mahal ninyo—ay maysakit o malungkot o malapit nang mamatay? Anumang iba pang hakbang ang kailangan ninyong gawin para lutasin ang mga ito, lumapit muna sa ebanghelyo ni Cristo. Magtiwala sa mga pangako ng langit. Ang patotoo ni Alma ay siya ring aking patotoo tungkol dito: “Nalalaman ko,” sabi niya, “na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap.”13

Ang pag-asang ito sa maawaing katangian ng Diyos ang pinakasentro ng ebanghelyong itinuro ni Cristo. Nagpapatotoo ako na iniaangat tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas di lamang mula sa ating mga pasanin na kasalanan, kundi pati na rin sa ating mga kabiguan at kalungkutan, mga dalamhati at kawalang-pag-asa.14 Mula pa noon, ang pagtitiwala sa gayong tulong ay nagbibigay sa atin ng dahilan at paraan para magbago, isang dahilan para magsisi sa mga pagkakasala at sikaping maligtas. Magkakaroo’t magkakaroon ng maraming problema sa buhay. Gayunman, ang kaluluwang lumalapit kay Cristo, na kilala ang Kanyang tinig, at nagsisikap gawin ang Kanyang ginawa, ay lumalakas, tulad ng sabi sa himno, “higit sa atin.”15 Ipinaaalala sa atin ng Tagapagligtas na Kanyang “inanyuan [tayo] sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay.”16 Kung iisipin ang dimawaring kahalagahan ng Pagpapako sa Krus at Pagbabayad-sala, ipinapangako ko sa inyo na hindi Niya tayo tatalikuran ngayon. Nang sabihin Niya sa mga aba sa espiritu, “Magsiparito sa akin,” ibig Niyang sabihin ay alam Niya ang daan palabas at paakyat. Alam Niya ito dahil ito ang Kanyang tinahak. Alam Niya ang daan dahil Siya ang daan.

Mga kapatid, anuman ang inyong problema huwag sana kayong sumuko at huwag sanang matakot. Lagi akong naaantig na sa paglisan ng kanyang anak para magmisyon sa England, niyakap ni Brother Bryant S. Hinckley ang batang si Gordon at palihim na inabot ang sulat na may aanim na salita mula sa ikalimang kabanata ng Marcos, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”17 Iniisip ko rin ang gabing iyon nang tulungan ni Cristo ang takot Niyang mga disipulo, na lumakad sa ibabaw ng tubig, na tumatawag habang papalapit, “Ako nga; huwag kayong mangatakot.” Tumugon si Pedro, “Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.” Iisa ang sagot ni Cristo sa kanya sa tuwina, “Halika,” wika Niya. Dahil likas sa kanya ang pabigla-bigla, tumalon si Pedro mula sa gilid ng daong papunta sa tubig na maalon. Habang nakatingin sa Panginoon, siniklot ng hangin ang kanyang buhok at nabasa ng tubig ang kanyang suot, ngunit maayos ang lahat—papalapit siya kay Cristo. Nang mag-alinlangan siya at matakot, nang alisin niya ang kanyang tingin sa Panginoon upang tingnan ang nag-aalimpuyong alon at nagbabantang kailaliman ng dagat, noon lang siya nagsimulang lumubog. Dahil sa takot sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako.”

Walang duda na sa kaunting kalungkutan, ang Panginoon sa bawat problema at takot, Siya na solusyon sa bawat kawalang-pag-asa at kabiguan, ay inunat ang Kanyang kamay at sinagip ang nalulunod na disipulo na mahinahong pinagsabihan, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?”18

Kung kayo’y malungkot, malaman sana ninyo na may aaliw sa inyo. Kung kayo’y walang pag-asa, malaman sana ninyo na may pag-asa. Kung kayo’y aba sa espiritu, malaman sana ninyo na mapalalakas kayo. Kung nadarama ninyo na kayo’y nasisiraan ng loob, malaman sana ninyo na maaayos ang lahat.

Sa Nasaret, ang makipot na daan,

Na nakakapagod at nakakahapo,

Ay dumaraan sa lugar na minsa’y naging tahanan

Ng Karpinterong Nasareno.

At akyat-baba sa maalikabok na daan

Madalas lakaran ng mga taong-bayan;

At sa Kanyang tabi, nakalatag sa upuan,

Mga sirang bagay na Kanyang tatagpian.

Ang dalagang may basag na manyika,

Ang babaeng may silyang sira,

Ang lalaking may sirang pamatok o araro,

Ang sabi’y, “Maaayos mo ba, Karpintero?”

At bawat isa’y nakuha ang gusto,

Sa pamatok, o silya, o manyika, o araro;

Ang sirang bagay na dala ng bawat tao

Nabalik na muli at ganap na nabuo.

Kaya, paakyat sa burol paglipas ng panahon,

Mabigat ang hakbang at nananabik doon,

Sa mga kaluluwang hirap, ang daa’y paahon,

Lahat ay iisa ang malungkot na tanong:

“O Karpinterong Nasareno,

Ang pusong durog, agad sanang mabuo,

Sa buhay na ito, na halos maghingalo,

Oh, maaayos Mo kaya, Karpintero?”

At sa kabaitan Siya’y handang dumamay,

Kahit mapahamak ang sariling buhay

Sa buhay natin, hanggang matayo

Isang Bagong Likha—na “lahat ay bago.”

“Ang mga tiwaling bagay sa puso ko,

Ambisyon, pag-asa, pananalig, at gusto,

Bawat bahagi’y gawin Ninyong perpekto,

O Karpinterong Nasareno!”19

Nawa lahat tayo, lalo na ang aba sa espiritu, ay lumapit sa Kanya at maging ganap, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo ng Nasaret, amen.

Mga tala

  1. Mateo 5:3.

  2. Mateo 11:28–29.

  3. 3 Nephi 12:3; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Juan 1:35–39, 43.

  5. Tingnan sa Mateo 4:19.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 9:43.

  7. Alma 32:27; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  8. Tingnan sa Alma 32:21

  9. 2 Nephi 31:13, 17.

  10. D at T 81:5.

  11. Moroni 7:47, 46, 45.

  12. Tingnan sa “Ulysses,” ni Alfred Lord Tennyson sa The Complete Poetical Works of Tennyson (1898), 89.

  13. Alma 36:3.

  14. Tingnan sa Alma 7:11–12.

  15. “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164.

  16. 1 Nephi 21:16.

  17. Marcos 5:36.

  18. Mateo 14:27–31; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  19. George Blair, “The Carpenter of Nazareth,” sa Christ’s Ideals for Living, ni Obert C. Tanner (manwal sa Sunday School), 22.