Pangangalaga sa Kasal
Mas liligaya ang pagsasama kung higit itong pangangalagaan.
Mahal kong mga kapatid, salamat sa pagmamahal ninyo sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo. Saanman kayo nakatira, ang matwid ninyong pamumuhay ay nagbibigay ng magagandang halimbawa sa panahong ito ng nabubulok na moralidad at nawawasak na mga tahanan.
Sa paglalakbay namin ng mga Kapatid sa buong mundo, kung minsan ay nakababahala ang mga nakikita namin. Sa eroplano kamakailan, nakaupo ako sa likod ng isang mag-asawa. Halatang mahal ng babae ang asawa niya. Habang hinahagod ang batok nito nakita ko ang singsing-pangkasal niya. Niyayapos niya ito at humihilig sa balikat ng asawa, sa kagustuhang makapiling ito.
Sa kabila nito, mukhang walang pakialam sa kanya ang asawang lalaki. Nakatuon lang siya sa laro sa elec- tronic game player. Sa buong paglalakbay, aliw na aliw siya sa laruang iyon. Kahit minsan ay hindi niya tiningnan, kinausap, o inunawang sabik ang kanyang asawa sa pagsuyo.
Dahil hindi niya ito pinapansin gusto kong sumigaw ng: “Dumilat ka, lalaki! Di mo ba nakikita? Tingnan mo! Mahal ka ng asawa mo! Kailangan ka niya!”
Wala na akong iba pang nalaman tungkol sa kanila. Di ko na sila nakita mula noon. Siguro sobra lang ang pag-aalala ko. At malamang, kung nalaman ng lalaking ito ang pag-aalala ko para sa kanila, baka maawa pa siya sa akin dahil hindi ko alam laruin iyong nilalaro niya.
Pero ito ang mga bagay na alam ko: Alam ko na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”1 Alam ko na nilikha ang mundo at ipinanumbalik ang Simbahan ng Panginoon upang mabuklod at mapadakila ang mga pamilya bilang mga walang-hanggang nilikha.2 At alam ko na isa sa mga panlilinlang ni Satanas para hamakin ang gawain ng Panginoon ay ang sirain ang mga sagradong institusyon ng kasal at ng pamilya.
Malaki ang posibilidad na lumigaya ang tao sa pag-aasawa kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao. Ngunit bigo ang ilang mag-asawa na maabot ang kanilang potensyal. Hinahayaan nilang kalawangin ang kanilang pag-iibigan, binabalewala nila ang isa’t isa, pinalalabo ng ibang interes o pagpapabaya ang talagang maaaring kahinatnan ng kanilang pagsasama. Mas liligaya ang pagsasama kung higit itong pangangalagaan.
Natanto ko na maraming may edad nang miyembro ng Simbahan na walang asawa. Kahit hindi nila sadya, mag-isa nilang hinaharap ang mga pagsubok sa buhay. Alalahanin nating lahat na sa sariling paraan at oras ng Panginoon ay walang pagpapalang hindi ibibigay sa Kanyang matatapat na mga Banal.3 Para sa mga may asawa o mag-aasawa pa lamang, narito ang dalawang hakbang para mas lumigaya sa inyong pagsasama.
I. Pundasyon Ayon sa Doktrina
Ang unang hakbang ay unawain ang pundasyon sa pag-aasawa ayon sa doktrina. Sinabi ng Panginoon na ang pag-aasawa ay legal na kasal ng isang lalaki at isang babae: “Ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao.
“Samakatwid, naaayon sa batas na siya ay magkaroon ng isang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman, at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha.”4
Nakakalungkot na ang mga kalakaran ng mundo sa pagpapaliwanag ng kasal sa ibang paraan ang siyang sumisira sa institusyon ng kasal. Salungat ang gayong mga pakana sa plano ng Diyos.
Siya ang nagsabi na: “Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman.”5
Pinagtitibay pa sa banal na kasulatan na “ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.”6
Ang kasal ang pinagmumulan ng kaayusan sa lipunan, ng kabutihang-asal, at ng walang-hanggang kadakilaan. Ang kasal ay itinalaga sa langit bilang isang tipan magpakailanman at walang katapusan.7 Pinagpapala ang kasal kapag ito’y itinatangi at iginagalang nang buong kabanalan. Ang pagsasamang iyon ay hindi lang sa pagitan ng lalaki at babae; katuwang nila rito ang Diyos.8 Ang mag-asawa ay “may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa.”9 Ang mga batang isinilang sa pagsasamang iyon sa kasal ay “mana mula sa Panginoon.”10 Ang kasal ay simula lamang ng pagbukadkad ng buhay-pamilya; pagiging magulang ang bulaklak nito. At ang pumpon ng mga bulaklak ay mas gumaganda kapag nagkaapo na. Ang mga pamilya ay magiging walang hanggan tulad ng kaharian ng Diyos mismo.11
Ang kasal ay kapwa isang utos at isang nakapagpapadakilang alituntunin ng ebanghelyo.12 Dahil inorden ito ng Diyos, ang pisikal na pagpapadama ng pagmamahal ng mag-asawa ay sagrado. Pero karaniwa’y nilalapastangan ang mga banal na kaloob na ito. Kapag pinayagan ng mag-asawa na sirain ng mahahalay na pananalita o ng pornograpiya ang kanilang intimasiya, nagdaramdam ang Maylikha at hinahamak at pinabababa nila ang kanilang mga banal na kaloob. Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa personal na kadalisayan.13 Ang utos sa banal na kasulatan: “Maging malinis kayo.”14 Dapat ay laging maging isang tipan ang kasal upang mapadakila ang mga mag-asawa sa kaluwalhatiang selestiyal.
Ang kasal ay nilayon ng Panginoon na magtagal hanggang sa kabilang buhay. Plano Niyang magpatuloy ang pamilya sa kawalang-hanggan sa kaharian ng Diyos. Plano Niyang maglaan ng mga templo at ng oportunidad na gumawa roon para sa mga buhay at patay. Ang kasal na ibinuklod doon ang pasimula sa mag-asawa sa dakilang kaayusan ng pagsasama na lubos na kailangan sa pagiging ganap ng gawain ng Diyos.15
Kabilang sa mga doktrinang may kinalaman sa kasal ang kalayaang pumili at pananagutan. Lahat tayo ay mananagot sa ating mga pasiya. Ang mga mag-asawang biniyayaan ng mga anak ay may pananagutan sa Diyos sa pangangalagang ibinibigay nila sa kanilang mga anak.
Sa pakikipagpulong ko sa mga lider ng priesthood, madalas kong itanong ang mga priyoridad nila sa iba’t ibang responsibilidad. Kadalasan, binabanggit nila ang mahahalagang tungkulin nila sa Simbahan kung saan sila natawag. Kakaunti lang ang nakakaalala sa mga responsibilidad nila sa tahanan. Samantalang ang mga katungkulan, susi, tungkulin, at korum ng priesthood ay nilayon upang mapadakila ang mga pamilya.16 Ibinalik ang priesthood upang mabuklod sa kawalang-hanggan ang mga pamilya. Kaya mga kapatid, ang pinakaunang tungkulin ninyo sa priesthood ay pangalagaan ang pagsasama ninyong mag-asawa—alagaan, igalang, maging mapitagan, at mahalin ang inyong asawa. Maging isang pagpapala sa kanya at sa inyong mga anak.
II. Pagpapatibay ng Kasal
Habang nasa isip ang mga pundasyong ito sa doktrina, pag-usapan natin ang ikalawang hakbang—mga partikular na hakbang na magpapatibay sa kasal. Magmumungkahi ako ng mga halimbawa at aanyayahan ang bawat mag-asawa na pagnilay-nilayin at ipamuhay nila ito anuman ang kanilang kalagayan, kung kailangan.
May tatlong pandiwa sa mga mungkahi ko: magpahalaga, makipag-usap, at magmuni-muni.
Ang magpahalaga—ang pagsasabi ng “mahal kita” at “salamat”—ay hindi mahirap. Pero ang pagpapahayag na ito ng pagmamahal at pagpapahalaga ay higit pa sa pagkilala sa mabuting kaisipan o gawa. Tanda ito ng magiliw na paggalang. Sa paghahanap ng mga mag-asawa ng kabutihan sa isa’t isa at sa taos na pagpuri sa isa’t isa, pagsisikapan nila na maging karapat-dapat sa mga papuring iyon.
Ikalawang mungkahi—ang makipag-usap nang maayos sa inyong asawa—ay mahalaga rin. Kasama sa mabuting pag-uusap ang pag-uukol ng oras para magplano nang magkasama. Kailangang magkasarilinan ang mag-asawa upang masdan, kausapin, at pakinggan ang bawat isa. Kailangan nilang magtulungan—tulungan ang isa’t isa bilang pantay na magkatuwang. Kailangan nilang pangalagaan ang kanilang espirituwal at pisikal na intimasiya. Dapat nilang sikaping iangat at hikayatin ang isa’t isa. Napapanatili ang pagkakaisa ng mag-asawa kapag kapwa nila naunawaan ang mga mithiin. Gumaganda rin ang ugnayan sa pamamagitan ng pagdarasal. Kapag binanggit sa panalangin ang mabuting ginawa (o pangangailangan) ng asawa, lalong nagkakalapit ang mag-asawa.
Ang ikatlong mungkahi ko ay magmuni-muni o contemplate. Malalim ang kahulugan ng salitang ito. Nagmula ito sa salitang Latin na con-, na ibig sabihin ay “kasama,” at-templum, na ibig sabihin ay puwang o lugar upang magnilay-nilay. Dito nanggaling ang katagang templo. Kung madalas magmuni-muni ang mga mag-asawa—nang magkasama sa templo—higit na naaalala at natutupad ang mga sagradong tipan. Tumitibay ang kasal at lumalakas ang pananampalataya ng pamilya sa pamamagitan ng madalas na paglilingkod sa templo at regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya. Sa pagmumuni-muni ay umaasa at tumutugma (o umaakma) ang damdamin ng mga tao sa isa’t isa at sa Panginoon. Mapagyayaman ng pagmumuni-muni kapwa ang kasal at ang kaharian ng Diyos. Sabi ng Panginoon, “Huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”17
Inaanyayahan ko ang bawat mag-asawa na pag-isipan ang mga mungkahing ito at alamin ang mga natatanging mithiin na mangangalaga sa inyong relasyon mismo. Magsimula sa taos na hangarin. Tukuyin ang mga kailangang gawin upang mapagpala ang inyong espirituwal na pagsasama at layunin. Higit sa lahat, huwag maging makasarili! Kalimutan ang sarili at maging mapagbigay. Ipagdiwang at gunitain ang bawat araw ng pagsasama bilang mahalagang kaloob ng langit.
Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na “ang pinakamahalagang magagawa natin sa gawain ng Panginoon ay sa loob ng sarili nating tahanan.”18 At ipinahayag ni Pangulong David O. McKay na, “Walang ibang tagumpay na makakapuno sa pagkukulang sa tahanan.”19
Kapag nakilala ninyong mag-asawa ang banal na layon sa inyong pagsasama—kapag lubos ninyong nadama na pinagsama kayo ng Diyos—lalawak ang inyong pananaw at mag-iibayo ang inyong pang-unawa. Ang damdaming iyon ay ipinahayag sa mga titik ng awiting matagal ko nang paborito:
Dahil, ika’y lumapit, alay ay pag-ibig,
Hawak ang kamay ko, itinuon ako sa langit,
Pag-asa’t galak ko’y humigit,
Dahil ika’y lumapit.
Dahil ako’y magiliw mong kausap,
Samyo ng rosas aking nalanghap,
At sa ‘yo’y naakay ng luha’t galak,
Dahil ako’y iyong kausap.
Dahil bigay ka ng Diyos sa akin, akin kang iibigin,
Sa buong panahon sa liwanag at dilim,
Ating pag-ibig dalangin ko’y pabanalin,
Dahil bigay ka ng Diyos sa akin.20
Na ang bawat kasal ay mapangalagaan sa gayong paraan ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.