2006
Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu
Mayo 2006


Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu

Dapat sikapin din nating malaman kung “inilalayo [natin] ang sarili sa Espiritu ng Panginoon,” … [at] makinig at matuto sa mga pagpili at impluwensiyang naglalayo sa atin sa Espiritu Santo.

Ngayon, ang sasabihin ko ay isang paalaala at payo para sa atin na mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinagdarasal ko at inaanyayahan ang Espiritu na tulungan tayo habang sama-sama tayong natututo.

Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng kasalanan “ang panimulang ordenansa ng ebanghelyo” ni Jesucristo at dapat pangunahan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at ng tapat at buong pagsisisi. “Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig … ay kinakailangang masundan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo upang malubos” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibinyag,” pp. 176–77). Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). Ang mensahe ko ngayong hapon ay nakatuon sa pagbibinyag ng Espiritu at sa mga pagpapalang dumadaloy mula sa pagsama ng Espiritu Santo.

Ang Ordenansa at Tipan na Kaakibat ng Binyag

Nang mabinyagan ang bawat isa sa atin, pumasok tayo sa sagradong pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit. Ang tipan ay kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak sa mundo, at mahalagang maunawaan na ang Diyos ang nagpapasiya ng mga kundisyon ng lahat ng tipan ng ebanghelyo. Ikaw at ako ay hindi nagpapasiya sa mga katangian o nilalaman ng tipan. Bagkus, sa paggamit ng ating kalayaan, tinatanggap natin ang mga hinihingi niyang gawin sa mga tipan ayon sa pagkakatatag ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” p. 248).

Ang nakapagliligtas na ordenansa ng binyag ay kailangang pangasiwaan ng isang taong may wastong awtoridad mula sa Diyos. Ang mga pangunahing kundisyon ng tipan na ginawa natin sa mga tubig ng binyag ay ito: patunayan na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi natin Siyang aalalahanin, at susundin natin ang Kanyang mga utos. Ang ipinangakong pagpapala sa pagtupad sa tipan na ito ay nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa D at T 20:77). Sa madaling salita, ang binyag sa pamamagitan ng tubig ay nagbibigay-daan sa awtorisadong oportunidad na laging makapiling ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.

Kumpirmasyon at Pagbibinyag ng Espiritu

Kasunod ng ating binyag, bawat isa sa atin ay napatungan sa ating ulunan ng mga kamay ng may awtoridad ng priesthood at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at naigawad sa atin ang Espiritu Santo (tingnan sa D at T 49:14). Ang pahayag na “[tanggapin] ang kaloob na Espiritu Santo” sa ating kumpirmasyon ay isang utos na sikaping matamo ang pagbibinyag ng Espiritu.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Mas mabuti pang magbinyag ka na lang ng supot ng buhangin kaysa tao, kung hindi ito gagawin para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagtatamo ng Espiritu Santo. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig ay kalahati pa lang ng binyag, at wala itong kabuluhan kung wala ang kalahati—ibig sabihin ang pagbibinyag ng Espiritu Santo” (History of the Church, 5:499). Nabinyagan tayo sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Kailangan din tayong mabinyagan ng at mailubog sa Espiritu ng Panginoon, “at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:17).

Kapag nadama na natin ang Espiritu Santo, nalalaman natin na ang tindi ng impluwensya ng Espiritu sa atin ay hindi laging pareho. Hindi madalas dumating sa atin ang malakas, madula at espirituwal na impresyon. Kahit sikapin nating maging tapat at masunurin, talagang may mga panahong hindi natin kaagad makikilala sa buhay natin ang patnubay, katiyakan, at kapayapaang hatid ng Espiritu. Katunayan, inilalarawan sa Aklat ni Mormon ang matatapat na Lamanita na “nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito” (3 Nephi 9:20).

Ang impluwensya ng Espiritu Santo ay inilarawan sa mga banal na kasulatan bilang “marahang bulong” (I Mga Hari 19:12; tingnan din sa 3 Nephi 11:3) at isang “tinig nang ganap na kahinahunan” (Helaman 5:30). Sa gayon, ang Espiritu ng Panginoon ay karaniwang nakikipag-ugnayan sa atin sa tahimik, mahina, at marahang mga paraan.

Paglayo Natin sa Espiritu ng Panginoon

Sa kani-kanya nating pag-aaral at sa klase, paulit-ulit nating binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkilala sa inspirasyon at mga panghihikayat na natatanggap natin mula sa Espiritu ng Panginoon. At tama at kapaki-pakinabang ang gayong pamamaraan. Dapat masigasig nating kilalanin at sundin ang mga panghihikayat kapag dumating ito sa atin. Gayunman, ang mahalagang aspeto ng pagbibinyag ng Espiritu ay maaaring madalas makaligtaan sa ating espirituwal na pag-unlad.

Dapat sikapin din nating malaman kung “inilalayo [natin] ang sarili sa Espiritu ng Panginoon, upang yaon ay mawalan ng puwang sa [atin] na [tayo] ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang [tayo] ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan” (Mosias 2:36). Kaya nga ang pangakong pagpapala ay nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu, dapat tayong makinig at matuto sa mga pagpili at impluwensyang naglalayo sa atin sa Espiritu Santo.

Malinaw ang pamantayan. Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon. Dahil itinataboy natin ang Espiritu ng Panginoon kapag ginagawa natin ang mga aktibidad na alam nating dapat iwasan, at dahil dito’y talagang hindi para sa atin ang mga bagay na iyon.

Alam ko na tayo ay mga taong nagkakasala na nabubuhay sa daigdig na ito at maaaring wala sa atin ang Espiritu Santo sa bawat segundo ng bawat minuto ng bawat oras ng bawat araw. Gayunman, maaaring manatili sa atin ang Espiritu Santo nang madalas, kung hindi man halos sa lahat ng oras—at tiyak na mas mapapasaatin ang Espiritu kaysa hindi. Sa pag-uukol natin ng ibayong pansin sa Espiritu ng Panginoon, dapat nating sikaping matukoy ang pagdating ng mga paramdam at impluwensya o pangyayaring naglalayo sa atin sa Espiritu Santo.

Ang pagtanggap sa “Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (D at T 45:57) ay posible at mahalaga para sa ating espirituwal na pag-unlad at pagkaligtas sa patuloy na pagsama ng daigdig. Kung minsan bilang mga Banal sa mga Huling Araw nagsasalita at kumikilos tayo na para bang pambihira o kakaiba ang makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Dapat nating tandaan, gayunman, na ang pangako ng tipan ay nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu. Angkop ang dakilang pagpapalang ito sa bawat miyembro ng Simbahan na nabinyagan, nakumpirma, at nasabihang “tanggapin ang Espiritu Santo.”

Ang Liahona bilang Halimbawa at Kahalintulad ng Ating panahon

Sa ating panahon ang Aklat ni Mormon ang pangunahing mapagkukunan natin ng tulong para malaman kung paano maaanyayahan ang palaging pagsama ng Espiritu Santo. Ang paglalarawan ng Aklat ni Mormon sa Liahona, ang gabay o kompas na ginamit nina Lehi at ng kanyang pamilya sa paglalakbay nila sa ilang, ay talagang isinama sa talaan bilang halimbawa at kahalintulad ng ating panahon at bilang mahalagang aralin tungkol sa dapat nating gawin upang matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu Santo.

Sa pagsisikap nating iayon sa kabutihan ang ating pag-uugali at pagkilos, ang Espiritu Santo ang siyang parang Liahona natin ngayon katulad noong panahon ni Lehi at ng kanyang pamilya. Ang mismong mga bagay na nagpagalaw sa Liahona para kay Lehi ang mismong mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating buhay. At mismong ang mga bagay na nagpahinto sa paggalaw ng Liahona noon ang siya ring nagiging sanhi ng paglayo natin sa Espiritu Santo ngayon.

Ang Liahona: mga Layunin at Alituntunin

Habang pinag-aaralan at iniisip natin ang tungkol sa mga layunin ng Liahona at mga alituntuning nagpapagalaw rito, pinatototohanan ko na tatanggap tayo ng inspirasyong angkop sa mga kalagayan at pangangailangan natin at ng ating pamilya. Mapagpapala at pagpapalain tayo ng patuloy na patnubay mula sa Espiritu Santo.

Ang Liahona ay inihanda ng Panginoon at ibinigay kay Lehi at sa kanyang pamilya matapos nilang lisanin ang Jerusalem at maglakbay sa ilang (tingnan sa Alma 37:38; D at T 17:1). Itinuro ng kompas o gabay na ito ang daang dapat tahakin ni Lehi at ng kanyang pangkat (tingnan sa 1 Nephi 16:10) maging “sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako” (Alma 37:44). Ang mga panuro sa Liahona ay gumalaw “alinsunod sa pananampalataya at pagsisikap at pagsunod” (1 Nephi 16:28) ng mga manlalakbay at humihinto tuwing nagtatalo, lumalapastangan, tamad, o nakalilimot ang mga miyembro ng pamilya (tingnan sa 1 Nephi 18:12, 21; Alma 37:41, 43).

Ang kompas din ang nagbigay-daan para matamo ni Lehi at ng kanyang pamilya ang higit na “pang-unawa sa mga pamamaraan ng Panginoon” (1 Nephi 16:29). Sa gayon, ang mga pangunahing layunin ng Liahona ay maglaan ng direksyon at tagubilin sa mahaba at mahirap na paglalakbay. Ang gabay ay pisikal na instrumentong nagsilbing panlabas na palatandaan ng kanilang panloob na espirituwal na katayuan sa harap ng Diyos. Gumalaw ito ayon sa mga alituntunin ng pananampalataya at pagsisikap.

Tulad ng pagpapala kay Lehi noong unang panahon, bawat isa sa atin ay nabigyan ng espirituwal na kompas na siyang papatnubay at magtuturo sa atin habang narito tayo sa lupa. Iginawad sa atin ang Espiritu Santo noong isinilang tayo sa mundo at nang sumapi tayo sa Simbahan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon. Sa pamamagitan ng awtoridad ng banal na priesthood nakumpirma tayong mga miyembro ng Simbahan at pinayuhang hangarin ang palagiang pagsama ng “Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo” (Juan 14:17).

Sa patuloy na pagsulong natin sa landas ng buhay, tumatanggap tayo ng patnubay mula sa Espiritu Santo tulad nang gabayan si Lehi sa pamamagitan ng Liahona. “Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).

Kumikilos ang Espiritu Santo sa ating buhay katulad mismo ng ginawa ng Liahona para kay Lehi at sa kanyang pamilya, alinsunod sa ating pananampalataya at pagsisikap at pagsunod.

“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos… .

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan” (D at T 121:45–46).

At ang Espiritu Santo ay naglalaan sa atin ngayon ng pamamaraan kung paano tayo makatatanggap, sa pamamagitan ng maliliit at simpleng bagay (Alma 37:6), ng ibayong pag-unawa tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon: “Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26).

Ang Espiritu ng Panginoon ay maaari nating maging gabay at bibiyayaan tayo nito ng patnubay, tagubilin, at espirituwal na proteksyon sa ating buhay sa lupa. Inaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating buhay sa pamamagitan ng makahulugang panalanging personal at pampamilya, pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo, masikap at wastong pagsunod, katapatan at pagtupad sa mga tipan, at sa mabuting asal, kapakumbabaan, at paglilingkod. At dapat ay matatag nating iwasan ang mga bagay na mahalay, malaswa, lapastangan, makasalanan, o masama na naglalayo sa atin sa Espiritu Santo.

Inaanyayahan din natin ang patuloy na pagsama ng Espiritu Santo kapag marapat tayong nakikibahagi ng sakrament tuwing araw ng Sabbath: “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid- dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw” (D at T 59:9).

Sa pamamagitan ng ordenansa ng sakrament pinaninibago natin ang ating tipan sa binyag at matatanggap at mapananatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 4:12, 26). Bukod pa riyan, linggu-linggo tayong pinaaalalahanan ng pangakong nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu. Kapag sinisikap nating panatilihing malinis at walang bahid-dungis ang ating sarili mula sa sanlibutan, nagiging karapat-dapat tayong sisidlan na laging matatahanan ng Espiritu ng Panginoon.

Noong Pebrero 1847 nagpakita si Propetang Joseph Smith kay Brigham Young sa isang panaginip o pangitain. Tinanong ni Pangulong Young ang Propeta kung may mensahe siya para sa mga Kapatid. Sumagot si Propetang Joseph: “Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat, at tiyaking nasa kanila ang espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa kanila ang kanilang gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian” (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 47; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa lahat ng katotohanang maaaring ituro ni Propetang Joseph kay Brigham Young sa sagradong okasyong iyon, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtatamo at pagpapanatili ng Espiritu ng Panginoon.

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na buhay ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesuscristo at ang Espiritu Santo. Nawa’y mamuhay nang gayon ang bawat isa sa atin nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu, at sa gayon ay maging marapat tayong mabiyayaan ng patnubay, tagubilin, at proteksyon na mahalaga sa mga huling araw na ito. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.