2006
Ang Masaganang Buhay
Mayo 2006


Ang Masaganang Buhay

Ang masaganang buhay ay abot-kamay natin kung sagana lang tayong iinom ng tubig na buhay, pupuspusin ang ating puso ng pagmamahal, at gagawing obramaestra ang ating buhay.

Huli na si Harry de Leyer sa subasta ng maniyebeng araw na iyon noong 1956, at naibenta na ang lahat ng kabayong magaganda. Ang iilang natira ay matatanda at napakinabangan na nang husto at nabili na ng isang kumpanyang kakatay sa mga ito.

Paalis na si Harry, ang guro sa pangangabayo sa paaralang pambabae sa New York, nang isa sa mga kabayong ito—isang hindi inalagaan, kulay-abong kinapon na may mga sugat sa binti—ang napansin niya. May makikita pang mga marka ng pamatok gawa ng mabigat na pagtatrabaho ng hayop, tanda ng hirap na pinagdaanan nito. Ngunit may bagay na napansin dito si Harry, kaya nag-alok siya ng $80 para dito.

Umuulan ng niyebe nang unang makita ng mga anak ni Harry ang kabayo at, dahil balot ng niyebe ang likod ng kabayo, pinangalanan nila itong “Snowman.”

Inalagaang mabuti ni Harry ang kabayo na lumabas na mabait at maaasahang kaibigan—isang kabayong gustong sakyan ng mga batang babae dahil hindi ito malikot at hindi magugulating gaya ng iba. Sa katunayan, napakabilis gumaling ni Snowman kaya binili siya ng kapitbahay nang doble sa dating ibinayad ni Harry.

Ngunit laging nawawala si Snowman sa damuhan ng kapitbahay—kung minsan ay napupunta ito sa kalapit na taniman ng patatas, kung minsan naman bumabalik kina Harry. Mukhang tinatalon ng kabayo ang bakod sa pagitan ng mga lote, pero imposible yata—kahit kailan hindi nakita ni Harry si Snowman na tinalon ang anumang bagay na mas mataas pa sa nakatumbang troso.

Ngunit sa bandang huli, naubos ang pasensya ng kapitbahay, at pilit na ibinabalik kay Harry ang kabayo.

Maraming taon na pinangarap ni Harry na magkaroon ng kabayong kampeon sa pagtalon. Medyo nagtagumpay na siya dati, pero para makasali sa pinakamatinding paligsahan, batid niya na kailangan niyang bumili ng isang kabayong pedigree na talagang tinuruang tumalon. At hindi niya kayang bilhin ang gayong uri ng pedigree.

Tumatanda na si Snowman—walong taong gulang na ito nang bilhin ni Harry—at hindi maganda ang naging pagtrato rito. Pero mukha namang gustong tumalon ni Snowman, kaya ipinasiya ni Harry na subukan ang kakayahan nito.

Nakita ni Harry na baka nga kayang makipagpaligsahan ng kanyang kabayo.

Noong 1958, isinali ni Harry si Snowman sa una nitong paligsahan. Nakasama ni Snowman ang magagandang turuan, at kampeong kabayo, at mukhang hindi siya talagang nababagay roon. Ang tawag ng ibang mga nagtuturo ng kabayo kay Snowman ay “mapulgas.”

Pero kamangha-mangha at di kapani-paniwala ang nangyari sa araw na iyon.

Nanalo si Snowman!

Patuloy na isinali ni Harry si Snowman sa ibang paligsahan, at patuloy itong nananalo.

Nagsisigawan ang mga manonood tuwing mananalo si Snowman. Naging simbolo ito ng pagiging pambihira ng isang ordinaryong kabayo. Lumabas ito sa telebisyon. Sumulat ng mga kuwento at aklat tungkol sa kanya.

Habang patuloy sa pananalo si Snowman, isang mamimili ang nag-alok ng $100,000 para sa matandang kabayo, pero hindi ito ibinenta ni Harry. Noong 1958 at 1959, naging “Kabayo ng Taon” si Snowman. Sa bandang huli, ang kulay-abong kabayong kinapon—na minsaipinagbili sa mababang halaga sa tumatawad—ay iniluklok sa Hall of Fame ng mga kabayong mahusay tumalon.1

Para sa marami, higit pa sa kabayo si Snowman. Naging halimbawa ito ng tago at di pa natutuklasang potensyal na nasa kalooban ng bawat isa sa atin.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang maraming magagaling na tao mula sa maraming katayuan sa buhay. May nakilala akong mayaman at mahirap, tanyag at karaniwan, matalino at hindi.

Ang ilan ay masyadong malungkot; ang iba ay kakikitaan ng kapayapaan ng kalooban. Ang ilan ay pilit itinatago ang di-maalis na kapaitang nadarama, habang ang iba ay nagniningning sa di mapigil na kaligayahan. Ang ilan ay mukhang talunan, habang ang iba—kahit naghihirap—ay nadaig ang kawalang-pag-asa at kabiguan.

Narinig ko na ang reklamo ng ilan, marahil ay pabiro, na ang tanging masaya ay ang taong hindi lubos na nauunawaan kung ano ang nangyayari sa paligid nila.

Pero iba ang paniniwala ko.

Marami akong kakilala na nabubuhay nang may galak at maligaya.

Marami akong kakilala na masagana ang buhay.

At naniniwala akong alam ko ang dahilan.

Ngayon, gusto kong ilista ang ilang katangiang karaniwang makikita sa maliligayang taong kilala ko. Ito’y mga katangiang maaaring magpasigla at magpasagana sa ordinaryong pamumuhay.

Una, sagana silang umiinom ng tubig na buhay.

Itinuro ng Tagapagligtas na “ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; … [dahil ito’y] magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”2

Kung ganap na naunawaan at tinanggap, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapagaling ng mga pusong nasaktan, nagbibigay ng kahulugan sa buhay, nagbibigkis ng mga mahal sa buhay na magpapatuloy sa kabilang buhay, at nagdudulot ng lubos na kagalakan sa buhay.

Sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow, “Hindi ibinigay sa atin ng Panginoon ang ebanghelyo para magdalamhati lamang habambuhay.”3

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi isang relihiyon ng pagdadalamhati at lumbay. Ang relihiyon ng ating mga magulang ay relihiyon ng pag-asa at kagalakan. Hindi ito ebanghelyo na nagbabawal kundi ebanghelyong nagpapalaya.

Kapag tinanggap ito nang lubos tayo ay mapupuspos ng pagkamangha at mabubuhay nang may sigla at liwanag. Ipinahayag ng ating Tagapagligtas, “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.”4

Hanap ba ninyo ang kapayapaan ng isipan?

Uminom nang sagana sa tubig na buhay.

Hanap ba ninyo ang kapatawaran? Kapayapaan? Pag-unawa? Kagalakan?

Uminom nang sagana sa tubig na buhay.

Ang masaganang buhay ay buhay na espirituwal. Napakaraming taong ayaw magpakabusog sa ebanghelyo ni Jesucristo at tinitikman lang ang pagkain sa harapan nila. Ginagawa nila ang nakagawian—siguro dumadalo sa mga miting, pabasa-basa nang kaunti sa mga banal na kasulatan, paulit-ulit sa pananalangin—ngunit malayo ang mga puso nila. Kung magiging tapat sila, aaminin nilang mas interesado sila sa pinakahuling tsismis sa kapitbahay, sa galaw ng stock market, at sa paborito nilang palabas sa TV, kaysa sa mga kahanga-hangang himala at magiliw na pagmiministeryo ng Banal na Espiritu.

Nais ba ninyong makibahagi rito sa tubig na buhay at madama ang banal na balon na iyon na bumubukal sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan?

Kung gayon ay huwag matakot. Maniwala nang buong puso. Magkaroon ng matatag sa pananalig sa Anak ng Diyos. Hayaang manalangin nang taimtim ang inyong puso. Puspusin ang inyong isipan ng kaalaman tungkol sa Kanya. Talikuran ang inyong mga kahinaan. Mabuhay sa kabanalan at sundin ang mga utos.

Uminom nang sagana sa tubig na buhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang ikalawang katangian ng mga taong masagana ang buhay ay pinupuspos nila ng pag-ibig ang kanilang puso.

Pag-ibig ang diwa ng ebanghelyo at pinakadakila sa lahat ng utos. Itinuro ng Tagapagligtas na bawat utos at turo ng propeta ay nakabatay rito.5 Isinulat ni Apostol Pablo na “ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin [ninyo] ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.”6

Madalas ay hindi natin alam ang nararating ng simpleng kabaitan. Si Propetang Joseph Smith ay huwaran ng habag at pagmamahal. Isang araw, isang grupo ng walong African-American ang dumating sa tahanan ng Propeta sa Nauvoo. Naglakbay sila mula sa kanilang tahanan sa Buffalo, New York, mga walong daang milya ang layo para makapiling ang propeta ng Diyos at ang mga Banal. Kahit malaya sila, napilitan silang magtago sa mga taong maaaring mag-akala na sila ay mga takas na alipin. Tiniis nila ang lamig at hirap, nasira ang mga suot na sapatos at medyas hanggang sa nakapaa na lang silang naglalakad papunta sa Lungsod ni Joseph. Pagdating nila sa Nauvoo, tinanggap sila ng Propeta sa tahanan nito at tinulungan ang bawat isa sa kanila na makahanap ng matitirhan.

Ngunit may isang batang babae na ang pangalan ay Jane na walang mauwian, at umiyak ito, dahil hindi niya alam ang gagawin.

“Hindi natin ito iiyakan,” sabi ni Joseph sa kanya. Bumaling siya kay Emma at sinabing, “Heto ang isang batang babaeng nagsasabing [wala siyang] tahanan. Palagay mo ba wala siyang tahanan dito?”

Sumang-ayon si Emma. Mula nang araw na iyon, naging kapamilya na si Jane.

Maraming taon matapos ang Pagpaslang sa Propeta at matapos sumama si Jane sa mga pioneer at naglakbay nang matagal papunta sa Utah, sinabi niya na kung minsan ay “nagigising [pa rin siya] sa hatinggabi at iniisip lang sina Brother Joseph at Sister Emma at kung gaano sila kabait sa akin. Si Joseph Smith,” sabi niya, “ang pinakamabuting taong nakilala ko sa Mundo.”7

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang mga tumutulong para mapasigla at mapaglingkuran ang iba, “ay madarama ang kaligayahang … hindi [nila] nadama kailanman… . Batid ng Langit na talagang napakaraming tao sa mundong ito na nangangailangan ng tulong. Ah, napaka … rami. Alisin natin, mga kapatid, sa ating buhay ang masama, at makasariling pag-uugaling nakakasira ng kaluluwa, at sikapin pang maglingkod sa iba kaysa rati.”8

Lahat tayo ay abala. Madaling humanap ng mga dahilan sa hindi pagtulong sa iba, ngunit naiisip ko na wala itong saysay sa ating Ama sa Langit tulad ng batang nasa elementarya na nag-abot ng liham sa kanyang guro na humihingi ng paumanhin sa pagliban mula Marso 30 hanggang 34.

Ang mga nag-uukol ng kanilang buhay sa pagkakamit ng makasarili nilang mga hangarin nang hindi iniisip ang iba ay matutuklasan na, sa huli, ay mababaw ang kagalakan nila at walang kabuluhan ang kanilang buhay.

Sa lapida ng isang taong ganito ay nakalilok ang pahimakas na ito:

“Dito nakahimlay ang gahamang makasarili,

Na walang ginawa kundi magtipon ng salapi,

Ngayon, saan man siya naroon, anuman ang nangyari,

Walang nakaaalam, wala silang paki.”9

Pinakamaligaya tayo kapag nakikipag-ugnayan tayo sa iba sa di- makasariling pagmamahal at paglilingkod. Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark na “walang higit na pagpapala, walang mas dakilang kagalakan at kaligayahan tayong madarama maliban sa nagmumula sa pagpapagaan ng pasanin ng iba.”10

Ang ikatlong katangian ng mga taong masagana ang buhay ay, sa tulong ng kanilang Ama sa Langit, ginagawa nilang isang obramaestra ang kanilang buhay.

Anuman ang ating edad, kalagayan, o kakayahan, bawat isa sa atin ay makalilikha ng isang bagay na kakaiba sa kanyang buhay.

Pastol ang tingin ni David sa kanyang sarili, pero hari ng Israel ang tingin sa kanya ng Panginoon. Nagsilbi si Jose ng Egipto bilang alipin, ngunit tagakita ang tingin sa kanya ng Panginoon. Nagsuot si Mormon ng baluti ng isang kawal, ngunit propeta ang tingin sa kanya ng Panginoon.

Tayo ay mga anak ng isang imortal, mapagmahal, at makapangyarihang Ama sa Langit. Nilikha tayo mula sa alabok ng kawalang-hanggan tulad ng pagkalikha sa atin mula sa alabok ng lupa. Lahat tayo ay may potensyal na halos wala sa ating hinagap.

Isinulat ni Apostol Pablo, “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”11

Paano nangyari ngayon na ang tingin ng napakarami sa sarili nila ay matandang kabayong kulay-abo na walang gaanong silbi? May kislap ng kadakilaan sa ating lahat—isang kaloob mula sa ating mapagmahal at walang hanggang Ama sa Langit. Nasa atin na kung ano ang gagawin natin sa kaloob na iyon.

Ibigin ninyo ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Makibahagi sa dakila at mararangal na mithiin. Gawing kanlungan ng kabanalan at kalakasan ang inyong tahanan. Gampanang mabuti ang mga tungkulin ninyo sa Simbahan. Punuin ng kaalaman ang inyong isipan. Palakasin ang inyong patotoo. Tulungan ang iba.

Gawing isang obramaestra ang inyong buhay.

Mga kapatid, ang masaganang buhay ay hindi dumarating sa atin nang nakabalot na at handa na. Hindi ito isang bagay na maaari nating bilhin at asahang maihatid sa hapon. Hindi ito nakakamtan nang walang paghihirap o kalungkutan.

Dumarating ito sa pamamagitan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. At dumarating ito sa mga taong nauunawaan, sa kabila ng hirap at pasakit, ang mga salita ng isang manunulat na nagsabing, “Sa pinakamatinding pagsubok sa buhay ko, natuklasan ko rin sa wakas na ako’y may matibay na pag-asa.”12

Ang masaganang buhay ay hindi isang bagay na nararating natin. Sa halip, ito ay dakilang paglalakbay na nagsimula noon pa man at hinding-hindi magwawakas.

Isa sa malalaking kaaliwan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang ating kaalaman na ang buhay na ito sa mundo ay tila isang kisap-mata lang ng kawalang-hanggan. Nagsisimula man tayo sa paglalakbay sa buhay na ito o patapos na, ang buhay na ito’y isang hakbang pa lamang—isang maliit na hakbang.

Ang paghahanap natin sa masaganang buhay ay hindi limitado sa buhay na ito; totoong mauunawaan lamang ang wakas mula sa pananaw ng kawalang-hanggan na nakalatag nang walang katapusan sa ating harapan.

Mga kapatid, sa paghahangad ng masaganang buhay natin matatagpuan ang ating tadhana.

Tulad ng inilarawan sa kuwento ng matandang isinubastang kabayo na may kaluluwa ng isang kampeon, mayroon din ang bawat isa sa atin ng banal na kislap ng kadakilaan. Sino ang nakaaalam ng kaya nating gawin kung hindi natin susubukan? Ang masaganang buhay ay abot-kamay natin kung sagana lang tayong iinom ng tubig na buhay, pupuspusin ang ating puso ng pagmamahal, at gagawing isang obramaestra ang ating buhay.

Nawa’y gawin natin ito ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Tingnan sa Rutherford George Montgomery, Snowman (1962).

  2. Juan 4:14.

  3. Teachings of Lorenzo Snow, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 61.

  4. Juan 10:10.

  5. Tingnan sa Mateo 22:40.

  6. Mga Taga Galacia 5:14.

  7. Neil K. Newell, “Joseph Smith Moments: Stranger in Nauvoo,” Church News, Dis. 31, 2005, 16.

  8. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 597.

  9. Sa Obert C. Tanner, Christ’s Ideals for Living (manwal sa Sunday School, 1955), 266.

  10. “Fundamentals of the Church Welfare Plan,” Church News, Mar. 2, 1946, 9.

  11. I Mga Taga Corinto 2:9.

  12. Albert Camus, sa Familiar Quotations, tinipon ni John Bartlett, ika-16 na edisyon (1980), 732.