Ang Pangangailangan sa Malaking Kabutihan
Bakit kailangan pa nating maging salbahe at masama sa iba? Bakit hindi natin kaibiganin ang mga nasa paligid natin?
Si Brother Monson ay isang taong napakahirap sundan. Mapagbiro siya subalit napakatapat.
Salamat, mga kapatid, sa inyong pananampalataya at panalangin. Lubos kong pinasasalamatan ang mga iyon.
Kapag tumatanda na ang isang tao nagiging mas magiliw na siya, mas mabait. Madalas kong maisip ito nitong huli. Nagtataka ako kung bakit napakaraming pagkamuhi sa mundo. Naging bahagi tayo ng kakila-kilabot na mga digmaang kumitil ng maraming buhay at sumugat sa marami. Sa mismong tahanan natin, sobra ang selosan, pagmamalaki, kayabangan, sisihan; mga amang nagagalit sa mumunti at balewalang mga bagay at pinaiiyak ang mga asawa at tinatakot ang mga anak.
Nagkakaroon pa rin ng alitan ng lahi. Balita ko ay kahit dito mismo sa atin na mga miyembro ng Simbahan ay mayroong ganito. Hindi ko maunawaan kung paano ito nangyayari. Mukha namang nagalak tayong lahat noong 1978 sa paghahayag na ibinigay ni Pangulong Kimball. Naroon ako sa templo nang mangyari iyon. Walang alinlangan sa isipan ko o sa mga kasama ko na ang pahayag na iyon ay isipan at kalooban ng Panginoon.
Ngayon naman nabalitaan ko na kung minsan ay nariringgan tayo ng mga panlalait at paghamak sa ibang lahi. Ipinaaalala ko sa inyo na walang sinumang nanlalait sa ibang lahi ang maituturing ang kanyang sarili na tunay na disipulo ni Cristo. Ni hindi niya maituturing ang kanyang sarili na nakaayon sa mga turo ng Simbahan ni Cristo. Paano masasabi nang buong yabang ng sinumang lalaking maytaglay ng Melchizedek Priesthood na karapat-dapat siya sa priesthood ngunit hindi karapat-dapat ang isang taong namumuhay nang matwid pero iba ang kulay ng balat?
Sa buong paglilingkod ko bilang miyembro ng Unang Panguluhan, natukoy ko at ilang beses na nabanggit ang pagkakaibang nakikita natin sa ating lipunan. Nakapalibot ito sa atin, at dapat nating sikaping tanggapin ang pagkakaibang iyon.
Tanggapin nating lahat na bawat isa sa atin ay anak na lalaki o babae ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa lahat ng Kanyang mga anak.
Mga kapatid, walang batayan ang pagkamuhi sa ibang lahi sa priesthood ng Simbahang ito. Kung may nakakarinig sa aking sinuman na mahilig gumawa nito, hayaan siyang lumapit sa Panginoon at humingi ng tawad at huwag nang masangkot pa sa ganito.
May natatanggap akong mga liham paminsan-minsan na nagmumungkahi ng mga bagay na sa palagay ng mga sumulat ay dapat talakayin sa kumperensya. Isa rito ang dumating noong isang araw. Mula ito sa isang babaeng nagpahiwatig na nagdiborsyo sila ng una niyang asawa. May nakilala siyang lalaking mukha namang napakabait at maunawain. Gayunman, natuklasan niya matapos silang ikasal na hindi ayos ang pananalapi nito; halos wala itong pera, pero nagbitiw pa rin ito sa trabaho at ayaw nang magtrabaho. Napilitan tuloy siyang magtrabaho para buhayin ang pamilya.
Lumipas ang mga taon, at wala pa rin itong trabaho. Binanggit naman niya ang dalawa pang lalaking ganoon din ang ginagawa, ayaw magtrabaho kaya napipilitang magtrabaho nang mahabang oras ang kanilang mga asawa para buhayin ang kanilang pamilya.
Sabi ni Pablo kay Timoteo, “Datapuwa’t kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya” (I Kay Timoteo 5:8). Malupit ang mga salitang iyon.
Sinabi ng Panginoon sa makabagong paghahayag:
“Ang mga babae ay may karapatan sa kanilang mga asawa para sa kanilang ikabubuhay, hanggang sa ang kanilang mga asawa ay kunin… .
“Lahat ng anak ay may karapatan sa kanilang mga magulang para sa kanilang ikabubuhay hanggang sa sila ay sumapit sa hustong gulang” (D at T 83:2, 4).
Noon pang nagsisimula ang Simbahang ito, mga lalaki na ang siyang bumubuhay sa pamilya. Naniniwala ako na hindi maituturing na karapat-dapat na miyembro ang sinumang lalaking ayaw magtrabaho para buhayin ang kanyang pamilya kung kaya naman niya.
Ngayon sinabi ko kanina na hindi ko alam kung bakit napakaraming alitan at pagkamuhi at kapaitan sa mundo. Siyempre pa, alam ko na lahat ng ito ay gawain ng kaaway. Iniisa-isa niya tayo. Sinisira niya ang matatatag na lalaki. Mula pa nang itatag ang Simbahang ito ay ginagawa na niya ito. Sinabi ito ni Pangulong Wilford Woodruff:
“Nakita ko si Oliver Cowdery noong nasa kanya pa ang kapangyarihan ng Diyos. Wala pa akong napakinggan na nagbahagi ng malakas na patotoo tulad ng ginawa niya noong nasa kanya pa ang impluwensya ng Espiritu. Ngunit nang sandaling iwan niya ang kaharian ng Diyos, ay iyon na rin ang sandali ng pagbagsak ng kanyang kapangyarihan… . Nawalan siya ng lakas, tulad ni Samson sa kandungan ni Dalila. Nawala sa kanya ang kapangyarihan at patotoong dati niyang taglay, at hindi niya ito ganap na nabawi noong buhay pa siya, bagama’t namatay siyang [miyembro ng] Simbahan.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 114).
Pinayagan akong ikuwento sa inyo ang tungkol sa isang binatilyong lumaki sa aming komunidad. Hindi siya miyembro ng Simbahan. Aktibo sila ng kanyang mga magulang sa ibang relihiyon.
Nagunita niya na noong lumalaki siya, kinutya siya ng ilan sa mga kasamahan niyang LDS, at ipinadamang ayaw nila sa kanya, at pinagtawanan siya.
Dumating siya sa puntong kinapootan niya ang Simbahang ito at mga miyembro. Wala siyang nakitang kabutihan sa sinuman sa kanila.
Pagkatapos ay nawalan ng trabaho ang ama niya at kinailangan nilang lumipat. Sa bago nilang tirahan, sa edad na 17, nakapag-aral siya sa kolehiyo. Doon, sa unang pagkakataon sa buhay niya, nadama niya ang pagmamahal ng mga kaibigan, at isa sa mga iyon, na ang pangalan ay Richard, ang nag- anyaya sa kanyang sumali sa isang samahan na ito ang presidente. Isinulat niya, “Sa unang pagkakataon sa buhay ko may taong gusto akong makasama. Hindi ko alam ang gagawin ko, pero mabuti na lang at sumali ako… . Gusto ko ang damdaming iyon, na may kaibigan ako. Ipinagdasal ko ito sa buong buhay ko. At ngayon pagkaraan ng 17 taong paghihintay, sinagot ng Diyos ang panalanging iyon.”
Sa edad na 19 nakasama niya sa iisang tolda si Richard noong nagtatrabaho sila habang bakasyon. Napansin niyang gabi-gabi ay may binabasang aklat si Richard. Tinanong niya kung ano ang binabasa nito. Sinabihan siya na binabasa niya ang Aklat ni Mormon. Dagdag pa niya, “Agad kong binago ang usapan at natulog na. Tutal, iyon ang aklat na sumira sa pagkabata ko. Pinilit ko iyong kalimutan, pero isang linggo na ang lumipas at hindi ako makatulog. Bakit niya ito binabasa gabi-gabi? Hindi ko na natagalan na hindi masagot ang mga tanong sa isipan ko. Kaya isang gabi ay tinanong ko siya kung ano ang napakahalaga sa aklat na iyon. Ano ang naroon? Iniabot niya sa akin ang aklat. Agad kong sinabi na ayaw kong hawakan ang aklat kailanman. Gusto ko lang malaman kung ano ang naroon. Nagsimula siyang magbasa kung saan siya huminto. Nagbasa siya tungkol kay Jesus at nang magpakita Siya sa Amerika. Nabigla ako. Hindi ko akalaing naniniwala ang mga Mormon kay Jesus.”
Niyaya siya ni Richard na sumamang kumanta sa koro sa kumperensya ng stake. Sumapit ang araw at nagsimula na ang kumperensya. “Si Elder Gary J. Coleman ng Unang Korum ng Pitumpu ang panauhing tagapagsalita. Nalaman ko sa kumperensya na siya rin [ay bagong binyag sa Simbahan]. Nang matapos na ang kumperensya hinila ako ni Richard para kausapin ito. Pumayag na rin ako, at habang papalapit ako ay lumingon siya at nginitian ako. Nagpakilala ako at sinabi kong hindi ako miyembro at sumali lang ako sa koro. Ngumiti siya at sinabing natutuwa siya at naroon ako at sinabing maganda ang kanta namin. Tinanong ko siya kung paano niya nalaman na totoo ang Simbahan. Maikli niyang ikinuwento ang kanyang patotoo at tinanong kung nabasa ko na ang Aklat ni Mormon. Sabi ko hindi pa. Ipinangako niya sa akin na sa unang pagbasa ko nito, madarama ko ang Espiritu.”
Kasunod nito nagbibiyahe noon ang binatang ito at ang kaibigan niya. Inabutan siya ni Richard ng Aklat ni Mormon at hiniling na basahin niya ito nang malakas. Ginawa niya ito, at bigla siyang nabigyan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu.
Lumipas ang panahon at lumago ang kanyang pananampalataya. Pumayag siyang magpabinyag. Ayaw siyang payagan ng mga magulang niya, pero nagpabinyag pa rin siya at naging miyembro ng Simbahang ito.
Patuloy na lumalakas ang kanyang patotoo. Ilang linggo pa lang ngayon ang nakararaan ay ikinasal siya sa isang magandang miyembrong babaeng sa Salt Lake Temple para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Si Elder Gary J. Coleman ang nagbuklod sa kanila.
Diyan natatapos ang kuwento, ngunit maraming matututuhan sa kuwentong iyon. Una ay ang nakalulungkot na pagtrato sa kanya ng mga batang Mormon na nakasama niya.
Ikalawa ay ang pagtrato sa kanya ng bago niyang kaibigang si Richard. Ganap na kabaligtaran ito ng naranasan niya noon. Humantong ito sa kanyang pagbabalik-loob at binyag kahit imposible itong mangyari.
Ang ganitong uri ng himala ay maaaring mangyari at mangyayari kapag may kabaitan, paggalang, at pagmamahal. Bakit kailangan pa nating maging malupit at salbahe sa iba? Bakit hindi natin kaibiganin ang mga nasa paligid natin? Bakit sobra ang kapaitan at pagkapoot? Hindi ito bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Lahat tayo ay nagkakasala paminsan-minsan. Lahat tayo ay nagkakamali. Uulitin ko ang mga salita ni Jesus sa Panalangin ng Panginoon: “At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, gaya naman namin na nagpatawad sa mga nagkasala sa amin” (tingnan sa Mateo 6:12; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:13).
Si William W. Phelps, na malapit kay Propetang Joseph, ay nagkanulo sa kanya noong 1838, na humantong sa pagkabilanggo ni Joseph sa Missouri. Nang mabatid ang malaking kasamaang nagawa niya, sumulat si Brother Phelps sa Propeta, na humihingi ng tawad. Narito ang bahagi ng sagot ng Propeta:
“Totoong labis kaming nagdusa dahil sa ginawa mo—ang saro ng kapaitan, na higit pa sa kayang tiisin ng mga mortal, ay talagang higit pa sa aming kakayanin nang pagtaksilan mo kami… .
“Gayunman, naghirap na kami, naganap na ang kalooban ng ating Ama, at buhay pa rin kami, na pinasasalamatan namin sa Panginoon… .
“Sa paniwalang totoo ang iyong ipinagtapat, at tunay ang iyong pagsisisi, masaya akong tanggapin kang muli, at nagagalak sa pagbabalik ng alibugha.
“Binasa sa mga Banal ang sulat mo noong isang Linggo, at inalam namin ang niloloob nila, nang mapagkaisahan na Sinang-ayunan, Na si W. W. Phelps ay dapat tanggapin sa Simbahan.
“‘Halina, mahal na kapatid, yamang nagkasundo na tayo,
“‘Dahil ang dating magkakaibigan, ay muling naging magkakaibigan sa wakas’” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 165–66).
Mga kapatid, ito ang diwa, na ipinahayag ng Propeta, na dapat nating pag-ibayuhin sa ating buhay. Hindi tayo dapat maging kampante tungkol dito. Mga miyembro tayo ng Simbahan ng ating Panginoon. May obligasyon tayo sa Kanya at sa ating sarili at sa iba. Ang makasalanang mundong ito ay kailangang-kailangan ng mga lalaking matatag, mabait, may pananampalataya at makatwiran, mga lalaking handang magpatawad at lumimot.
Ngayon, sa pagtatapos, natutuwa akong malaman na ang mga halimbawa at kuwentong ibinahagi ko ay hindi kumakatawan sa mga kilos at ugali ng marami sa ating mga miyembro. Nakikita ko sa buong paligid ko ang kahanga-hangang pagbubuhos ng pagmamahal at pagmamalasakit sa iba.
Noong isang linggo ang gusaling ito ay puno ng magagandang kabataang babaeng sinisikap ipamuhay ang ebanghelyo. Mapagbigay sila sa isa’t isa. Hangad nilang palakasin ang isa’t isa. Karangalan sila ng kanilang mga magulang at tahanang kinalakhan nila. Malapit na silang magdalaga, at dadalhin sa buong buhay nila ang mga halimbawang humihikayat sa kanila ngayon.
Isipin ang malaking kabutihang nagawa ng mga babae sa Relief Society. Ang impluwensya ng kanilang pagtulong ay laganap sa buong mundo. Tumutulong ang kababaihan at nagbibigay ng kanilang oras, pagmamahal, at kabuhayan para tulungan ang maysakit at mahihirap.
Isipin ang programang pangkapakanan na may mga boluntaryong tumutulong para mamigay ng pagkain, damit, at iba pang bagay na kailangan sa mga nagdurusa.
Isipin ang malayong nararating ng ating makataong gawain sa pagtulong sa mga di-miyembro ng Simbahan sa mahihirap na bansa ng mundo. Ang paglaganap ng tigdas ay nasusugpo sa maraming lugar dahil sa mga kontribusyon ng Simbahang ito.
Masdan ang mga nagagawa ng Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon sa pag-aahon sa libu-libong tao sa kahirapan tungo sa liwanag ng kaalaman at pag-unlad.
Kaya nga patuloy ko pa kayong paaalalahanan sa maraming ginagawa ng mabubuting tao ng Simbahang ito sa pagpapala sa buhay ng bawat isa at sa laganap nilang pagtulong sa mahihirap at nagdurusa sa buong mundo.
Walang katapusan ang kabutihang magagawa natin, ang impluwensya natin sa iba. Huwag tayong laging nagrereklamo o negatibo. Manalangin tayo para sa lakas; manalangin tayo para sa kakayahan at hangaring matulungan ang iba. Ipakita natin ang liwanag ng ebanghelyo sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, nang ang ningning ng Espiritu ng Manunubos ay mabanaag sa atin.
Sa mga salita ng Panginoon kay Josue, mga kapatid, kayo “ay magpakalakas at magpakatatag na mabuti; huwag [kayong] matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon [ninyong] Dios ay [sasainyo] saan [man kayo] pumaroon” (Josue 1:9).
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.