Nakasumpong Ako ng Kapayapaan at Pag-asa sa Ebanghelyo
Ako ang bunso sa anim na magkakapatid sa isang maliit na bayang tinawag na Bindura, Zimbabwe, Africa. Nagdiborsyo ang mga magulang ko ilang taon matapos akong isilang, at ang butihin at mapagmahal kong ina ang nagpalaki sa amin—apat na babae at dalawang lalaki—nang mag-isa.
Mahirap ang buhay namin. Kinailangan kong lumakad nang apat o limang kilometro (3 milya) papasok sa eskuwela, at wala akong sapatos o anumang makain. Bawat taon wala akong nakumpletong semestre dahil wala kaming pambayad ng matrikula. Wala kaming mapagkunan ng pera para makabayad ng matrikula sa oras. Tuwing makakakuha kami ng pera, tinangka kong alamin kung paano ito nakuha, pero hindi ko ito nalaman. Himalang isipin kung paano kami napalaki nang maayos. Ito ay dahil sa pagmamahal at kalooban ng ating Ama sa Langit.
Mahilig magsimba ang nanay ko, at dahil bunso ako, sumasama ako sa kanya. Noong 1998, nang 13 taon ako, dalawang misyonerong Banal sa mga Huling Araw ang nagpunta sa lugar namin para bisitahin ang di-gaanong aktibong mga miyembro. Naglalaro kami ng soccer ng kaibigan ko pagdaan ng mga misyonero. Kinausap namin ang mga misyonero, at tinanong nila kung puwede silang bumisita sa amin sa susunod na linggo. Tinuruan nila kami, at pumayag kaming magpabinyag.
Makalipas ang apat na taon, noong 2002, namatay ang tatay ko at sumunod ang isa kong kapatid na babae isang linggo pagkaraan. Nagpatuloy ako, at naglingkod bilang district missionary hanggang matanggap ko ang tawag noong Hulyo 2004 na mag-full-time mission sa South Africa Durban Mission. Ilang buwan pa lang ako sa misyon nang tumawag ang kuya ko sa mission president ko, para ibalitang namatay na ang nanay ko at nailibing na. Nawawari ba ninyo kung gaano kasakit mawalan ng gayong klaseng ina? Apat na buwan pagkaraan ay namatay ang isa ko pang kapatid na babae.
Bilang misyonero, itinuro ko sa mga tao ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Dahil sa aking patotoo, hindi ako nag-alala kailanman sa pagpanaw ng mga mahal ko sa buhay. Payapa ang aking isipan at umaasa ako na sa takdang panahon ay makikita kong muli ang mga magulang at kapatid ko. Habang pauwi mula sa misyon noong Hulyo 2006, nagtungo ako sa Johannesburg South Africa Temple at nagpabinyag para sa yumaong mga lalaking kapamilya ko, at ipinagawa ko ang binyag para sa yumao kong mga kapatid na babae.
Nanatiling mahirap ang kalagayan sa Zimbabwe, ngunit malakas ang aking patotoo sa kabutihang ibubunga ng pagsunod sa mga lider at programa ng Simbahan. Sa kabila ng lahat ng ating pagsubok, makasusumpong tayo ng kapayapaan at pag-asa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagsubaybay at paggabay sa Kanyang Simbahan at mga anak. Pinasasalamatan ko Siya para sa templo, na nagbibigay sa atin ng kapayapaan at pag-asa na makikita nating muli ang ating pamilya.
Sabi ng Panginoon, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33).
Sa kabila ng mga hamon ng buhay, nawa’y patuloy tayong umasa sa kabutihan, na di kailanman nagdududa at nag-aalinlangan sa kalooban ng Panginoon.