Mga Family Home Afternoon
Irma de Mackenna, Chile
Isang araw habang nasa simbahan ako, sinabi sa akin ng isa sa mga babae na nalulungkot siya. Tulad niya, isa rin akong balo at nag-iisa sa buhay. Bigla, nagkaroon ako ng ideya: bakit hindi na lang kami magsama tuwing Lunes at magdaos ng family home evening? Maaari din naming anyayahan ang ibang mga babaeng nag-iisa sa buhay.
Nagsaliksik ako nang kaunti at natuklasan ko na may walong babae sa ward namin na maaaring sumali. Anim doon ang balo, isang walang asawa, at isang hindi miyembro ng Simbahan ang asawa.
Sa pahintulot ng bishop, inayos kong magkatipon kami para magdaos ng mga family home “afternoon.” (Idinaraos namin ito sa araw dahil marami sa amin ang mahina na ang mata at ayaw nang lumabas kapag madilim na.) Nagsalitan kami ng bahay na pagmimitingan at pagbibigay ng maikling aralin. Marahil ang pinakamahalagang bagay na nangyari dahil dito ay ang tunay na pagkakaibigang nagbigkis sa amin sa pagmamahalan bilang magkakapatid.
Lahat kami ay sabik na naghihintay sa aming mga family home “afternoon.” Masaya kaming pag-aralan ang ebanghelyo nang sama-sama, at masaya ang aming pagkakaibigan na nagpapatatag sa pananampalataya at pagmamahal namin sa Panginoong Jesucristo.