Isang Malaking Komunidad ng mga Banal
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling araw ay matatagpuan sa iba’t ibang bansa, may kani-kanyang trabaho at katungkulan, at nahaharap sa maraming iba’t ibang pagsubok.
Ngunit ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay ng solusyon sa ating mga problema, pinag-iisa tayo sa pagmamahal at iisang layunin, at pinagsasama-sama tayo bilang isang pandaigdigang komunidad.
Nagkikita-kita man kayo ng 13 iba pa sa isang maliit na branch sa Ukraine o ng 200 sa isang ward sa Mexico, kabilang kayo sa isang mas malaking grupo. Ang iisa nating pananampalataya sa Tagapagligtas ay literal na ginawa tayong “hindi na … mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios” (Mga Taga Efeso 2:19).
Habang nakikilala ninyo ang ilan sa inyong kapwa sa iba’t ibang panig ng mundo sa artikulong ito (at sa bawat isyu ng mga magasin ng Simbahan), nawa’y makahanap kayo ng katiyakan na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahandog ng kailangan ninyo sa pagharap sa sarili ninyong mga pagsubok.
Vi‘iga Faatoia ng Samoa
-
Edad 60
-
Mayor
-
Unang tagapayo sa bishopric
Namatay ang aking apo sa tsunaming sumalanta sa Samoa noong Setyembre 2009. Namatay dito ang anak na lalaki ng aking kapatid. Nawalan ako ng tahanan, dalawang kotse, at halos lahat ng aking ari-arian. Halos buong nayon namin ay lumilipat sa mga burol upang hindi na ito mangyaring muli.
Alam kong mahal ng Diyos ang mga nakaligtas dahil, sa pamamagitan ng Simbahan, binigyan Niya kami ng bagong tahanan, pagkain, at tubig. Alam kong mahal Niya ang mga hindi nakaligtas dahil, sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, maaari kaming magkasamang muli. Pinagpala kami.
Valerina M. ng Utah, USA
-
Edad 10
Hindi laging madali ang maging ate. Kung minsan naiinis ako. Pero natutuhan kong maging mabuting kaibigan sa aking nakababatang kapatid na babae at lalaki sa pamamagitan ng pagmamasid sa aking ina at sa pakikitungo niya sa kanyang mga kapatid. Tinuruan niya ako kung paano magpakita ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa mga nakapaligid sa amin. Magagawa ko ang mga bagay na ito upang ipakita kung gaano ko pinasasalamatan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, gayundin ang pagmamahal ng aking ama’t ina.
Varvara Bak ng Russia
-
Edad 25
-
Estudyante
-
Guro sa Seminary
Gusto kong maging higit na katulad ni Cristo—hindi naman sa gusto ko ng perpekto, kundi nais kong alalahanin kung sino ako at maging mas mabuting tao ngayon kaysa kahapon. Mahirap gawin iyan kapag ang mga pamantayan ng mundong nakapaligid sa atin ay napakababa. Mas madaling kalimutan ang aking mga pamantayan.
Ngunit kahit paano hindi gaanong mahirap sundin ang mga pamantayan ng Simbahan, sa tingin ko pinahahalagahan ng mga tao ang mga may mataas na pamantayan. Noon pa man ay gusto ko na ang mga taong hindi naninigarilyo o umiinom ng alak at mabuti ang pagkatao. Kaya’t nang mag-usisa ako sa Simbahan, marami na akong sinusunod na mga pamantayan ng ebanghelyo, at dahil sinusunod ko ang mga kautusang iyon, madali akong nagkaroon ng patotoo tungkol sa mga ito.
Chhoeun Monirac ng Cambodia
-
Edad 18
-
Unang Tagapayo sa Young Men presidency, guro sa seminary
Lahat tayo ay nahaharap sa hindi inaasahang mga problema sa buhay. Matapos mabuklod ang aming pamilya sa Hong Kong China Temple at bago umalis papuntang misyon ang isa sa mga kapatid kong babae, nawalan ng trabaho ang kuya at ate ko at nabawasan ng kalahati ang suweldo ng tatay ko. Mahirap na panahon iyon para sa aming 11 sa aming munting tahanan, ngunit nanangan kami sa mga pangakong ginawa sa templo.
Sa panahong iyon ipinaalala sa akin ng Espiritu Santo ang isang banal na kasulatan: “Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos” (Jacob 2:18). Nagbigay ito sa akin ng pag-asa. Nagtiwala ako na pagpapalain ako ng Diyos at ang aking pamilya.
Nakakita na ng trabaho ang mga kapatid ko kaya nakakakain na ang aming pamilya, at may ilang magagandang interbyu na ako sa trabaho. Isa itong himala na nakaragdag sa aming pananampalataya kay Cristo. Alam kong mahal at kilala tayo ng Panginoon. Alam Niya ang ating mga pangangailangan. Kung susundin natin ang Kanyang mga utos, uunlad tayo sa lupain (tingnan sa Mosias 2:22).
Elizabeth Kangethe ng Kenya
-
Edad 27
-
Freelance na mamamahayag
-
Ward Relief Society president
Bago ko tinanggap ang ebanghelyo, miserable ang buhay ko. Matagal akong magpatawad at nagtatanim ako ng hinanakit sa sinumang nagkasala sa akin. Wala akong tiwala sa kasal, dahil nakikita ko ang mga lalaking pamilyado na lasenggo at mga babaeng binubugbog ng asawa.
Ang pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo ang nagpabago sa akin. Napakasarap magsimba at makakita ng mga pamilyang magkakatabing nakaupo, maturuan tungkol sa pagmamahal, paggalang sa isa’t isa, at pag-unawa. Nakita ko ang aking sarili na tinatalikuran ang mga kaugaliang hindi akma sa ebanghelyo.
Pinilit kong makipagkasundo sa inakala kong kaaway ko. Ngayon ay madalas na kaming nagbabalitaan. Nakakilala ako ng napakabait na returned missionary at malapit na kaming ikasal sa templo.
Naniniwala ako na ako ay nasa tamang lugar. Ang pagmamahal at pagmamalasakit ng mga miyembro sa isa’t isa ay nagpadama sa akin na kabilang ako. Naging mas makabuluhan ang aking buhay. Alam kong napakahalaga na manatili akong tapat hanggang wakas sa pamamagitan ng pag-iwas na balikan pa ang madilim at malungkot na nakaraan.
Lucia Leonardo ng Guatemala
-
Edad 23
-
Estudyante
-
Pangalawang tagapayo sa stake Young Women presidency
Ang problemang kinakaharap ko ay problema rin ng sinumang kaedad ko. Ano ang dapat kong gawin sa buhay ko? Ano ang kursong pag-aaralan ko? Sino ang pakakasalan ko? Paano ko haharapin ang pamimilit ng mga kaibigan kong hindi miyembro na ibaba ang aking mga pamantayan? Kung minsan madaling mawalan ng pag-asa o malungkot o kabahan.
Ang ebanghelyo ang nagtuwid sa buhay ko sa lahat ng aspeto. Kahit kailangan ko pang ayusin ang ilang detalye, alam ko kung ano ang gusto ko, at kung saan ako pupunta dahil sa ebanghelyo. Pinasasalamatan ko iyan. Talagang nagpapasaya ito sa akin. Tinutulungan ako nitong manatiling malakas at matulungan ang iba, dahil alam ko na kung kailangan ko ng tulong, makapagdarasal ako sa aking Ama sa Langit.
Harrison Lumbama ng Zambia
-
Edad 46
-
Opisyal sa pribadong organisasyong pangkawanggawa
-
District president
Ang mapagkasya ang maliit na kita ay isa sa malalaking pagsubok sa buhay ko. Mas mataas ang halaga ng bilihin kaysa kinikita ko. Bawat araw abala ako sa pag-iisip ng ibabayad sa renta, pagkaubos ng pagkain, at gastusin ng mga bata sa eskuwela, at iba pa.
Ang ebanghelyo na alam ko na ngayon ay talagang nakatulong sa akin na manatiling matino sa kabila ng mga pagsubok. Sa pagsunod sa mga kautusan at sa aking mga tipan, tila mas madaling kayanin ang mga bagay-bagay. Sa pagsunod namin sa batas ng ikapu, biniyayaan kami ng Ama sa Langit upang hindi kami magutom, at dahil sa Kanyang awa nalampasan namin ang mga balakid sa buhay. Ang ebanghelyo ay naging magandang lunas sa mga kahirapan sa buhay. Nagbigay ito sa amin ng pag-asa sa mas magandang kinabukasan kung kami ay masunurin at tapat.
Anumang pagsubok ang nakaharap ko, laging may sagot ang ebanghelyo para sa akin. Kung wala ito, wala nang direksyon o layunin ang buhay ko.