Nakausap ako ng mga kaibigan kong hindi miyembro tungkol sa mga bagay na nangyayari sa loob ng templo. Paano nila nalalaman ang tungkol dito, at ano ang dapat kong sabihin tungkol sa mga ito?
Una sa lahat, huwag mong ikabahala ang mga itinatanong sa iyo ng mga kaibigan mo. Ang mga simbolo at ordenansa ng templo ay nakarating sa publiko sa iba’t ibang paraan sa pagdaan ng mga taon, lalo na mula sa mga taong tumalikod sa Simbahan. Ngunit hindi nangangahulugan na dahil sa ang bagay na ito ay alam na ng mga tao sa labas ng Simbahan ay hindi na ito sagrado. Ang mahalaga ay patuloy nating itinuturing na sagrado ang mga ito at ipinapakita natin ang ating katapatan sa Panginoon.
Pangalawa, kung tanungin ka ng mga tao tungkol sa mga seremonya sa templo, masasabi mo ang totoo na wala kang masyadong alam tungkol dito dahil hindi mo pa nararanasan ang mga ito. Gayunman, para mapawi ang mga di-pagkakaunawaan, maipapaliwanag mo na nagpupunta tayo sa templo para makipagtipan sa Ama sa Langit at “tinutulungan tayo … na makatuon sa Tagapagligtas, sa kanyang papel sa plano ng ating Ama sa Langit, at sa pangako nating sundin Siya” (Tapat sa Pananampalataya [2006], 96). Ang mga simbolo at seremonya ng templo ay sagrado at hindi dapat talakayin nang hayagan, ni hindi mauunawaan nang wasto o mapapahalagahan ang mga ito sa labas ng konteksto ng templo.
Para malaman pa ang iba, maaari mong basahin ang sumusunod na mga sanggunian, na kapwa mababasa sa ilang wika sa LDS.org:
-
Ang buklet na Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo (2004).
-
Ang entry na “Mga Templo” sa Tapat sa Pananampalataya, mga pahina 95–100.