Mensahe sa Visiting Teaching
Sa Ilalim ng Pamamahala ng Priesthood at ayon sa Pagkakaayos ng Priesthood
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong kababaihan at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Mga kapatid, napakapalad natin! Hindi lamang tayo mga miyembro ng Simbahan, kundi mga miyembro rin tayo ng Relief Society—“ang organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan.”1 Ang Relief Society ay katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak na babae.
Hindi ba kayo nagagalak kapag ginugunita ninyo ang nakatutuwang simula ng samahang ito? Noong Marso 17, 1842, inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan “sa ilalim ng pamamahala ng priesthood ayon sa pagkakaayos ng priesthood.”2
Ang maorganisa “sa ilalim ng pamamahala ng priesthood” ay nagbigay ng awtoridad at direksyon sa kababaihan. Itinuro ni Eliza R. Snow, pangalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, na ang Relief Society “ay hindi iiral nang walang Priesthood, dahil sa katotohanang kinukuha nito ang lahat ng awtoridad at impluwensya nito mula sa kapangyarihang yaon.”3 Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang awtoridad na gagamitin ng mga namumuno at guro ng Relief Society … ay ang awtoridad na dadaloy sa kanila sa pamamagitan ng kaugnayan ng kanilang organisasyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling araw at sa pagtatalaga sa bawat isa sa kanila sa ilalim ng mga kamay ng mga lider ng priesthood na tumawag sa kanila.”4
Ang maorganisa “ayon sa pagkakaayos ng priesthood” ay nagbigay ng mga sagradong responsibilidad sa kababaihan. Ipinaliwanag ni Julie B. Beck, pangkalahatang pangulo ng Relief Society: “Gumagana tayo ayon sa pamamaraan ng priesthood—ibig sabihin naghahangad, tumatanggap, at kumikilos tayo ayon sa paghahayag; nagdedesisyon sa mga kapulungan; at inaalala natin ang pangangalaga sa bawat tao. Layunin natin ang layunin ng priesthood na ihanda ang ating sarili para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa paggawa at pagtupad ng mga tipan. Samakatwid, tulad ng mga kapatid nating may hawak ng priesthood, ang ating gawain ay magligtas, maglingkod, at maging banal na mga tao.”5
Barbara Thompson, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
I Mga Taga Corinto 11:11; Doktrina at mga Tipan 25:3; 121:36–46
Mula sa Ating Kasaysayan
Habang itinatayo ang Nauvoo Temple, isang grupo ng kababaihan ang nag-organisa upang tumulong sa pagtatayo nito. Nagbalangkas ng mga tuntunin si Eliza R. Snow para sa bagong grupong ito. Nang ipakita niya ito kay Propetang Joseph, isinagot nito: “Sabihin sa kababaihan na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at Siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila. … Aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos ng priesthood.”6 Hindi nagtagal, sinabi ng Propeta sa bagong tatag na Relief Society: “Ipinipihit ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito.”7 Ang kababaihan ay inasahang pag-ibayuhin ang kabanalan at maghanda para sa mga ordenansa ng priesthood na malapit nang pangasiwaan sa templo.