Matapang Kong Hinarap ang mga Kasamahan Ko sa Trabaho
Kenneth Hurst, Alabama, USA
Isang umaga sa trabaho sinabi ng mga amo namin sa lahat ng empleyado sa pabrika na bukod pa sa orasang suweldo namin, magsisimula kaming tumanggap ng dagdag na bayad sa bawat produktong matapos namin. Kapag mas marami kaming nagawa, mas malaki ang kita namin. Nangyari ito apat na buwan bago ako nagmisyon, kaya mas marami na akong maiipong pantustos ngayon para dito.
Lumaki nang husto ang produksyon, at gayon din ang suweldo namin. Tatlo kaming lalaki na nagtrabaho sa rubber-curing press, at tuwing makikita ko ang isang molde na lumabas sa incubator at dumaan sa automatic counter, naiisip ko na lumalaki ang pera ko sa bangko.
Gayunman, dahil sa bagong insentibo nagkaroon ng pandaraya. Isang kasamahan ko ang madalas ay palihim na pumupunta sa tabi ng automatic counter, at ilang beses pang hinahatak ang panghila ng makina, at bumabalik sa kanyang puwesto. Napangisi ako nang makita ko ito, umiling-iling, at nagpatuloy sa aking trabaho. Naisip ko na dahil hindi naman ako ang nandaraya sa counter, marangal pa rin ako.
Ngunit hindi nagtagal ay nalaman ko na dahil pareho ang suweldong natatanggap ko sa mga kagrupo ko sa trabaho, hindi na mahalaga kung sino ang nandaya sa counter. Nagkasala rin ako ng pagnanakaw sa kompanya tulad nila. Tutustusan ko ba ng nakaw na pera ang misyon ko?
Nahirapan akong magpasiya sa dapat kong gawin. Ang ekstrang pera sa suweldo namin ay di-gaanong malaki. Maraming tao ang magsasabi na huwag na itong pansinin, pero nabalisa ako. Alam ko na kailangan kong harapin ang aking mga kasamahan.
“Nagbibiro ka ba?” tanong ni Bob (pinalitan ang mga pangalan), ang senior team member. “Lahat ay nandaraya. Kahit na ang namamahala. Inaasahan nila ito.”
Nakita niya na walang kailangang baguhin. Ano pa ang magagawa ko? Kahit hindi dayain ang bilang ng nagawa namin, pinakamalaki ang produksyon ng aming rubber-curing press sa oras namin. Madalas kong marinig sa mga trabahador sa ibang mga press na sana ay kagrupo nila kami.
“Makikipagpalit ako kay Jack at doon na lang ako sa ibang press,” mungkahi ko kay Bob.
“Palagay ko tanga ka,” sabi niya sa akin, “pero makakasundo ko si Jack.”
Matapos kaming magpalit ng team ni Jack, madalas ipaalala sa akin ni Bob na mas malaki ang suweldo niya kaysa akin. Naisip ko ang mga titik ng “Saligang Kaytibay”: “Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba.” Nakatulong ang mga salitang iyon para hindi ko pansinin ang mga panunuya ni Bob.
Hindi pa natatagalan, lumapit sa akin si Bob. Sabi niya hindi niya makasundo si Jack, at gusto akong pabalikin ng team. Nagulat ako. Sabi ko kay Bob babalik ako pero hindi puwedeng magkaroon ng anumang pandaraya. Pumayag siya. Malugod akong tinanggap ng dati kong team, at natigil ang pandaraya.
Inasahan ko na susubukan ako bago ako magmisyon, ngunit hindi ko naisip na susubukan ang aking katapatan at katapangan. Nagpapasalamat ako na kapag kailangan ko ng lakas na gawin ang tama, sinusuportahan ako ng “kamay [ng Panginoon] … [na] maggagabay.”1