Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya
Mula sa isang mensahe sa brodkast na ibinigay sa mga guro ng seminary at institute of religion noong Agosto 4, 2009.
Hihilingan ang henerasyong ito na ipagtanggol ang doktrina tungkol sa pamilya nang higit kaysa rati. Kung hindi nila alam ang doktrina, hindi nila ito maipagtatanggol.
Kapag nakakausap ko ang mga young single adult sa iba’t ibang dako ng mundo, tinatanong ko sila, “Bakit kayo masyadong pinagmamalasakitan at binibigyan ng napakaraming sanggunian ng Unang Panguluhan?” Narito ang ilan sa mga sagot nila sa akin: “Kami ang magiging mga pinuno ng Simbahan sa hinaharap.” “Kailangan namin ng training para manatili kaming matatag.” “Lumalakas ang aming patotoo sa mga klase namin sa seminary at institute.” “Kailangan naming makilala ang iba pang mabubuting kabataang Banal sa mga Huling Araw.” “Kami ang pag-asa ng kinabukasan.” Bihira kong marinig ang, “Para balang araw ay maging mas mabuti akong ama o ina.” Ang mga sagot nila ay karaniwang tungkol sa sarili, dahil ito ang panahon ng buhay nila.
Magkagayunman, kailangang ituro ng mga magulang, guro, at lider ng mga kabataan sa bagong henerasyon ang doktrina tungkol sa pamilya. Mahalaga na tulungan silang magkamit ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Kailangan nilang malaman na ang teolohiya tungkol sa pamilya ay batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Kailangan nilang maunawaan ang mga nagbabantang panganib sa pamilya para malaman nila kung ano ang kinakalaban nila at makapaghanda sila. Kailangan nilang maunawaan nang malinaw na ang kabuuan ng ebanghelyo ay natatamo sa mga ordenansa at tipan sa templo.
Ang Teolohiya tungkol sa Pamilya
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may teolohiya tayo tungkol sa pamilya na batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Ang Paglikha sa mundo ay naglaan ng isang lugar na matitirhan ng mga pamilya. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae na dalawang mahalagang miyembro ng isang pamilya. Bahagi ng plano ng Ama sa Langit na mabuklod sina Adan at Eva at magbuo ng isang walang hanggang pamilya.
Ang Pagkahulog ay nagbigay-daan sa paglago ng pamilya. Sina Adan at Eva ang mga pinuno sa pamilya na piniling dumanas ng mortal na buhay. Dahil sa Pagkahulog nagkaroon sila ng mga anak na lalaki’t babae.
Dahil sa Pagbabayad-sala sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya. Tinutulutan nito ang mga pamilya na magkaroon ng walang hanggang pag-unlad at maging sakdal. Ang plano ng kaligayahan, na tinatawag ding plano ng kaligtasan, ay isang planong nilikha para sa mga pamilya. Kailangang maunawaan ng bagong henerasyon na ang mga pangunahing alituntunin ng ating teolohiya ay nakatuon sa pamilya.
Kapag pinag-uusapan natin ang pagiging marapat sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan, ang ibig nating sabihin ay pagiging marapat sa mga pagpapala ng mga walang hanggang pamilya. Ito ang doktrina ni Cristo, at ito ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 2:1–3:
“Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.
“At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.
“Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.”
Ang banal na kasulatang ito ay nangungusap tungkol sa mga pagpapala ng templo—mga ordenansa at tipan na kung wala, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak.”
Isinulat ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” upang pagtibayin na ang pamilya ay sentro sa plano ng Lumikha.1 Kung walang pamilya, walang plano; walang dahilan para sa mortal na buhay.
Mga Nagbabantang Panganib sa Pamilya
Bukod pa sa pag-unawa sa teolohiya tungkol sa pamilya, kailangan nating maunawaang lahat ang mga nagbabantang panganib sa pamilya. Kung hindi, hindi tayo makapaghahanda para sa digmaan. Nasa paligid nating lahat ang katibayan na hindi na gaanong mahalaga ang pamilya. Kakaunti na ang nagpapakasal, dumarami ang may edad na bago mag-asawa, at dumarami ang nagdidiborsyo. Dumarami ang mga isinisilang sa mga magulang na hindi kasal. Dumarami ang nagpapalaglag at lalo itong nagiging legal. Nakikita natin na kakaunti ang isinisilang. Nakikita natin ang hindi pantay ang karapatan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at may mga kulturang nang-aabuso pa rin sa mga kapamilya. Maraming pagkakataon na mas pinapahalagahan ang trabaho kaysa pamilya.
Marami sa ating mga kabataan ang nawawalan ng tiwala sa institusyon ng mga pamilya. Lalo at lalo nilang pinahahalagahan ang edukasyon at binabalewala ang pagbubuo ng walang hanggang pamilya. Hindi nakikita ng marami na ang pagbubuo ng mga pamilya ay nakabatay sa pananampalataya. Para sa kanila, isa itong pagpili na tulad ng pamimili. Marami ring hindi nagtitiwala sa sarili nilang katatagan at sa tibay ng moralidad ng kanilang mga kaedad. Dahil napakatindi ng mga tukso, marami ang hindi nakatitiyak na magtatagumpay silang tuparin ang mga tipan.
Marami ring kabataang walang sapat na mga kasanayan sa pakikihalubilo, na hadlang sa pagbubuo ng mga walang hanggang pamilya. Sanay silang makipag-usap sa isang tao na 50 milya (80 km) ang layo ngunit hindi magawang makipag-usap sa mga taong kasama nila sa iisang lugar. Iyan ang dahilan kaya hirap silang makihalubilo sa isa’t isa.
Nahaharap din tayo sa problema na nababasa natin sa Mga Taga Efeso 6:12: “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” Gumagawa ng mga patakarang pampubliko araw-araw na laban sa pamilya, at ang kahulugan ng pamilya ay binabago nang legal sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang pornograpiya ay laganap. Para sa mga yaong lumilikha ng pornograpiya, ang bago nilang puntirya ay mga kabataang babae. Ang mga magulang ay inilalarawan na wala sa lugar at makaluma. Ang mga mensahe sa media laban sa pamilya ay nasa buong paligid. Ginagawang manhid ang mga kabataan sa pangangailangang magbuo ng mga walang hanggang pamilya.
Nakikita natin kung paano ito maaaring mangyari kapag binasa natin ang mga salita ni Korihor, isang anti-Cristo: “Sa gayon siya nangaral sa kanila, inaakay palayo ang puso ng marami, naging dahilan upang itaas nila ang kanilang mga ulo sa kanilang kasamaan, oo, inaakay palayo ang maraming kababaihan, at gayon din ang kalalakihan, na gumawa ng mga pagpapatutot” (Alma 30:18). Alam ni Satanas na kailanman ay hindi siya magkakaroon ng katawan; hindi siya kailanman magkakaroon ng pamilya. Kaya pinupuntirya niya ang mga kabataang babae, na lilikha ng mga katawan para sa darating na mga henerasyon.
Si Korihor ay isang anti-Cristo. Ang anti-Cristo ay laban sa pamilya. Ang anumang doktrina o alituntuning naririnig ng ating mga kabataan sa mundo na laban sa pamilya ay anti-Cristo rin. Malinaw iyan. Kung titigil ang ating mga kabataan sa paniniwala sa mabubuting tradisyon ng kanilang mga ninuno tulad ng mga taong inilarawan sa Mosias 26, kung hindi nauunawaan ng ating mga kabataan ang kanilang bahagi sa plano, maaari silang mailigaw.
Pagtuturo sa Bagong Henerasyon
Ano ang inaasahan nating maunawaan at gawin ng bagong henerasyong ito dahil sa mga itinuturo natin sa kanila? Ang mga sagot sa tanong na iyan gayundin ang mga pangunahing sangkap ng doktrina tungkol sa pamilya ay matatagpuan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na ang pagpapahayag ay “isang deklarasyon at pagpapatibay ng mga pamantayan, doktrina, at gawain” na nasa Simbahang ito noon pa man.2
Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “ang kaayusang ito … ng pamamahala sa pamilya kung saan nakipagtipan ang lalaki at babae sa Diyos—tulad ng ginawa nina Adan at Eva—na mabuklod para sa kawalang-hanggan, magkaroon ng inapo … ang tanging paraan para makita natin balang-araw ang mukha ng Diyos at mabuhay.”3
Kailangang maunawaan ng bagong henerasyon na ang utos na “magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa” (Genesis 1:28; Moises 2:28) ay ipinatutupad pa rin. Ang pagkakaroon ng mga anak ay nakabatay sa pananampalataya. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Napakalaking kasakiman sa isang mag-asawa na tumangging magkaanak kung kaya naman nila.”4 Ang pagiging ina at pagiging ama ay mga walang hanggang tungkulin. Bawat isa, lalaki man o babae, ay may responsibilidad na ginagampanan sa plano. Kabataan ang panahon ng paghahanda para sa mga walang hanggang tungkulin at responsibilidad na iyon.
Matutulungan ng mga magulang, guro, at lider ang mga kabataan na maghanda para sa mga pagpapala ni Abraham. Ano ang mga pagpapalang iyon? Sinabi sa atin ni Abraham sa Abraham 1:2. Sinabi niya na hangad niya “ang karapatan kung saan ako nararapat maordenan upang [mangasiwa]; … maging isang tao na nagtataglay ng maraming kaalaman, … maging isang ama ng maraming bansa, isang prinsipe ng kapayapaan, at naghahangad na makatanggap ng mga tagubilin, at masunod ang mga kautusan ng Diyos, ako ay naging karapat-dapat na tagapagmana, isang Mataas na Saserdote, humahawak ng karapatan na pag-aari ng mga ama.”
Saan natanggap ni Abraham ang mga pagpapalang ito? Nakakamtan lamang ang mga ito ng mga yaong ibinuklod at ikinasal sa templo. Ang isang tao ay hindi maaaring maging “ama ng maraming bansa” nang hindi nabubuklod sa kanyang asawa. Gayundin, hindi magkakaroon si Abraham ng karapatan na pag-aari ng mga ama kung wala siyang asawang may karapatan na pag-aari ng mga ina.
Ang mga kuwento tungkol kina Abraham at Sarai at kina Isaac at Rebeca ay matatagpuan sa Genesis. Isa lang ang anak nina Abraham at Sara, si Isaac. Kung si Abraham ay magiging “ama ng maraming bansa,” gaano kahalaga ang asawa ni Isaac na si Rebeca? Napakahalaga niya kaya isinugo ni Abraham ang kanyang alila nang daang-daang milya para hanapin ang tamang dalaga—na tutupad sa kanyang mga tipan, na nakauunawa sa kahalagahan ng pagbubuo ng walang hanggang pamilya.
Sa Genesis 24:60, si Rebeca ay pinagpalang maging “ina [ng milyun-milyon].” Saan natin makikita ang gayong uri ng mga pagpapala? Natatanggap ang mga ito sa templo.
Ang kuwento tungkol kina Isaac at Rebeca ay isang halimbawa ng lalaking may hawak ng mga susi, at ng babaeng kayang manghikayat, na nagtutulungan upang matiyak ang katuparan ng kanilang mga pagpapala. Ang kanilang kuwento ay napakahalaga. Ang mga pagpapala sa sambahayan ni Israel ay nakasalalay sa isang lalaki at isang babaeng nakaunawa sa bahagi nila sa plano at sa responsibilidad nilang magbuo ng walang hanggang pamilya, magkaroon ng mga anak, at turuan ang mga ito.
Sa ating panahon may responsibilidad tayong isugo sina “Isaac” at “Rebeca” mula sa ating tahanan at silid-aralan. Dapat maunawaan ng lahat ng kabataang lalaki at babae ang papel na ginagampanan niya sa dakilang ugnayang ito—na bawat isa sa kanila ay isang “Isaac” o isang “Rebeca.” Sa gayon ay malalaman nila nang malinaw kung ano ang dapat nilang gawin.
Mamuhay na Umaasa sa Buhay na Walang Hanggan
Mga magulang, guro, at lider: mamuhay nang matwid sa inyong tahanan, sa inyong pamilya, sa inyong buhay may-asawa nang sa gayon ay magkaroon ng pag-asa ang mga kabataan sa buhay na walang hanggan sa pagmamasid sa inyo. Mamuhay nang matwid at magturo nang napakalinaw upang mangibabaw ang turo ninyo sa lahat ng ingay na naririnig ng mga kabataan at tumagos sa kanilang puso ang mga turo ninyo at maantig sila.
Mamuhay sa inyong tahanan sa paraang magiging mahusay kayo sa mga pangunahing bagay na dapat malaman, upang magampanan ninyo ang inyong mga tungkulin at responsibilidad sa pamilya. Isipin ang maging tumpak, hindi ang maging perpekto. Kung may mga mithiin kayo at alam na alam ninyo kung paano isagawa ang mga ito sa inyong tahanan, matututo ang mga kabataan sa inyo. Malalaman nila na kayo ay nagdarasal, sama-samang nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagdaraos ng family home evening, sama-samang kumakain, at binabanggit ang inyong asawa nang may paggalang. Sa gayon mula sa inyong halimbawa ay magkakaroon ng malaking pag-asa ang bagong henerasyon.
Alam Ko Ito
Inihahanda natin ang ating mga kabataan para sa templo at sa mga walang hanggang pamilya. Maraming nagbabantang panganib ang dumarating sa kanila na maaaring magpahina ng kanilang loob na magbuo ng walang hanggang pamilya. Ang ating tungkulin dito ay turuan sila upang hindi sila magkamali ng pag-unawa. Dapat nating ipaliwanag nang malinaw ang mga pangunahing turo ng doktrina, na makikita natin sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”
Hihilingan ang henerasyong ito na ipagtanggol ang doktrina tungkol sa pamilya nang higit kaysa rati. Kung hindi nila alam ito, hindi nila ito maipagtatanggol. Kailangan nilang maunawaan ang tungkol sa mga templo at priesthood.
Sabi ni Pangulong Kimball:
“Marami sa mga paghihigpit ng lipunan na nakatulong noong araw sa pagpapatibay at pagpapatatag sa pamilya ang naglalaho at nawawala. Darating ang panahon na yaong mga tao lamang na matindi at matibay ang paniniwala sa pamilya ang makakayang pag-ingatan ang kanilang pamilya sa gitna ng nagtitipong kasamaan sa ating paligid. …
“… May mga tao na bibigyang-kahulugan ang pamilya sa paraang lubhang hindi naaayon sa nakagawian na para bang hindi ito umiiral. …
“Tayo sa lahat ng tao, mga kapatid, ay hindi dapat padala sa mababaw na mga argumento na ang pamilya ay nauugnay kahit paano sa isang partikular na bahagi ng pag-unlad na pinagdaraanan ng isang lipunang moral. Malaya tayong labanan ang mga pagkilos na yaon na nagpapababa sa kahalagahan ng pamilya at nagpapalakas sa kahalagahan ng pagkamakasarili. Alam natin na ang pamilya ay walang hanggan.”5
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Ito ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nasa atin ngayon ang kabuuan ng ebanghelyo. Tayo ay mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit, na siyang naglagay sa atin sa mundong ito upang maihanda tayo para sa mga pagpapala ng mga walang hanggang pamilya. Pinatototohanan ko sa inyo ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay magiging sakdal tayo at kakayanin natin ang mga responsibilidad sa ating mga pamilya sa mundo at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay pinangakuan tayo ng buhay na walang hanggan kasama ang ating pamilya.