2011
Operasyon ni Eli
Marso 2011


Ang Operasyon ni Eli

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon” (D at T 84:35).

Tiningnan ni Eli ang tambak na homework na idinaan ng kanyang kaibigan pauwi mula sa eskuwelahan. Isang linggo pang lumiban sa klase si Eli dahil sa impeksyon sa tainga.

Nang gabing iyon pumasok ang mga magulang ni Eli sa kanyang silid. Naupo ang kanyang ina sa gilid ng kama ni Eli at hinawakan ang kanyang kamay. “Eli, sa palagay ng doktor ay kailangan mong maoperahan,” wika niya.

“Ano pong klaseng operasyon?”

“Gusto niyang lagyan ng mga tubo ang mga tainga mo para hindi na kumalat ang impeksyon,” sabi ni Inay. “Hindi masakit iyon, at isang araw ka lang sa ospital.” Pinisil ni Inay ang kanyang kamay.

May tiwala si Eli sa kanyang mga magulang. Ngunit takot siya sa ideyang ooperahan siya. Naisip niya ang kuwentong narinig niya sa Primary tungkol kay Joseph Smith. Nang si Joseph ay pitong taong gulang, naimpeksyon ang buto niya sa binti. Lumala ang impeksyon kaya ipinasiya ng doktor na kailangang alisin ang bahagi ng buto o kung hindi ay mapuputulan ng binti si Joseph o baka mamatay pa siya.

Noong panahon ni Joseph Smith, pinaiinom ng alak ng mga doktor ang mga taong ooperahan para hindi sila makadama ng sakit, ngunit tinanggihan ni Joseph ang alak na ipinaiinom sa kanya ng doktor. At ayaw niyang magpatali sa kama. Sinabi niya na kung hahawakan siya ng kanyang ama, hindi siya gagalaw. Mahigpit na niyakap si Joseph ng kanyang ama sa buong operasyong iyon na masakit. Tagumpay ang operasyon, at gumaling si Joseph.

Naisip ni Eli ang tapang at pagtitiwala ni Joseph sa kanyang ama. “Maaari po ba ninyo akong basbasan, Itay?” tanong niya. Alam ni Eli na makakatulong sa kanya ang basbas ng priesthood. Noong magsimula ang klase, binasbasan ng kanyang ama si Eli.

“Maganda ang naisip mo, ” sabi ng kanyang ama.

Humalukipkip at yumuko ang ina ni Eli. Nadama ni Eli ang mga kamay ng kanyang ama sa kanyang uluhan. Tiwala ang tinig ng kanyang ama nang basbasan nito si Eli na hindi siya matakot at lubusang gumaling.

Nang matapos ang pagbabasbas, hindi na takot si Eli. “Puwede na po akong operahan ngayon,” wika niya.

Tatlong araw pagkaraan nagpunta siya sa ospital at umuwi kinabukasan. Hindi naglaon at nawala na ang impeksyon sa tainga, at madaling nakahabol si Eli sa gawain sa paaralan.

Nagpasalamat si Eli na siya ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at siya ay mababasbasan sa pamamagitan ng priesthood.

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh