2011
Naghahayag ng Katotohanan ang Diyos sa Kanyang mga Propeta at sa Atin
Marso 2011


Ang Ating Paniniwala

Naghahayag ng Katotohanan ang Diyos sa Kanyang mga Propeta at sa Atin

Ang propeta ay isang natatanging saksi kay Jesucristo at nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan. Ang Diyos ay tumatawag ng propeta upang maging kinatawan Niya sa mundo. Ang isang propeta ay nagtuturo ng katotohanan, nagbibigay-kahulugan sa salita ng Diyos, at sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos sa pagbabasbas sa ating buhay. Kapag nagsasalita ang isang propeta para sa Diyos, parang ang Diyos na rin ang nagsasalita (tingnan sa D at T 1:38). Ang mga propeta ay nasa mundo ngayon tulad din noon.

Ang paghahayag para sa buong Simbahan ay ibinibigay sa pamamagitan ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, si Thomas S. Monson. Siya ay isang propeta ng Diyos. Kapag binabanggit ng mga miyembro ng Simbahan “ang propeta,” tinutukoy nila ang Pangulo ng Simbahan. Gayunman, may iba pang mga propeta sa mundo ngayon. Ang dalawang tagapayo ni Pangulong Monson, sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf, ay mga propeta rin. Ang labindalawa pang kalalakihan—ang Korum ng Labindalawang Apostol—ay tinatawag ding mga propeta.

Bilang mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, maaari din tayong tumanggap ng paghahayag mula sa Kanya para sa ating sariling buhay. Bagama’t ang paghahayag ay maaaring dumating kung minsan sa pamamagitan ng mga pangitain, panaginip, o pagdalaw ng mga anghel, ang pinaka-karaniwang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa atin ay sa pamamagitan ng mga banayad at espirituwal na pahiwatig ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag maaari tayong tumanggap ng lakas at sagot sa ating mga dalangin.

Saan tayo makababasa ng mga inspiradong turo ng mga makabagong propeta?

  1. Ang Doktrina at mga Tipan ay koleksyon ng mga paghahayag na ibinigay sa mga makabagong propeta. Matatagpuan ito online sa www.scriptures.lds.org.

  2. Isang mensahe mula sa Pangulo ng Simbahan o sa isa sa kanyang mga tagapayo ang inilalathala bawat buwan sa magasing Liahona (mababasa sa ilang wika sa LDS.org).

  3. Ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” ay mga pagpapahayag ng mga propeta ng mga katotohanan tungkol sa pamilya at sa Tagapagligtas. Parehong makikita ang mga ito sa LDS.org.

  4. Lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsasalita tuwing ikaanim na buwan sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Basahin ang teksto o panoorin ang mga video ng kanilang mga mensahe sa www.conference.lds.org.

Paano tayo makatatanggap ng personal na paghahayag?

  1. Mag-ayuno, magnilay-nilay at manalangin para sa patnubay.

  2. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Ito ang mga paraan na masasagot ng ating Ama sa Langit ang ating mga dalangin at mabibigyan tayo ng patnubay habang tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na maunawaan ang ating binabasa.

  3. Magsimba tuwing Linggo at, kung maaari, pumunta sa templo.

  4. Sundin ang mga kautusan upang maging karapat-dapat kayong tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo.

Mga paglalarawan ni David Stoker