2011
Ang Babaeng May Magandang Ngiti
Marso 2011


Ang Babaeng May Magandang Ngiti

Natatakot ako noon, pero may natuklasan akong panlaban sa takot ko.

Ilang buwan naming pinaghandaan ng piano teacher ko ang araw na ito. Kalahok ako sa Achievement in Music, isang taunang kompetisyon na minamarkahan ang mga estudyante sa musika sa lahat ng bagay—mula sa kaalaman sa teoriya hanggang sa dynamics sa isang sinaulong piyesa. Sa wakas dumating na ang araw na iyon at kinabahan ako.

Ang pinaka-nakakakabang bahagi ng kompetisyon ay ang pagtugtog ng mga piyesa para sa mga hurado. Kabisado ko ang mga piyesa ko, pero nanginig ang mga kamay ko nang tumugtog ako.

Natapos din ang nakakakabang pagtatanghal. Makakapagrelaks na ako dahil ibibigay ko na lang ang report ko sa kompositor. Nakita ko ang tamang lugar at pumila ako sa harap ng dalawang pinto. Naisip kong mag-usisa sa pintuan sa kaliwa. Pinalakas ng isang nakangiting titser ang loob ng mga estudyante habang kabado silang pumasok at nagpakilala. Malinaw na gusto niya silang mapanatag.

Pagkatapos ay tumingin ako sa silid sa kanan. May isa pang piano teacher doon, mas matanda, ngunit masungit ang hitsura kaya nanlamig ang mga kamay ko. Habang lalo ko siyang nakikitang makipag-usap sa mga estudyante, lalo akong kinakabahan. Ang tanging naisip ko ay, “Sana mapunta ako sa unang hurado.”

Paulit-ulit kong binasa ang report ko. Pagdating ko sa unahan ng pila, inasam kong maunang matapos ang estudyante sa kaliwa. Nadismaya ako nang lumakad ang estudyante sa kanan papunta sa pintuan. Imposible nang doon ako makapasok. Pagkatapos ay bigla kong naisip, “Basta ngumiti ka lang nang todo.”

Masaya akong humakbang papasok at ipinakita ko ang pinakatodo kong ngiti. Tulad nga nang sabi nila, kapag masaya ang kilos, masaya ang pakiramdam. Ngumiti ako nang kamayan ako ng hurado. Pagkatapos ay malinaw kong binasa ang report ko, na humihinto paminsan-minsan para ngitian siya. Pagkatapos kong magreport, pinasalamatan ko siya sa oras niya. Parang hindi na siya nakakatakot. Paglabas ko ng silid, guminhawa at sumaya ang pakiramdam ko.

Makalipas ang ilang buwan nakinig ako nang basahin ng piano teacher ko ang mga komento ng mga hurado. Sa huling komento sabi niya, “Wow, talagang pinahanga mo ang huradong ito. Isinulat niya, ‘Si Michelle, ang babaeng may magandang ngiti.’” Hindi ko na siya kailangang tanungin kung sino ang sumulat niyon.

Ang pagbabago ng ugali ko ay nakatulong para magawa ko ang pinakamainam. Tuwing may mahirap akong gagawin, sa halip na ayawan ito, ipinapasiya kong gawin itong kapaki-pakinabang at kasiya-siya. Alam ko na may epekto ang ugali ko sa mga nararanasan ko. Sa pagsusumigasig na may magandang pag-uugali, natuto akong magalak sa gitna ng mga hamon.

Paglalarawan ni Jennifer Tolman