2011
Pagtatanim ng mga Binhi ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa Maliliit na Lugar
Marso 2011


Pagtatanim ng mga Binhi ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa Maliliit na Lugar

Maraming miyembro ng Simbahan ang nakatira sa mga apartment o maliit na bahay na walang lupang mapagtamnan. Ang iba ay naninirahan sa mga tuyong lugar kung saan tigang ang lupa. Inaakala naman ng ilan na wala silang panahon o pera para makapagtanim ng sariling pagkain. Subalit sa tulong ng pananampalataya, kasigasigan, tiyaga, at pagiging malikhain, sinuman ay makapaghahalaman.

Kapag mapanalanging pinag-isipan ng mga miyembro ang payo na magtanim at maghanap ng mga paraang masunod ang alituntuning ito, mamamangha sila sa mga solusyong matatagpuan nila. Narito ang ilang karanasan at payo ng mga miyembrong nakasunod sa payo na magtanim.

Pagtatanim ayon sa Badyet

Habang naninirahan sa isang maliit na townhouse apartment, natuklasan ni Noelle Campbell, ng Houston, Texas, USA, na marami sa mga materyal na kailangan niya sa pagtatanim ay nasa bahay niya mismo. Sa kanyang patyo, nagsimula siyang magtanim ng mga gulay sa mga lumang lalagyan—kahit ano mula sa lalagyan ng sabong panlaba hanggang sa mga lalagyan ng pagkain ng pusa.

Nagulat siya sa dami ng pagkaing maitatanim niya sa maliliit na lalagyan. Pagkatapos ay pinalawak niya ang kanyang halamanan, gamit pa rin ang mga materyal na nakolekta niya sa bahay. Ang mga lumang istante ng libro at kahon ay naging patayong halamanan. Ang kuwadro ng isang lumang trampoline na sukat sa kanya ay ginamit na ngayong pansuporta sa mga patani, gisantes at iba pang halamang gumagapang. Gumamit pa siya ng mga lumang parilya ng ihawan para hindi humapay ang tanim niyang mga kamatis.

“Gusto ko ang hamong magtanim sa mga lalagyan, na makita ang maliit kong konkretong patyong 8-piye-kuwadrado (2.5-metro-kuwadrado) na naging luntian, buhay, at namumungang halamanan,” sabi ni Noelle.

Paggamit ng mga Lalagyan

Sa Alberta, Canada, alam ni Shirley Martin mula sa kanyang karanasan na makapagpapalaki ka ng kahit anong uri ng halaman sa isang lalagyang kasingsimple ng mga lumang plastik na bote ng softdrink o juice. Sinabi niya na ang susi sa matagumpay na pagtatanim sa lalagyan ay ang pagkakaroon ng sapat na liwanag, kahit mula lamang sa bintana o ilaw na dinisenyo para magpalago ng halaman, at madalas na pagdidilig, dahil mas mabilis matuyuan ang mga lalagyan kaysa tunay na halamanan.

“Ngayong taon,” sabi ni Shirley, “nagtatanim ako sa ilang paso ng kaunting halamang pampalasa, litsugas, kamatis, sibuyas, chive, at sili sa aking balkonahe. Lahat ng puwede mong maisip.”

Matuto sa pamamagitan ng Paggawa

Ipinasiya muna ni Kwan Wah Kam ng Hong Kong na magtanim para maragdagan ang imbak niyang pagkain sa tahanan. Hindi pa niya nasubukang magtanim ng sariling pagkain ngunit inisip niya na matututuhan niya ang lahat ng kailangan niyang malaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat.

Bagama’t nakatulong ang impormasyong nakuha niya, hindi naglaon ay natuklasan ni Kwan na ang pinakamagandang natutuhan niya ay nagmula sa talagang pagtatanim niya. Sa bawat naragdag na taon ng karanasan, dumami ang kanyang nalalaman tungkol sa lupang pinakamainam gamitin para sa iba’t ibang binhi, kung paano malalaman ang kaibhan ng magagandang binhi sa mga pangit na binhi, ang iba’t ibang paraan ng pagdidilig at paglalagay ng pataba sa mga halaman, at ang pinakamagandang panahon ng pagtatanim ng iba’t ibang gulay.

Gayunman, hindi lamang paghahalaman ang natutuhan ni Kwan. Isang gabi, nanganib sa isang malakas na bagyo ang kanyang halamanan. Kinaumagahan, nagulat siyang matuklasan na hindi nasira ang kanyang mga pananim, sa halip, mas tumibay pa ito dahil sa dagdag na tubig.

“Sa karanasang iyan, nalaman ko na sa pagsampalataya sa Diyos, mas titibay tayo kapag hinarap natin nang may tapang ang ating mga pagsubok at paghihirap,” sabi ni Kwan. “Ang mga pagpapalang natanggap ko sa paghahalaman ay kapwa temporal at espirituwal.”

Ang mga kahon, timba, bote, at iba pang mga lalagyan ay magagamit para maging kapaki-pakinabang na halamanan ang maliliit na lugar.

larawang kuha ni noelle campbell