2011
Ang Pagsasabuhay ng mga Mensahe sa Kumperensya ay Nagpapabago ng Buhay
Marso 2011


Ang Pagsasabuhay ng mga Mensahe sa Kumperensya ay Nagpapabago ng Buhay

Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010, nagpasiya sina Jared at Kathleen Smith ng Utah, USA, na libutin ang kanilang lugar sakay ng kotse kasama ang tatlo nilang anak upang masdan ang makukulay na dahon sa taglagas. Bago umalis, nagbulsa si Brother Smith ng maliit na bote ng inilaang langis. Nananatili sa kanyang isipan ang mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring sa priesthood na maging handa sa paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood sa lahat ng oras (tingnan sa “Maglingkod nang May Espiritu,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 59).

Sa kanilang pag-uwi, nadaanan ng mga Smith ang mga taong nakapalibot sa musmos na batang babae na nakahandusay sa lupa, na tila may pinsala sa ulo. Isang babae ang narinig nilang sumigaw, “Pakiusap, may nagdala ba sa inyo ng inilaang langis? Pakiusap!” Agad inihinto ni Brother Smith ang kotse at iniabot sa ama ng bata ang langis. Matapos mabasbasan ng priesthood, nagkamalay ang bata at kinakausap na ang kanyang mga magulang. Ilang sandali pa, dumating na ang paramedics at dinala siya sa ospital.

“Nakadama kami ng kasiyahan at kapayapaan sa aming puso dahil tamang-tama ang dating namin sa lugar, na may dalang langis, at sabi nga ni Pangulong Eyring, nakahanda,” sabi ni Brother Smith. “Nakita ng aming mga anak ang pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood, at lumisan kami na dama ang pagmamahal ng Ama sa Langit kapwa sa amin at sa batang babae at pamilya nito.”

Tulad ng mga Smith, maraming pamilya ang napagpala sa pagsunod sa payong natanggap sa pangkalahatang kumperensya. Sa paghahanda ng mga miyembro para sa isa pang pangkalahatang kumperensya, ibinahagi rito ng tatlong pamilya ang kanilang kuwento tungkol sa pagsunod sa tinig ng propeta.

Para sa marami pang kuwento (sa Ingles) o para maibahagi ang inyong sariling karanasan (sa anumang wika), basahin ang buong bersiyon ng artikulong ito sa bahaging Church News and Events ng LDS.org at lds.org/church/news/how-general-conference-changed-my-life.

Anne Te Kawa, Tararua, New Zealand

Sa mga unang buwan ng 2010, naharap ako sa ilang mabibigat na personal na pagsubok. Iminungkahi ng bishop ko na makakatulong sa akin ang makipag-usap sa isang professional counselor. Nabigla ako sa mungkahi niya. Nagtatrabaho ako at nagsasanay sa larangan ng panggagamot sa adiksyon sa droga at alak, kaya naisip ko, “Para na nga akong counselor! Hindi ko kailangan ang tulong ng iba.”

Hirap pa rin ako sa ilang pagsubok—at sarili kong pagmamataas—nang sumapit ang pangkalahatang kumperensya ng Abril. Nagbigay ng mensahe si Elder James B. Martino ng Pitumpu na may pamagat na, “Lahat ng mga Bagay ay Nagkakalakip na Gumagawa sa Ikabubuti” (tingnan sa Liahona at Ensign, Mayo 2010, 101), na nakasentro sa pagharap sa mga paghihirap.

Naantig ako sa kanyang mensahe, at nagpasiya akong manalangin na magabayan sa dapat kong gawin. Nilisan ko ang kumperensya na may hangad na sumampalataya at magtiwala na gagabayan ako ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Sa loob ng dalawang linggo nagnilay-nilay ako at nanalangin at nagbulay-bulay at sa huli ay nagpasiya na subukang kumonsulta sa isang professional counselor. Nakatulong at maganda ang karanasang ito. Bukod pa rito, ang muling pagbabasa ng mensahe ni Elder Martino, pagpapasigla ng pagdarasal sa Ama sa Langit, at pag-asa sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagbigay sa akin ng walang-katapusang katiwasayan. Nagpapatotoo ako na ang mapagpakumbabang paghahanap sa Panginoon ang paraan sa tuwina upang makayanan ang mga pagsubok. Gagabayan Niya tayo upang malaman natin ang mga partikular na bagay na kailangan nating gawin.

Andrea Roueche, Texas, USA

Nagkaanak kami ng asawa kong si Collin noong Oktubre 2009. Nang limang buwan na ang anak naming si Eliza, pinag-usapan namin kung kailan siya isasali sa family home evening at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maganda bang mag-family home evening kapag gising siya? May mapapala ba siya talaga sa pagbabasa namin ng Aklat ni Mormon nang malakas?

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010, sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Anuman ang edad ng mga kabataan, maging ang mga sanggol, makatutugon at tumutugon sila sa diwa ng Aklat ni Mormon” (“Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Liahona at Ensign, Mayo 2010, 40).

Ang mga pagbabagong nagawa namin ay simple at paunti-unti. Regular kaming nagpapatugtog ng CD ng mga kanta sa Primary para kay Eliza. Nagbabasa kami ng ilang talata mula sa Aklat ni Mormon kasama siya sa oras ng pagkain. Nagsimula na kaming magkaroon ng panalangin ng pamilya bago matulog si Eliza. Kapag namamasyal, itinuturo ko ang mga ibon at sinasabi sa kanya, “Nilikha ni Jesus ang mga ibong iyon para sa atin.” Maaaring hindi pa niya maunawaan sa ngayon, ngunit darating din iyan.

Natuklasan ko na ang mga bagay na ito ay nakabawas sa pag-aalala ko para sa hinaharap. Nadama ko na kung gagawin ko ang aking tungkulin na turuan si Eliza ng dapat niyang malaman at sundin ang payo ng propeta, pagpapalain siya sa hinaharap.

Sela Fakatou, West Midlands, England

Sa aming pamilya, lahat ay abala. Kung minsan hindi kami nakikinig na mabuti sa isa’t isa o nagpapakita ng kabaitan o paggalang. Kaya sa paghahanda sa parating na pangkalahatang kumperensya, nagdasal kami para malaman kung paano kami higit na magkakalapit bilang pamilya.

Ang mensahe ni Elder Robert D. Hales na, “Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon” (tingnan sa Liahona at Ensign, Mayo 2010, 95), ang sumagot sa aming mga dalangin at tanong.

Naantig ako lalo na sa kuwento tungkol sa apong lalaki ni Elder Hales na nagtanong ng, “Lolo! Nandiyan po ba kayo?” Ipinaliwanag ni Elder Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang ibig sabihin ng nariyan ay nauunawaan ang nasa puso ng ating mga kabataan at nakikipag-ugnayan sa kanila. At ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay hindi lang pakikipag-usap sa kanila kundi paggawa din na kasama nila.”

Nagsikap kaming pagbutihin pa ang pag-uugnayan namin sa isa’t isa. Sa hapunan, pinag-uusapan namin ang mga nangyari sa maghapon. Pinag-uusapan namin ang mga pagsubok na kinakaharap namin at kung paano nakatulong ang mga natutuhan namin sa mga banal na kasulatan sa pagharap at pagdaig sa mga pagsubok na iyon.

Kinailangan naming sikaping makapaglaan ng oras sa mga pag-uusap na ito. Ngunit nang maging bahagi ng aming buhay-pamilya ang magagandang ugaling ito, nakadama ako ng espesyal na pagmamahal sa aking pamilya. Sa pagsunod ko sa payo ng propeta na natanggap ko sa kumperensya, napuno ng mga kasagutan sa iba pang mga tanong ang aking isipan, at nakakita ako ng mga paraan na magiging higit akong katulad ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayon lamang ako nakadama ng kapayapaan sa halip na pag-aalala.

Isang mensahe ni Elder James B. Martino sa kumperensya ang nagpalakas sa pananampalataya ni Anne Te Kawa ng New Zealand na manalangin para sa patnubay na kailangan niya.

Natagpuan nina Collin at Andrea Roueche ang mga sagot na hinahanap nila sa mensahe ni Elder David A. Bednar sa kumperensya.