Ang Kapangyarihan ng Tagapagpagaling
Mapapagaling ng Tagapagligtas ang nasaktang puso, hindi pagkakaunawaan, at pagkamuhi kung aasa tayo sa Kanyang salita at Pagbabayad-sala.
Noong Agosto 1978 naatasan akong dumalo sa isang stake conference sa Seoul, South Korea. Matapos ang pulong ng priesthood sa pamumuno, nasa pasilyo ako nang isang kapatid na babae na mga 60 taong gulang ang bumulong sa akin sa wikang Hapon, “Ayoko sa mga Hapones.”
Nagulat ako at nagtaka. Humarap ako sa kanya at sumagot sa wikang Hapon, “Ikinalulungkot ko na ganyan ang nadarama mo.” Inisip ko kung ano ang naranasan niya para maramdaman niya iyon. Ano ang nagawang mali ng aking mga kababayan sa kanyang mga kababayan?
Sa mensahe ko sa sesyon sa gabi ng stake conference, tinalakay ko ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang Kanyang dakilang sakripisyo. Ibinahagi ko sa mga miyembro ng stake ang kuwento tungkol kay Nephi at kung paano siya dinala ng Espiritu ng Panginoon sa mataas na bundok. Doon ay nakita niya ang punungkahoy ng buhay, na nakita ng kanyang amang si Lehi, at nakita niya roon ang sanggol na si Jesus (tingnan sa 1 Nephi 11:1–20). Pagkatapos ay tinanong siya ng isang anghel kung alam niya ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng kanyang ama sa pangitain.
Sumagot si Nephi, “Oo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay.” Idinagdag ng anghel, “Oo, at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23).
Ang pag-ibig ng Diyos ay matutulungan tayong daigin ang lahat ng diskriminasyon at hindi pagkakaunawaan. Tayo ay tunay na mga anak ng Diyos, at madarama ng ating kaluluwa ang Kanyang pagmamahal kung nais natin.
Diyos, nawa Kayo’y ibigin,
Sundan ang Inyong landas,
Aking kapwa ay tulungan,
Sa gawad Ninyong lakas.1
Sino Ako para Hatulan ang Iba?
Hindi ko ipinlano, pero sinimulan kong ibahagi ang kaugnayan ko sa mga Koreano. Sinabi ko sa kongregasyon na lumaki ako sa piling ng siyam na pinsan kong Koreano. Nagpupunta sila noon sa tahanan namin, at kaming magkakapatid ay madalas magpunta sa kanilang mga tahanan. Kumain ako ng mga pagkaing Koreano at natuto ng mga awiting Koreano. Nagpakasal ang aking tiya sa isang mabait na Koreano. Pinalaki nila ang kanilang mga anak sa Japan, sa mismong bayang kinalakhan ko.
Sa gitna ng aking mensahe, hiniling ko sa isang naroroon na saliwan ako sa piano sa pagkanta ng isang katutubong awiting Koreano kasama si Pangulong Ho Nam Rhee, ang unang stake president sa South Korea. Pagkatapos ay hiniling ko kay Pangulong Rhee na tulungan akong kantahin ang pambansang awit ng Korea, bagama’t bata pa ako nang huli kong kantahin ito. Napakatagal na panahon ko nang natutuhan ito sa aking tiyong Koreano, ngunit muli kong naalala ang mga titik. Pagkatapos ay hiniling ko sa kongregasyon na sabayan ako sa pagkanta. Tumayo silang lahat at kinanta ang maganda nilang pambansang awit. Marami ang napaluha, at nahirapan akong kumanta. Namayani ang kapanatagan at pagmamahal.
Sinabi ko sa mga miyembro ng stake na tulad ng pagmamahal ko sa aking mga pinsang Koreano, mahal ko rin sila—dahil lahat tayo ay mga anak ng Diyos, dahil lahat tayo ay magkakapatid sa ebanghelyo, at dahil sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:22, 25). Nadama naming lahat ang walang hanggang pagmamahal na iyon, at halos lahat sa kongregasyon ay napaluha. Sinabi ko sa kanila, “Mahal ko kayo bilang mga kapatid ko sa ebanghelyo.”
Pagkatapos ng sesyon sa gabi, nagsipila ang mga miyembro ng stake upang batiin ako. Ang huling tao sa pila ay ang 60-taong-gulang na Koreanong babae, na lumapit sa akin nang luhaan ang mga mata at humingi ng paumanhin. Ang Espiritu ng Panginoon ay napakalakas. Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpagaling ay umantig sa aming lahat, at nanaig ang diwa ng kapayapaan sa kongregasyon. Nadama ko na kabilang nila ako.
Kapwa ko’y ba’t hahatulan
Kung may sala rin ako?
May lumbay na ‘di makita
Nakakubli sa puso.
Binago ng Mensahe Mo ang Pag-iisip Ko
Tinawag ako bilang miyembro ng Pitumpu noong 1977. Mula noon nagkaroon na ako ng pribilehiyong mabisita ang daan-daang stake. Pagkatapos kong dumalo sa isang pulong ng priesthood sa pamumuno sa Taylorsville, Utah, isang malaking lalaki ang lumapit at bumulong sa akin na napatay ang kanyang kapatid sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at galit siya sa mga Hapones. Gayunman, kasunod ng kumperensya, nilapitan ako ng lalaking ito na luhaan ang mga mata. Umiiyak sa tuwang niyakap niya ako dahil ibinahagi ko kung paano ako naging miyembro at na mahal ko ang mga Amerikano at naantig siya rito.
Sa isa pang pagkakataon isang miyembrong babae ang lumapit sa akin sa isang stake conference sa Georgia, USA, at sinabing namatay ang kanyang ama sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ngunit pagkatapos ng pulong ay sinabi niya sa akin, “Kailangan kong humingi ng paumanhin sa inyo. Dahil napatay ng mga Hapones ang aking ama, nagkimkim ako ng galit sa puso ko.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Sabi ninyo sa amin napatay rin ang inyong ama sa digmaan, ngunit kalaunan ay tinanggap ninyo ang ebanghelyo, na nagpabago sa buhay ninyo. At ngayon sinasabi mo sa amin na mahal mo kami. Nakakahiya ako. Kahit ipinanganak na ako sa Simbahan, namumuhi pa rin ako sa mga kababayan ninyo hanggang ngayon. Ngunit binago ng mensahe ninyo ang pag-iisip ko.”
Marami akong gayong karanasan, marami na akong nakatagpong mga tao, at dahil sa ebanghelyo, minahal at naunawaan namin ang isa’t isa.
Lahat ng Bumabagabag sa Budhi Ko ay Napalis Na
Ilang taon ang lumipas sa fireside na kasunod ng pagbisita ko sa Adam-ondi-Ahman, hiniling ng superbisor ng mga service missionary sa lugar na ikuwento ko ang aking pagbabalik-loob. Ginawa ko iyon at pinasalamatan ko ang mga mag-asawang dumalo sa fireside sa paghahanda sa kanilang mga anak na magmisyon at pagdadala sa kanila sa aking pintuan.
Habang kinakamayan ko sila at naghahanda akong umalis, nagsalita ang superbisor. “Bago natin tapusin ang pulong na ito,” wika niya, “may ipagtatapat ako.” Hindi ko matandaan ang eksakto niyang sinabi, ngunit parang ganito ang sabi niya:
“Tulad ng alam ninyo, nagsilbi ako sa aking bansa bilang U.S. Marine noong bata pa ako. Habang nasa serbisyo, nakapatay ako ng maraming sundalong Hapones. Akala ko napagsilbihan ko nang tapat ang aking bansa, ngunit sa loob ng maraming taon, tuwing makakakita ako ng mga Oriental, lalo na’t mga Hapones, nakadarama ako ng matinding lungkot. Kung minsan hindi na ako makagawa. Kinausap ko ang ilang awtoridad ng Simbahan at isinangguni ang nadarama ko sa mga propesyonal na tagapayo.
“Ngayong kaharap ko sina Elder at Sister Kikuchi at ang kanilang anak, nagbalik ang mga alaala. Ngunit pinakinggan ko ang patotoo at salaysay ni Elder Kikuchi tungkol sa kanyang pagbabalik-loob, pagmamahal sa Panginoon at sa ebanghelyo, at pagmamahal sa ating lahat. Sabi niya galit siya sa mga Amerikano at mga Amerikanong sundalo ngunit binago ng ebanghelyo ang kanyang buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon na magpagaling. Nang marinig ko ito, tila narinig ko rin ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, ‘Tapos na. Pumanatag ka na.’”
Iniunat niya ang kanyang mga kamay, itinaas ang mga ito, at may luha sa kanyang mga matang sinabing, “Lahat ng bumabagabag sa budhi ko ay napalis na.” Nawala na ang aking pasanin!”
Lumapit siya sa akin at niyakap ako. Pagkatapos ay nagsilapit ang aming mga asawa, at nagyakapan kaming lahat at nag-iyakan.
Nalaman ko na mapapagaling ng Tagapagligtas ang nasaktang mga puso, hindi pagkakaunawaan, at pagkamuhi kung aasa tayo sa Kanyang salita at Pagbabayad-sala. Pinagagaling Niya tayo tulad ng pagpapagaling Niya sa mga Israelitang natuklaw ng ahas (tingnan sa Mga Bilang 21:8–9; 1 Nephi 17:41; Alma 33:19–21). Ang “kasiya-siyang salita ng Diyos … ang salitang humihilom sa sugatang kaluluwa” (Jacob 2:8), at “sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo” (Isaias 53:5; Mosias 14:5).
Kapatid ko’y iingatan;
At magbibigay-lakas.
Sa nalulumbay kong kapwa
Ang hatid ko ay lunas.
Bibigyan Kita ng 10 minuto
Ipinanganak ako sa isang maliit na komunidad sa hilagang pulo ng Hokkaido, Japan. Noong limang taong gulang ako, napatay ang tatay ko sa pag-atake ng isang submarinong Amerikano. Kinapootan ko ang mga Amerikano noong maliit pa ako. Lumaki ako nang gayon, na hindi talaga alam kung bakit nagkaroon ng digmaan.
Nang matapos ako ng junior high school, mahirap lang kami. Hindi na ako kayang pag-aralin ni Inay sa senior high school, kaya ipinasiya kong magtrabaho para patuloy akong makapag-aral. Walang makuhang trabaho sa munting bayan namin, pero nakakita ako ng trabaho sa pagawaan ng tofu (bean curd) na siyam na oras ang layo mula sa bahay namin sa Muroran, kung saan lumaki ang aking ina.
Araw-araw sa Muroran gigising ako nang alas-4:30 n.u., gagawa ng tofu hanggang tanghali, at saka ito ihahatid sa iba’t ibang tindahan hanggang alas-6:00 n.g. Pagkagaling sa trabaho maghuhugas ako, magbibihis, at tatakbo papasok sa panggabing paaralan. Uuwi ako ng bahay ng mga alas-10:30 n.g. at matutulog nang alas-11:00 n.g. Dahil nakakapagod ang iskedyul ko, hindi naglaon ay nanghina ako at nagkasakit.
Nakatira ako sa bahay ng may-ari ng pagawaan ng tofu, pero nagbitiw ako sa trabaho at nakiusap sa aking tiyo na kupkupin ako para matapos ko ang unang taon ko sa hayskul. Sa kabila ng pagpapagamot, nanatili akong maysakit. Hindi ko alam ang gagawin, at naging desperado ako at inakala kong mamamatay na ako. Nagdasal akong mabuti, at sinabi ko, “Kung may Diyos, maaari po bang basbasan Ninyo ako para gumaling na ako.” Pagkatapos ay nagdasal ako nang medyo mapangahas, “Kapag magaling na ako, gusto ko Kayong bayaran.”
Habang nasa bahay ako ng aking tiyo, dalawang dayuhan ang kumatok sa pinto isang gabi. Sila ay mga misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang isa, si Elder Law—ang senior companion—ay dating magsasaka sa St. Anthony, Idaho, USA; at ang isa naman, si Elder Porter—na bagong elder—ay mula sa Salt Lake City. Malamig, maulan, at halos madilim na, at handa na silang umuwi. Ngunit sa kung anong dahilan ay matiyaga silang kumatok sa mga pintuan.
Nang kumatok sila sa pintuan ko, nag-iisa ako. Binuksan ko ang pinto at sinabing, “Hindi, salamat.”
Mapagpakumbaba at mapilit ang mga binatang ito, pero muli kong sinabing, “Hindi, salamat.” Pagkatapos ay idinagdag ko, “Mga kalahi ninyo ang pumatay sa tatay ko.” Masama pa rin ang loob ko.
Hindi mapigil, itinanong ng elder na taga-Idaho ang edad ko. Sabi ko, “Ano ang kinalaman ng edad ko? Umalis na kayo.”
Sumagot siya, “Gusto naming ikuwento sa iyo ang tungkol sa isang batang kaedad mo na nakakita sa iyong Ama sa Langit at sa iyong Tagapagligtas na si Jesucristo. Gusto naming ibahagi ang kuwentong iyan.” Naroon lang ako sa pinto at hindi makakilos.
Sabi ko, “Sige, bibigyan ko kayo ng 10 minuto.”
Ang 10 minutong iyon ay labis na umantig sa akin at nagpabago sa buhay ko. Ang kuwentong ibinahagi ng mga misyonero ay napakalalim at napakaganda. Nalaman ko na ako ay anak ng Diyos at nagmula ako sa Kanya. Araw-araw na nagpunta ang mga elder dahil maysakit ako.
Sa mga talakayan namin, itinuro sa akin ng mga misyonero ang magandang ebanghelyo ng Panunumbalik. Ang ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng pag-asa at hangaring mabuhay. Ilang linggo matapos kumatok sa pintuan ko ang mga misyonero, nabinyagan ako.
Kapatid, nawa’y ibigin
Gaya ng pag-ibig N’yo,
Ang lakas Ninyo’t patnubay,
Laging aasahan ko.
O, aking Panginoon—
Kayo’y laging susundin.
Ang kapangyarihan ng Diyos na magpagaling ay kamangha-mangha, malalim, at maganda. Pinasasalamatan ko Siya sa Kanyang awa, pagmamahal, at mahimala at dakilang pagpapagaling. Pinasasalamatan ko Siya sa katotohanan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na sa pamamagitan ng Kanyang biyaya ay “nagbibigay ng kapangyarihan na mahugasan ang mga kasalanan, magpagaling, at magkaloob ng buhay na walang hanggan.”2
Pinatototohanan ko na ang mga salita ni Alma kay Zisrom sa Aklat ni Mormon ay totoo: “Kung naniniwala ka sa pagtubos ni Cristo ay gagaling ka” (Alma 15:8).