2011
Tagapagtanggol ng Pananampalataya
Marso 2011


Tagapagtanggol ng Pananampalataya

Si Kubangila Kasanza Celva ng Kinshasa, Democratic Republic of Congo, ay isang mahusay na manlalaro sa iba’t ibang team.

Mabilis na sinisipa-sipa ng tagasalakay ng kabilang team ang bola papunta sa net. Sigurado na siyang makakapuntos. Ngunit naabutan siya ni Celva, naggirian sila, at sinipa nito ang bola palayo, at tumakbo sa kabilang direksyon.

“Ako ang tagapagtanggol,” paliwanag ng 12-taong-gulang na si Celva. “Trabaho ko na pigiling makapuntos ang kalaban.”

Si Celva ang klase ng manlalaro na gusto mong kakampi. Tahimik lang siya pero may kumpiyansa, handang magsumigasig, at gusto niyang makitang magtagumpay ang buong team. Ang mga katangiang ito ang dahilan kaya mabuti rin siyang kasapi ng iba pang mga team—ang kanyang simbahan at kanyang pamilya. Gayundin ang kahandaan niyang ipagtanggol ang katotohanan.

Sina Celva at Nephi

Ang paboritong banal na kasulatan ni Celva ay ang 1 Nephi 3:7: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.” Tulad ni Nephi, tiwala si Celva sa Panginoon. “Hindi Niya ipagagawa sa akin ang isang bagay nang hindi naghahanda ng paraan para magawa ko ito. Palalakasin Niya ako at magpapadala ng ibang tutulong sa akin.”

Humayo at Gawin

“Mahalagang makinig sa itinuturo sa atin tungkol sa ebanghelyo,” sabi ni Celva. “Pero mahalaga ring gawin ang itinuturo sa atin.” Naaalala niya ang araw ng kanyang binyag at sinisikap araw-araw na gamitin ang kaloob na Espiritu Santo sa paggawa ng matatalinong pasiya. Katatanggap lang niya ng Aaronic Priesthood, at inaasam niyang makapunta sa templo balang araw para gumawa ng mga karagdagang tipan sa Panginoon, at plano niyang mag-full-time mission. Gusto niyang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanyang mga kapatid at paglingkuran ang kanyang ama’t ina.

“Iginagalang ko ang aking ama’t ina sa paggawa ng mga ipinagagawa nila sa akin at pagsunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit,” wika niya. “Bilang panganay na anak, alam ko na mahalagang magpakita ako ng mabuting halimbawa sa aking mga kapatid, dahil malamang na gawin din nila ang ginagawa ko.”

Pananatiling Malakas

Alam ni Celva na mahalagang magsumigasig, sa isports man o sa ebanghelyo. Pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan nang mag-isa o kasama ang pamilya, family home evening—lahat ay bahagi ng kanyang regular na gawain. Siya ay may patotoo sa Word of Wisdom at alam niya na may ilang pagkaing mabuti sa katawan at mayroong hindi. “Hindi dapat uminom ng serbesa ang mga atleta,” mariin niyang sabi.

Tunay na Tagapagtanggol

Sa pagsulong ng Simbahan sa hinaharap, nakatutuwang malaman na may matatatag na kabataang katulad ni Celva na sabik gumawa ng tama. “Alam ko na ang aking Ama sa Langit ay buhay, na si Jesucristo ay totoo, at na si Joseph Smith ang propetang nagpanumbalik ng ebanghelyo sa mundo,” sabi ni Celva. “Iyan ang patotoo ko at lagi kong ipagtatanggol ang Simbahan sa lahat ng paraan.”

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney