2011
Bakit Mahalaga ang mga Hanbuk?
Marso 2011


Bakit Mahalaga ang mga Hanbuk?

Nang ipaalam ng mga lider ng Simbahan ang dalawang bagong hanbuk at tumulong na ipaliwanag kung paano ipapatupad ang mga patakarang naroon nang idaos ang dalawang huling pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, sinagot din nila ang tanong na: bakit mahalaga ang mga hanbuk?

Kabilang sa maraming paraan na maaaring maging isang pagpapala ang mga hanbuk ng Simbahan ay: (1) mapapanatili ang katumpakan ng mga pamamaraan sa mabilis na pagdami ng mga miyembro, (2) mababawasan ang pasanin ng Unang Panguluhan, at (3) magkakaroon ng paghahayag sa lokal na administrasyon.

Katumpakan at Pagdami

Ang mga hanbuk ay tumutulong na mapanatili ang integridad ng mga patakaran, pamamalakad, at programa ng simbahan na nakararanas ng mabilis na pagdami ng miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo.

“Patuloy na nadaragdagan ang ating mga miyembro simula nang maorganisa ang simbahan noong 1830. At patuloy pa itong madaragdagan sa libu-libong ward o branch sa iba’t ibang dako ng mundo,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno noong Nobyembre 2010. “Halos imposibleng mapanatili ang integridad ng mga patakaran, pamamaraan, at programa ng Simbahan kung wala ang mga hanbuk na ito.”

Ang Pasanin ng Unang Panguluhan

Ang mga hanbuk ay tumutulong na mabawasan ang oras na ginugugol ng Unang Panguluhan sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa pamamaraan at pagwawasto ng mga maling pagpapatupad ng pamamaraan.

“Kapag nagmimiting kaming Unang Panguluhan sa aming regular na sesyon bawat linggo, dapat at kailangan naming harapin at iwasto ang mga kamalian,” sabi ni Pangulong Monson. “Karamihan sa mga pagkakamaling ito ay maiiwasan kung alam ng mga lider … ang nasa hanbuk at sinusunod ang mga patakaran at pamamaraang nakasaad dito.”

Sinabi ni Pangulong Monson na paminsan-minsan ang mga lider na may mabuting intensyon ngunit hindi pamilyar sa mga patakaran at pamamaraan ng Simbahan ay gumagawa ng mga desisyong humahantong sa nakapipinsalang paglihis sa mga programa ng Simbahan.

“Kayo man ay matagal nang miyembro ng Simbahan o bago pa lang, sumangguni sa hanbuk kapag hindi kayo sigurado sa isang patakaran o pamamaraan,” sabi ni Pangulong Monson. “Hindi kayo magkakamali kapag ginamit ninyo ang mga hanbuk.”

Tumutulong sa Paghahayag

Ang mga hanbuk ay tumutulong sa paghahayag kapag hinangad ng mga lokal na lider ang patnubay ng Espiritu sa pangangasiwa sa mga gawain ng Simbahan.

“Kapag alam ng mga lider ng Simbahan ang mga tungkulin nila at sumusunod sa itinakdang mga pamamaraan, inaanyayahan nila ang Espiritu Santo na bigyan sila ng inspirasyon at ang mga taong kanilang pinaglilingkuran,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pulong noong Nobyembre 2010.

Inilarawan ni Brother David M. McConkie, unang tagapayo sa Sunday School general presidency, ang kahalagahan ng mga hanbuk sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Habang sinasanay ng isang Area Seventy bilang bagong stake president, sunud-sunod ang tanong ni Brother McConkie na, sa kanyang pagkapahiya, ay nasagot na lahat sa mga hanbuk.

“Hindi na ako nagtangkang magtanong pa. Naisip ko na pinakamabuting basahin na lang ang hanbuk,” sabi ni Brother McConkie. “Taliwas sa tuntunin ng langit na ulitin ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang naihayag na Niya sa ating lahat” (“Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 13)

Upang makita ang video, teksto, at audio ng pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno noong Nobyembre 2010 at Pebrero 2011 sa 40 wika, bisitahin ang bahaging Serving in the Church ng LDS.org.

Ang mga lider ng Simbahan na pamilyar sa mga hanbuk at sumusunod dito ay nag-aanyaya ng patnubay ng Espiritu Santo para magkaroon sila ng inspirasyon.

larawang kuha ni Welden C. Andersen