Pagdadala sa Tahanan ng Natutuhan sa Primary
Ang Ama sa Langit ay Nangungusap sa Atin sa Pamamagitan ng Kanyang mga Propeta
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko; … maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito upang matuto pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
Kung hihilingin ninyo sa isang tao na magbigay ng mahalagang mensahe sa mga taong mahal ninyo, anong uri ng tao ang hihilingan ninyo? Malamang na ang piliin ninyo ay isang taong tapat, responsable, at mapagkakatiwalaan.
Ibinibigay ng Ama sa Langit ang Kanyang mensahe sa Kanyang mga anak sa lupa sa pamamagitan ng mga propeta. Alam Niya na ang Kanyang mga propeta ay tapat, responsable, mapagkakatiwalaan, at mabubuti.
Sa mga banal na kasulatan mababasa natin ang mga isinulat ng maraming propeta na nagsulat ng mga inspiradong mensaheng ibinigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Pag-aralan natin ang ilan sa mga isinulat ng mga propeta sa mga banal na kasulatan.
Ipinabatid ni Malakias sa mga tao ang mensahe ng Panginoon tungkol sa pagbabayad ng mga ikapu at handog (tingnan sa Malakias 3:8–10).
Iniwan ng Nakababatang Alma ang kanyang tungkulin bilang punong hukom upang maging misyonero sa buong lupain (tingnan sa Alma 4:15–20). Ibinahagi niya ang mensahe ng Diyos sa maraming tao.
Ibinigay ni Moroni ang mensahe ng Ama sa Langit sa ating lahat nang ibigay niya sa atin ang pangakong ito tungkol sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon: “Kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).
Si Joseph Smith ay binigyan ng natatanging mensahe ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20). Ang buhay ni Joseph Smith ay ginugol sa pagpapahayag ng mensaheng iyan sa lahat ng tao.
Mapalad tayong magkaroon ng propeta ngayon. Maririnig natin ang mga mensahe ng Ama sa Langit kapag nakinig tayo sa propeta.
Aktibidad
Gupitin ang mga piraso ng papel na may mga larawan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Idikit ang mga dulo ng papel sa unahan ng kasunod na papel. Itupi-tupi sa mga linya ang papel para makagawa ng buklet.
Gamit ang listahan sa ibaba, isulat ang pangalan ng bawat General Authority sa ilalim ng kanyang larawan. Makinig sa kanilang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at itala sa buklet. Ibahagi ang inyong mga ideya tungkol sa pangkalahatang kumperensya sa hapunan ng pamilya o family home evening.