Home Teaching at Visiting Teaching: Isang Gawain ng Paglilingkod
Bago sa home o visiting teaching? Isaalang-alang ang siyam na mungkahing ito.
“Alam ko na katapusan na ng buwan, at pasensya na at hindi tayo nagkaroon ng pagkakataong matalakay ang Mensahe sa Visiting Teaching,” sabi ng visiting teacher ni Sister Julie B. Beck. Ngunit maging habang sinasabi niya ito, papaalis siya sa tahanan ng pangkalahatang pangulo ng Relief Society na dala ang isang basket ng mga plantsahing tatapusin at ibabalik kay Sister Beck. “Sa palagay mo ba maibibilang natin ito?” nag-aatubiling tanong niya kay Sister Beck.
Nang ikuwento ni Sister Beck ang pangyayaring ito, napaluha siya nang kanyang itanong, “Paano napakiramdaman ng mabuting kaibigan at masigasig na visiting teacher na ito na hindi pa ako nabisita at napangalagaan? Hindi lang ito ang unang pagkakataong nagpunta siya para tugunan ang isang pangangailangan sa buwang iyon. Paano niya hindi natatanto na palagi niya akong pinaglilingkuran at pinagpapala ang aking pamilya? Ang kanyang pagmamalasakit at pag-aalala sa akin ang pinakamagandang halimbawa ng visiting teaching. Talagang maiuulat niya na nabisita na ako!”
Tulad ng inilalarawan ng karanasan ni Sister Beck, ang visiting at home teaching na binigyang-inspirasyon ay higit pa sa pormal na pagbisita at hindi kailanman natatapos. Ang home at visiting teaching ay higit na tungkol sa pangangalaga sa mga tao kaysa pagkumpleto ng gawain, at kapag nagawa nang tama, sagisag ito ng pagmamalasakit at hindi ng dami ng nabisita. Ang mga gawaing ito ay naglalaan ng pangangalaga at paglilingkod sa isa’t isa tulad ng pagmiministeryo ng Tagapagligtas. Narito ang ilang mga ideyang maaaring makatulong sa inyo:
-
Alamin kung sino ang inyong bibisitahin at sino ang inyong kompanyon. Dapat ibigay sa inyo ng mga lider ng priesthood o Relief Society sa inyong ward o branch ang pangalan ng bawat pamilya o taong pinabibisita sa inyo at ang impormasyon kung paano sila kontakin. Ipakilala ang inyong sarili sa inyong kompanyon at sa mga taong binibisita ninyo at magsimulang makipag-ugnayan.
-
Bumisita. Makipagkita sa bahay ng tao kung maaari. Kung hindi maaari, isiping makipagkita sa tao malapit sa kanyang pinagtatrabahuhan, maglakad-lakad kayo nang magkasama, o magkita-kita kayo bago o pagkatapos ng mga pulong sa araw ng Linggo. Turuan at pasiglahin ang isa’t isa—marahil ay simula sa Mensahe ng Unang Panguluhan o sa Visiting Teaching. Ibahagi ang inyong patotoo. Ibahagi ang nangyayari sa inyong buhay. Magkaroon ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagiging magiliw at mapagmalasakit. Makinig nang taos-puso. Panatilihing kumpidensyal ang ipinagkatiwala sa inyo ng iba. Patuloy na maging kaibigan, dahil madalas itong humantong sa higit na pagtitiwala.
-
Manalangin kasama ang inyong tinuturuan at ipagdasal sila. Maaaring angkop na itanong sa pagtatapos ng inyong pagbisita, “Maaari ba tayong manalangin nang sama-sama?” Ang puno ng tahanan ang dapat pumili ng magdarasal. Sa mga araw at linggo sa pagitan ng mga pagbisita, patuloy na ipagdasal ang inyong binibisita. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit upang malaman kung paano sila pangangalagaan at mamahalin.
-
Maglingkod. Magmasid at alamin ang mga pangangailangan. Halimbawa, kung ang miyembrong babaeng binibisita ninyo ay may darating na pagsusulit sa paaralan, marahil ay maaari ninyo siyang lutuan ng pagkain anumang araw ng linggong iyon para mas marami siyang oras na mag-aral. Kung ang miyembrong lalaking binibisita ninyo ay naghahanap ng trabaho, ipakilala siya sa mga taong maaaring makatulong sa kanya.
-
Magtanong ng mga bagay na makakatulong. Ang mga tanong ay maaaring humantong sa mga pagkakataong magbigay ng kapanatagan, magbahagi ng kaugnay na alituntunin ng ebanghelyo, at magbigay ng makabuluhang paglilingkod. Maaari ninyong itanong: “Ano ang alalahanin o problema mo?” “Ano ang mga tanong mo tungkol sa ebanghelyo?” O maaari kang maging partikular: “Maaari ka ba naming tulungan sa isang gawaing-bahay?” “Gusto mo bang ihatid ka namin sa tindahan o sa doktor?” Ang mga tanong ay kadalasang nagdudulot ng mas magandang resulta kaysa magsabi lang ng, “Tawagan mo kami kung may kailangan ka.”
-
Maghangad ng inspirasyon. Matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung paano tulungan ang mga tinuturuan ninyo. Maaari kayong mabigyang-inspirasyon sa pagtalakay ng mga paksa o mag-alok ng tulong. Kapag nakilala na ninyo sila nang husto, maaari kayong mabigyang-inspirasyon na hikayatin ang mga binibisita ninyo na tumanggap ng iba pang mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo o makibahagi pa sa lahat ng pagpapalang bigay ng ebanghelyo.
-
Iulat ang tamang impormasyon. Iulat ang temporal at espirituwal na kapakanan ng inyong binibisita, anumang ibinigay na paglilingkod, at anumang pangangailangan. Iulat ang mga kumpidensyal na bagay nang diretso sa pangulo ng Relief Society o korum.
-
Makipag-ugnayan sa inyong kompanyon. Kasama ang inyong kompanyon, hatiin ang mga assignment kung kailangan para makausap at mapangalagaan ang mga binibisita. Maaari kayong maghalinhinan sa pagbisita, paglilingkod, at pag-uulat ng kapakanan ng inyong mga tinururuan.
-
Alalahanin. Subaybayan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng inyong mga binibisita, tulad ng mga kaarawan at maging ang pang-araw-araw na pangyayaring maaaring mahalaga sa kanila.