Sa Wakas ay Nakahanap Ako ng Simbahan
Barbara De Giglio, Lombardy, Italy
Halos buong buhay akong nakadama ng kahungkagan at umasam ng isang matibay na kakapitan. Inakala ko na matatagpuan ko ang aking hinahanap sa isang simbahan, kaya mula noong bata pa ako, marami akong siniyasat na relihiyon at pilosopiya. Marami sa mga ito ang maganda at puno ng mabubuting tao. Ang ilan sa mga ito ay kakatwa at walang maibigay na katulad ng hinahanap ko.
Matapos ang maraming taon ng pagsasaliksik, nabagot ako at pinanghinaan ng loob, kaya sumuko ako. Ipinasiya kong magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa sarili kong sikap at lumayo sa inorganisang relihiyon.
Nang magawa ko na ang pasiyang ito, nanonood ako ng isang programa sa telebisyon na nakatuon sa espirituwalidad. Iniinterbyu ng host ng programa ang isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Habang pinakikinggan ko ang pamilyang ito, nadama ko ang pagmamahal at matibay na pananampalatayang matagal ko nang hinahanap. Natuwa rin akong malaman na lubos na pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling araw ang pamilya. Siguro isang simbahan pa ang sisiyasatin ko.
Sa bandang ibaba ng screen ng telebisyon nakasulat ang numero ng telepono ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Milan. Tinawagan ko ito at nakipag-usap sa ilang miyembro sa stake center, na nag-iskedyul ng mga misyonero na tawagan ako.
Abalang-abala ako sa panahong iyon, kaya nang tumawag ang mga misyonero para makipag-appointment, itinanong ko kung maaaring tawagan ko na lang sila pagkaraan ng ilang linggo kapag maayos na ang lahat. Pumayag sila at ibinigay sa akin ang numero ng telepono ng Relief Society president sa lugar, na tumawag sa akin at inanyayahan akong pumunta sa simbahan sa Linggo. Pumunta ako, at nagustuhan ko ang lahat ng naroon: ang mga aralin, mga tao, at ang kapaligiran. Umalis ako na masayang-masaya.
Nagsimba ako tuwing Linggo sa sumunod na dalawang buwan. At noong Oktubre 2008, nabinyagan ako. Hindi lamang natapos ang aking pagsasaliksik; nakumpleto pa ito. Hindi na ako nakaramdam ng uhaw at pag-asam na tulad ng dati.
Lubos ang pasasalamat ko na natagpuan ko na ang katotohanan, ngunit kahit paano ay nalulungkot ako dahil napakatagal bago ko natagpuan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa mga naranasan ko sa pagsasaliksik. Dahil maraming lugar akong pinaghanapan, mas nakuntento ako batid na natagpuan ko na ang tamang lugar—ang lugar kung saan ako kabilang.