Mga Klasikong Ebanghelyo
Huwag Magpalinlang
Si Joseph Fielding Smith, ika-10 Pangulo ng Simbahan, ay isinilang noong Hulyo 19, 1876. Siya ay inorden na Apostol noong Abril 7, 1910, at sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan noong Enero 23, 1970. Sa mensaheng ito, na ibinigay noong 1953, itinuro ni Pangulong Smith sa mga kabataan kung paano hindi malinlang ng mga maling paniniwala ng mundo.
Mula sa “Entangle Not Yourselves in Sin,” Improvement Era, Set. 1953, 646–47, 671–72, 674, 676–78; pinagpare-pareho ang pagpapalaki ng mga letra at pagbabantas.
Kung binabago ng ilang tao ang kanilang mga pamantayan para makasunod sa uso, dapat tayong patuloy na manindigan sa mga banal na kasulatan at magpahayag ng mga katotohanan ng ebanghelyo.
Nabubuhay tayo sa isang napakagulong mundo, at magsasalita ako nang maliwanag: nabubuhay tayo sa isang mundong tumalikod na sa Diyos o malapit nang gawin iyon. Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan ang mga Kristiyanong ministro ng iba’t ibang relihiyon ay takot na sa mga pilosopiya ng tao at, samakatwid, dahil wala sa kanila ang Espiritu ng Panginoon, sinikap nilang baguhin ang mga banal na kasulatan, o ang kahulugan ng mga banal na kasulatan, nang sa gayon ay maiakma nila ang mga ito sa mga maling haka-hakang laganap ngayon sa mundo, mga haka-hakang ganap na taliwas sa banal na paghahayag; subalit ang mga taong ito, na takot, at nagpapatangay sa impluwensya ng maling pilosopiya, ay binabago ang mga doktrina upang umakma sa mga haka-haka at ideyang ito na hindi nakasalig sa Diyos. Hindi natin magagawa iyan. …
“Ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan; gayunman, darating ang araw na inyong mauunawaan maging ang Diyos, sapagkat binuhay sa kanya at sa pamamagitan niya.
“Pagkatapos ay malalaman ninyo na inyong nakita ako, na ako nga, at na ako ang tunay na liwanag na nasa inyo, at kayo ay nasa akin; kung hindi kayo ay hindi mananagana” (D at T 88:49–50).
Napakagandang paghahayag nito. Sakop nito ang napakaraming bagay na napakahalaga sa bawat miyembro ng Simbahan. Ilan kaya sa atin ang nakabasa na ng bahagi 88? Huwag lamang ito ang basahin ninyong bahagi. Gawin ninyo itong tema—wala nang mas gaganda pa riyan—ngunit basahin ang buong paghahayag. Hindi! Basahin ang buong aklat. Iniutos ng Panginoon sa pinakaunang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, na siyang pambungad na pananalita ng aklat na ito, ang pambungad na pananalita ng Panginoon:
“Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat” (D at T 1:37). “Saliksikin ang mga kautusang ito.” Gaano natin kamahal ang Panginoon? Ano ang pinakadakila sa lahat ng kautusan? Sinabi sa atin ng Panginoon dito, sa bahagi 59 ng Doktrina at mga Tipan, kung ano ito, ayon sa pag-aangkop Niya rito sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon:
“Dahil dito, binibigyan ko sila [ang mga miyembro ng Simbahan] ng isang kautusan, nagsasabi nang ganito: Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesuscristo paglingkuran ninyo siya ” (D at T 59:5). …
Kaya ang una sa lahat ng kautusan ay mahalin ang Diyos nang ating buong kaluluwa at, sa pangalan ni Jesucristo, ay paglingkuran Siya, at inutusan Niya tayo na maging pamilyar sa mga katotohanang ito na inihayag sa atin sa dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon.
Ilan sa atin ang nakagawa na nito? Kaya sinasabi ko sa inyo, at sa lahat ng miyembro ng Simbahan, huwag isalalay ang inyong pag-unawa sa iisang talata [D at T 88:86, na tema ng Mutual sa taong iyon], na isang napakagandang tema, kundi saliksikin ang mga banal na kasulatan nang hindi kayo malinlang ng mga maling haka-haka at gawi at doktrinang laganap sa mundo ngayon. Kung gagawin ninyo ito, kung isasapuso ninyo ang patnubay ng Espiritu ng Panginoon na karapatang makamit ng bawat miyembro ng Simbahan, ang pagsama ng Espiritu Santo, hindi kayo maililigaw ng mga haka-haka ng tao dahil sasabihin sa inyo ng Espiritu ng Panginoon na ang mga ito ay mali, at pagkakalooban kayo ng kakayahang makahiwatig upang kayo ay makaunawa. …
Ngayon, kung nauunawaan ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, ito ay magpapalaya sa inyo. Kung ang paglalaro ninyo ng softball, volleyball, basketball, foot racing, pagsasayaw, at iba pang mga libangan ay walang Espiritu ng Panginoon, hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo. Gawin ang lahat nang may panalangin at pananampalataya. Palagay ko iyan ang nararapat—marahil hindi na kailangang sabihin ko pa ito—ngunit hayaang mangyari ito. Gawin ang lahat na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, at magturo tayo upang mapatibay at mapalakas ang ating sarili at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.