2011
‘Ang Pagibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman’: Isang Talakayan tungkol sa Relief Society
Marso 2011


“Ang Pagibig SA KAPWA AY Hindi Nagkukulang Kailanman”: Isang Talakayan sa Relief Society

Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindawalang Apostol at kanyang asawang si Patricia T. Holland, ay nagbahagi ng kanilang mga ideya tungkol sa papel na ginagampanan ng Relief Society.

“Hindi ko mawari ang buhay nang walang Relief Society,” sabi ni Patricia T. Holland sa isang interbyung ginawa ng patnugutan ng mga magasin ng Simbahan tungkol sa kahalagahan ng Relief Society. “Iyan ay dahil hindi ko mawaring mabuhay nang walang ebanghelyo, at Relief Society ang lugar na marami akong natutuhan tungkol sa ebanghelyo.”

Kinikilala ni Sister Holland at ng kanyang asawang si Elder Jeffrey R. Holland ang kapangyarihan ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Pinasasalamatan din nila ang impluwensya ng Relief Society sa pagbubuo ng matatag na tahanan. “Ang Relief Society ay lakas na ng Simbahan noon pa man,” sabi ni Elder Holland. “Lagi itong handang maglaan ng anumang kailangan sa bawat yugto ng pag-unlad ng Simbahan. Ngayon ang kontribusyon nito ay higit na tumindi dahil sa mahirap na panahon ng ating buhay. Hindi lamang ito isang programa. Ito ang ebanghelyo—ang ebanghelyong ipinamumuhay ng ating mga kahanga-hangang kababaihan. Sa mahihirap na panahon natatanto nating inilalaan nito sa mga miyembro nito, pati na rin sa Simbahan sa kabuuan, ang tulong na kailangan natin.”

Ibinahagi rito nina Elder at Sister Holland ang kanilang mga ideya tungkol sa Relief Society at sa lakas na nagmumula sa mga pamilya at sa mga ward at branch kapag nagtutulungan ang mga lider ng priesthood at Relief Society.

Ano ang papel ng Relief Society sa pagpapalakas ng pananampalataya at mga pamilya?

Sister Holland: Higit na kailangan ngayon ang Relief Society kaysa rati dahil sa mga pagsubok na kinakaharap natin sa mundo ngayon. Ang kababaihan ng Simbahan ay mas kailangang maging matwid, mamuhay nang malapit sa Espiritu, at maging tapat. At kailangan din ng kababaihan ang isa’t isa, upang manatili silang sumasampalataya.

Elder Holland: Ang ginagawa ng Relief Society ay tumutulong sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kakaiba at napakahusay na paraan, sa espesyal na tinig ng kababaihan. Ang Relief Society ay isa sa mga kasangkapang maghahatid ng mga doktrina at pinahahalagahan ng ebanghelyo sa buhay ng kababaihan. Gayunpaman, tandaan na ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay hindi lamang para sa kababaihan. Ang pagmamahal, pag-ibig sa kapwa, at habag gayundin ang lakas, pamumuno, at kakayahang magpasiya ay pawang mga katangian ng ebanghelyo. Dapat nating taglaying lahat ang marami sa mga katangiang ito hangga’t kaya natin, kalalakihan at kababaihan man.

Bawat isa sa atin na ipinamumuhay ang ebanghelyo ay isang indibiduwal—isang anak na babae o lalaki ng Diyos. Bilang miyembro, dapat tayong maging matatag. Walang organisasyong mas tatatag pa kaysa mga miyembro nito, walang tahanang mas titibay pa kaysa pundasyon nito.

Sister Holland: Kapag iniisip ko ang lahat ng pagpapalang natatamo nating lahat bilang mga Banal sa mga Huling Araw sa ating mga templo, ward at branch, buhay may-asawa, at pamilya, natatanto ko na nakasalalay itong lahat sa kung paano nagtutulungan ang priesthood at Relief Society—ang kalalakihan at kababaihan—sa tahanan at maging sa Simbahan.

Elder Holland: Umuuwi ang kababaihan ng Relief Society tuwing linggo at ibinabahagi sa kalalakihan sa kanilang buhay ang natutuhan nila. Gayundin, ang aking asawa’t mga anak na babae ay pinagpala sa paglipas ng mga taon ng mga turo ng priesthood na natutuhan namin ng aking mga anak na lalaki.

Sister Holland: Palagay ko masasabi, kung iisipin ang mga pagsubok na kinakaharap ng kababaihan at mga pamilya ngayon, na walang organisasyon sa mundo na higit na makakatulong sa hinaharap maliban sa Relief Society. Kailangan nating suportahan ang kababaihan ng Simbahan sa tungkulin nila bilang mga lider at “tagapangalaga” ng kapakanan ng mga bata, lalo na ngayong nakikita natin na nawawasak ang mga pamilya. Kailangan nating kumilos nang sama-sama, magkakapit-kamay, upang maisagawa ang gawain.

Paano kayo napalakas ng Relief Society at ang inyong pamilya?

Sister Holland: Nagsimulang makaimpluwensya sa akin ang Relief Society bago pa man ako isinilang dahil ang nanay at lola ko ay kapwa naglingkod sa Relief Society. Noong bata pa ako, natuto ako sa kanila. Nais ko silang tularan. Ikinuwento nila sa akin ang aking lola-sa-tuhod na si Elizabeth Schmutz Barlocker, na naglingkod bilang pangulo ng Relief Society nang 40 taon. Ibinigay niya ang lahat, pati na ang sarili niyang pagkain at damit, para sa kanyang mga kapatid sa ebanghelyo. Sumampalataya siya na pangangalagaan at bibiyayaan siya ng Diyos sa paglilingkod na ito, at gayon nga ang nangyari. Ang halimbawa ng tatlong babaeng ito at ang paglilingkod nila sa Relief Society ay inspirasyon pa rin sa akin ngayon.

Elder Holland: Hindi pa ako nakadalo sa Relief Society, pero hinubog ako nito sa aking paglaki. Naglingkod ang aking ina sa aming ward Relief Society presidency noong tinedyer ako. Malaking bagay sa isang binatilyo ang mamasdan ito. Totoong maipapasa sa atin ng ating mga ninuno ang mga pagpapalang iyon at mabibiyayaan ang ating mga anak at apo.

Ngunit nagkaroon din ako ng patotoo sa Relief Society dahil sa aking asawa. Ipinagmamalaki kong maging asawa ang isang dating Relief Society president. Tuwiran akong nabiyayaan dahil sa kanyang katapatan. Alam ko nang pakasalan ko si Patricia Terry kung anong klase siyang babae dahil nakita ko siyang maglingkod sa Panginoon. Tinanggap niya at ginampanan ang responsibilidad sa simbahan. Para sa akin kahanga-hanga siya. Ngayon ang mga pinahahalagahan at mabubuting asal na iyon ay nagpapala sa aming mag-asawa at sa aming mga anak. Kaya, pinagpala ba ako ng Relief Society? Oo!

Paano magtutulungan ang mga lider ng priesthood at auxiliary para mapalakas ang ward o branch?

Sister Holland: Ang Relief Society ay inorganisa ayon sa pagkakaayos ng priesthood. Ipinapakita nito ang magandang pagkakatulad ng Priesthood at Relief Society at pinatitibay ang ideya na pinag-iibayo ng kalalakihan at kababaihan ang kabutihan ng isa’t isa. Kailangan ng kalalakihan ang tulong ng kababaihan, at kailangan ng kababaihan ang tulong ng kalalakihan. Natututuhan nating mabuti iyan sa templo. Ang mga ward at branch ay mas lalakas kapag mas nagtulungan ang mga lider ng priesthood at auxiliary. Nakita natin ang lakas ng mga ward council meeting sa bawat lugar na kinaroroonan natin.

Ang kalalakihan at kababaihan ay pawang mga bahagi ng katawan ni Cristo, at napakagandang maging bahagi niyon! Natutuhan natin sa mga banal na kasulatan na “kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27) at “hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan” (I Mga Taga Corinto 12:21).

Elder Holland: Dahil kumplikado ang mga isyu ng panahon, kailangang magtulungan ang mga lider ng ward o branch. Ang bishop ang may hawak ng mga susi ng priesthood para pamunuan ang ward. Ang ward o branch council meeting ang lugar kung saan idinaraos ang mga kailangang koordinasyon. Kapag mas mahusay ang patakbo ng council, mas mahusay ang patakbo ng Simbahan. Totoo ito sa bawat ward o branch.

Magagamit ng bishop ang oras ng ward council meeting para masuri niya at ng ibang mga lider ng ward ang mga pangangailangan ng ward. May mga miyembro bang may temporal na pangangailangan? Naghahanda bang magmisyon ang isang binatilyo? Naghahanda bang makapunta sa templo ang mga mag-asawa? Ano ang maitutulong natin bilang ward council?

Tandaan na hindi maihihiwalay ang mga alalahanin ng isang ina sa mga pangangailangan ng kanyang asawa’t mga anak. Sa pamamagitan ng mga visiting teacher, nakikita ng Relief Society president ang mga pangangailangan ng buong pamilya at ng bawat miyembro nito. Napakalaking tulong niyan na makukuha sa ward council.

Paano matutulungan ng Relief Society ang Simbahan na matugunan ang mga hamon ng ika-21 siglo?

Elder Holland: Ang malungkot na kalagayan ng ekonomiya ngayon sa buong daigdig ay nagpabago sa kabuhayan ng mga tao. Subalit ang pagtuturo ng mga alituntunin ng pagkakawanggawa at masinop na pamumuhay ay bahagi na ng Relief Society noon pa man. Maaaring isipin ng daigdig na makaluma ang pagbobote ng prutas o paggawa ng kubrekama sa ika-21 siglo. Subalit ngayon mismo ay maraming taong gutom at giniginaw. Para sa kanila, ang nakaboteng prutas at mainit na kubrekama ay hulog ng langit. Ang masinop na pamumuhay ay hindi mawawala sa uso kailanman. Hindi ito pagbalik sa ika-19 na siglo kundi ang direksyong dapat nating patunguhan sa pagsulong sa ika-21 siglo. Maraming sagot ang mga kasanayan at ideyang angkin na ng Relief Society noon pa man sa mga hamong kinakaharap natin sa buong daigdig.

Ang pamantayang “Ang Pagibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman” ay mapagkakaisa ang buong sangkatauhan. Hindi ito programa—ito ay malinaw na panawagan ng ebanghelyo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 14:8–10). Hindi kailanman nagkukulang ang ebanghelyo, kaya nararapat lang na “Ang Pagibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman” ang sawikain ng Relief Society (I Mga Taga Corinto 13:8). Pinatitibay nito ang katotohanan na ang kalalakihan at kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay iisa ang mithiin—ang magpunyaging maging mga disipulo ni Cristo.

At kung iihip ang hangin, iihip ang hangin. Kung babagyo, babagyo. Ebanghelyo palagi ang sagot, anuman ang tanong. Lagi itong mananaig. Itinayo tayo sa bato na si Jesucristo, at ang Kanyang ebanghelyong sintigas ng bato ang tutulong sa atin sa mahihirap na panahon.

Sister Holland: Palagay ko nasa puso ng kababaihan ang hangaring maglingkod sa ibang nangangailangan. Hindi mahalaga kung ang babae ay bata o matanda, may asawa o wala. Relief Society ang nagbibigay ng lubusang pagkakataon sa kanya na makapaglingkod dahil lagi nang may ibang mga taong nangangailangan. Gayundin, may panahon na bawat babae ay kakailanganing mapaglingkuran. Tunay na “Ang Pagibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman” ay isang walang hanggang alituntuning may matinding mensaheng maipamumuhay ninuman.

Elder Holland: Alalahanin natin na hindi lamang mga miyembro ng Simbahan ang pinaglilingkuran ng Relief Society. Sinisikap nating lahat na kalingain ang mga miyembro natin, ngunit ang malaking kapatiran ng Relief Society—at lalo na ang mahabaging paglilingkod—ay walang hangganan. Tumutulong iyan sa atin na makipag-ugnayan sa ating kapitbahay na hindi natin kasapi o makilahok sa isang aktibidad para tumulong sa isang eskuwelahan sa bayan o sa pagkakaroon ng malinis at ligtas na kapaligiran sa ating sambayanan at komunidad.

Anong papel ang gagampanan ng Relief Society sa hinaharap?

Sister Holland: Malinaw na mahalaga ang papel na gagampanan ng Relief Society sa hinaharap. Kapag mas nagdidilim ang daigdig, mas magniningning ang liwanag ng ebanghelyo. Relief Society ang susi sa pagtuturo ng mga doktrina ng ebanghelyo sa ating kababaihan. Ang pinakamahalaga sa mga turong iyon ay na ang Diyos, na ating Ama sa Langit, ay ipinadala ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, sa lupa. Ang Kanyang Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at halimbawa ay tinuturuan tayong sumampalataya sa Kanya, magsisi, makipagtipan, at magmahalan. Si Jesucristo ang liwanag na hindi kailanman nagdidilim—ang maningning na liwanag na tatagos sa kadiliman.

Elder Holland: Sabi sa Mateo 7:16, “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila.” Halimbawa, kahit noong bata pa ang aming mga anak, nakikita nila ang katapatan ng kanilang ina sa ebanghelyo at ang papel na ginagampanan dito ng isang babae. Madalas niya silang kasama habang pinaglilingkuran niya ang kanyang mga kapatid sa Relief Society. Kung minsan kinailangan nilang ipagdasal na umandar ang luma naming sasakyan. Nakita nila siyang suot ang kanyang lumang pangginaw at dahan-dahang lumalakad sa niyebe para alagaan ang mga kapatid sa Relief Society sa New England. Maliliit pa sila noon, ngunit hindi nila iyon nalimutan. Nakita nila ang sakripisyo at katapatan ng kanilang ina, at dahil diyan ang aming anak na babae ay isang Banal sa mga Huling Araw na naglilingkod nang tapat, at ang aming mga anak na lalaki ay may malaking paggalang at paghanga sa katapatan ng aming mga manugang na babae. Malinaw sa halimbawa ng kanilang ina na alam ng aming mga anak ang mahalaga at dakilang papel ng kababaihan sa kanilang buhay at sa kaharian ng Diyos.

Gayundin, sasandig ang iba sa halimbawa ng “mga bunga” ng buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw—mga bungang nakakamtan kapag nagsisikap tayong maging mga disipulo ng Diyos na buhay. Ito ang ningning na hindi kailanman magdidilim. Maningning ang hinaharap ng Relief Society dahil ang ebanghelyo ay maningning. Ang liwanag ng kaharian ng Diyos ay hindi kailanman maglalaho. At habang dumarami ang mga pangangailangan ng tao, ang malakas na panawagan ng ebanghelyo ay patuloy na maririnig. Nasa unahan ng mga maydala ng mensaheng iyon at naglalaan ng mapagkawanggawang kontribusyon ang matwid na kalalakihan ng priesthood at kababaihan ng Relief Society ng Simbahan.

Kaliwa: larawang kuha ni Welden C. Andersen © IRI; mga paglalarawan nina Matthew Reier at Craig Dimond