Mga Pagpapala ay Bilangin
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2007.
Ang paglimot sa Diyos ay matagal nang problema ng Kanyang mga anak mula pa nang likhain ang mundo. Isipin ang panahon ni Moises, nang magpakain ng mana ang Diyos at sa mahimala at kitang-kitang mga paraan ay inakay at pinrotektahan ang Kanyang mga anak. Binalaan pa rin ng propeta ang mga tao: “Magingat … baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata” (Deuteronomio 4:9).
Humanap ng mga paraan para makilala at maalala ang kabaitan ng Diyos. Palalakasin nito ang ating patotoo. Naaalala ba ninyo ang awiting kinakanta natin kung minsan: “Mga pagpapala ay bilangin mo; mamamangha ka sa kaloob sa ‘yo” (“Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147).
Noong maliliit pa ang aming mga anak, sinimulan kong isulat ang ilang bagay na nangyayari sa araw-araw. Hindi ako pumalya kahit isang araw kahit pagod na pagod ako o maaga pa akong gigising kinabukasan. Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: “Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?” Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa isa sa amin na hindi ko nakita dahil sa kaabalahan ng maghapon. Natanto ko na sa paggunita ay naipakita sa akin ng Diyos ang Kanyang nagawa.
Ang Espiritu Santo ang tumutulong para makita natin ang nagawa ng Diyos para sa atin. Pinatototohanan ko na mahal tayo ng Diyos at pinagpapala tayo nang higit sa nalalaman ng karamihan sa atin. Alam ko na ito ay totoo, at nagagalak akong alalahanin Siya.