Natatanging Saksi Paano ako matutulungan ng ebanghelyo na maging masaya? Nagbahagi ng ilang ideya si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa paksang ito. Ang pinagmumulan at dahilan ng tunay na kaligayahan ay ang katotohanan ng ebanghelyo at pagsunod sa walang hanggang batas. Ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay nilayong bigyan ng patnubay ang Kanyang mga anak, tulungan silang maging masaya, at ibalik sila nang ligtas sa Kanyang piling. Sa buhay na ito nakadarama tayo ng pagkagiliw, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, lungkot, kabiguan, pasakit, at maging ng kapansanan sa mga paraang naghahanda sa atin na muling makapiling ang ating Ama sa Langit. May mga aral tayong dapat matutuhan at mga pangyayaring dapat maranasan sa mundo. Alam ninyo kung ano ang tama at mali, at kayo ay may responsibilidad na malaman sa inyong sarili “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118) ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin. Ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nag-aanyaya ng palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman, maunawaan, at maipamuhay ang mga turo ni Jesucristo. Para sa inyong kaligayahan at proteksyon, inaanyayahan ko kayong pag-aralan at mas masigasig na ipamuhay ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Hindi lamang natin dapat ipamuhay ang ebanghelyo, kundi dapat nating kahiligang ipamuhay ang ebanghelyo. Sa paggawa nito, tatanggap tayo ng napakaraming pagpapala, ibayong lakas, at tunay na kaligayahan. Mula sa pananalita sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Ago. 23, 2002. Paglalarawan ni Brian Beach