2011
Ang Sagot noong Araw ng Aktibidad
Marso 2011


Ang Sagot noong Araw ng Aktibidad

“Wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6).

Napakasamang araw! Sa eskuwelahan ngayon wala akong kinausap, wala akong kinalaro sa rises, at wala akong tinabihan sa tanghalian. Dalawang linggo nang naninirahan ang pamilya ko sa bagong bayang ito, at wala pa rin akong kaibigan!

Habang papasok ako sa bagong bahay namin, nakita ko ang nakababata kong kapatid na babae na kalaro ang batang babae sa tapat namin. Kumaway siya. “Hi, Rosa!”

Lumingon ako at hindi ako kumibo. Halos kaedad ng kapatid ko ang tatlong bata sa kalye namin. Ilang batang babae sa kalye namin ang kaedad ko? Wala. Ni isa!

Itinulak ko ang pintuan sa harapan at ibinagsak ang backpack ko sa sahig.

“Tumawag si Sister Garcia ng Primary para ipaalala sa iyo ang aktibidad ngayon,” sabi ni Inay.

“Ayoko pong pumunta sa aktibidad,” pagmamaktol ko. “Maghapon ko nang kasama ang mga batang hindi ko kakilala. Ayoko na pong gumugol ng isa pang oras sa mga batang hindi ko kilala!” Madali lang siguro sa ilang tao na makipag-usap sa hindi kilala pero hindi ako.

“Alam kong mahirap ang paglipat dito at iwanan ang lahat ng dati mong kaibigan,” sabi ni Inay. “Ipinagdarasal ko na magkaroon tayo kaagad ng mga bagong kaibigan.”

“Ako rin po,” sabi ko. “Ipinagdarasal ko po iyan gabi-gabi, pero hanggang ngayon hindi pa sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dasal ko. Parang hindi Siya nakikinig.”

Pinisil ni Inay ang kamay ko. “Baka ang tawag ni Sister Garcia ang sagot sa iyo,” wika niya.

“Paano magiging sagot iyan sa mga dasal ko?” tanong ko.

“Kung minsan kapag nagdarasal tayo, inaasahan ng Ama sa Langit na may gawin tayo para masagot ang ating mga dalangin,” sabi ni Inay. “Ang tawag diyan ay pagkilos nang may pananampalataya. May dapat pa tayong gawin maliban sa magdasal. Kung minsan kailangan nating kumilos nang may pananampalataya bago matamo ang biyaya.”

“Puwede kaya iyon?” naisip ko. “Ang pagdalo nga kaya sa araw ng aktibidad ang sagot sa mga dasal ko?”

Maya-maya, tinanong ni Inay kung gusto kong magpahatid sa aktibidad. Huminga ako nang malalim at tumango. Kahit takot ako, naramdaman ko na iyon ang tamang gawin.

Mabilis ang pintig ng puso ko pagdating namin sa simbahan. Sinalubong ako ni Sister Garcia at inakay ako sa upuan sa tabi ng mesa. Medyo napanatag ako sa malambing niyang tinig at matamis na ngiti.

Tumingin sa akin ang isang batang babaeng katapat ko sa mesa. “Hi, ako si Teresa,” sabi niya. “Bago ka rito?”

Parang may bara sa lalamunan ko, kaya tumango na lang ako.

“Nakita na yata kita sa eskuwelahan,” sabi ni Teresa. “Kaninong klase ka ba kabilang?”

Napalunok ako sa kaba. “Sa klase ni Gng. Lee, “sabi ko sa kanya.

“Magkatabi pala tayo ng kwarto!” sabi niya.

Pinag-usapan namin ang aming mga klase at paboritong subject. Habang nag-uusap kami, nagulat ako na marami pala kaming pagkakatulad. Pareho pa naming gusto ang roller-skating!

Nang sunduin ako ni Inay pagkatapos ng aktibidad, mabilis akong sumakay sa kotse.

“Inay, puwede po ba kaming maglaro ng bagong kaibigan kong si Teresa?” Kinawayan ko si Teresa, at kumaway rin siya.

Naisip ni Inay na magandang ideya iyon, kaya nang gabing iyon, nag-roller-skate na kami ng bago kong kaibigan pataas at pababa ng kalye namin.

Nang gabing iyon habang nakaluhod ako sa tabi ng kama ko, pinasalamatan ko ang Ama sa Langit sa pagsagot sa mga dasal ko. Noong una natakot akong dumalo sa araw ng atibidad, pero mabuti na lang at nagpunta ako. Mabuti na lang at naging matapang akong kumilos nang may pananampalataya.

Paglalarawan ni Natalie Malan