Humingi Kami ng Tulong sa Panalangin
Miguel Troncoso, Santa Cruz, Argentina
Isang araw ng Linggo natanggap ng aming stake ang magandang balita na darating si Elder Carlos H. Amado ng Pitumpu para magsalita sa aming stake sa Martes ng gabi. Tuwang-tuwa kami ng aking pamilya, ngunit nag-alala ako kung paano kami makararating sa pulong.
Bilang guro sa hayskul, kinailangan kong magturo sa klase sa Martes ng gabi. Ang nakakalungkot, bihira akong payagang magbakasyon. Hindi alam ang gagawin ngunit determinadong mapakinggang magsalita si Elder Amado, humingi kami ng tulong sa panalangin, umaasang maglalaan ng paraan ang Panginoon.
Isang araw bago magkumperensya, nahikayat akong kausapin ang prinsipal na payagan akong makauwi nang mas maaga nang 20 minuto para makadalo kami ng pamilya ko sa pulong. Nagpunta ako sa kanyang opisina, at bago pa ako nakapagsalita, tinanong niya kung ayos lang na simulan ko nang mas maaga nang dalawang oras ang klase ko sa Martes. Ibig sabihin matatapos ang klase ko nang mas maaga nang dalawang oras.
Kaylaking pagpapala nito sa amin. Dumating kami sa pulong nang napakaaga at nadama namin ang Espiritu sa piling ng isa sa mga disipulo ng Panginoon. Ang limang-taong gulang na anak naming lalaki ay nagkaroon pa ng napakagandang pribilehiyong mayakap at makausap si Elder Amado bago nagsimula ang pulong. Kasama ang buong kongregasyon, nadama namin ang pagbuhos ng Espiritu. Bukod pa riyan, nagtamo kami ng patotoo bilang pamilya na alam ng Ama sa Langit ang aming mga hangarin at dinidinig Niya ang aming mga panalangin.