2011
Paano Na ang Trabaho Ko?
Marso 2011


Paano Na ang Trabaho Ko?

David Hooson, London, England

Umaayos na nang lubusan ang lahat. Nagtapos ako sa Oxford University na may degree sa musika at nagsimula akong magtrabaho para sa isang propesyonal na orkestra sa Edinburgh, Scotland. Umaasenso ako sa trabaho, at marami akong naging kaibigan.

Noong nag-aaral ako, ipinasiya kong ipagpaliban ang pagmimisyon ko. Ngayon wala na sa isipan ko ang pagmimisyon. Takot ako sa maraming bagay, lalo na ang takot na mawalan ako ng trabaho, kaya naisip ko na eksepsyon ako at hindi ko kailangang maglingkod. Tila napakalaki ng isasakripisyo ko.

Gayunman, napagbago ng mabubuting kaibigan at pag-antig ng Espiritu ang puso ko. Nakatulong ang mapagmalasakit at maingat na pagmamahal ng isang bishop upang magkaroon ako ng malakas at malalim na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi naglaon ay nalaman ko na kailangan kong tanggapin ang tawag na maglingkod. Wala akong ideya kung paano ko babalikan ang trabaho ko sa isang mundong puno ng kompetisyon matapos ang dalawang taong pagkahinto, ngunit nagtiwala ako na pagpapalain ako ng Panginoon sa aking desisyon. Iniwan ko ang trabaho ko nang hindi alam kung paano maaayos ang mga bagay-bagay.

Natawag akong maglingkod sa West Indies Mission, na ang wikang gamit ay Pranses. Mahirap ang mga pagsubok, ngunit gusto kong paglingkuran ang mga tao at makitang nagbabago ang kanilang buhay. Sa loob ng dalawang taong iyon nagtuon lang ako sa paghahangad sa kalooban ng aking Ama sa Langit. Ang paglilingkod sa iba nang hindi iniisip ang sarili ay nagdulot sa akin ng higit na kagalakan sa lahat ng naranasan ko.

Nang makauwi na ako, nakita ko ang mundo sa pananaw ng mga bagong priyoridad at pagpapahalaga, at hinangad ko na manatiling nakatuon ang aking buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Agad akong naghanap ng trabaho, ngunit kakaunti ang oportunidad. Pagkaraan ng sunud-sunod na pagbagsak ko sa mga interbyu sa trabaho, natanto ko na hindi ako matanggap sa trabaho dahil walang koneksyon ang dalawang taon ko sa misyon sa aking propesyon. Talaga bang misyon ko ang kapalit ng aking propesyon?

Salamat na lang at ang sagot ay hindi. Halos tatlong buwan pagkaraan nakakita ako ng bakanteng tamang-tama sa akin. Taglay ko ang tamang mga kasanayan para sa uri ng trabahong gagawin. Hindi lang iyan, kailangan ding makapagsalita ang mga aplikante ng diretsong Pranses! Ang aking mission ay nagbigay-daan sa oportunidad na ito. Pagkaraan ng tatlong interbyu, inalok ako ng trabaho. Mas maganda pa nga ang trabaho ko kaysa kung hindi ako nagmisyon. Nadama ko ang awa at pagmamahal ng Panginoon. Alam ko na naghahanda Siya ng mga pagpapala sa atin kapag ginawa natin ang ating bahagi.

Totoo ang itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).

Pagkaraan ng sunud-sunod na pagbagsak sa mga interbyu sa trabaho, natanto ko na hindi ako matanggap sa trabaho dahil walang koneksyon ang dalawang taon ko sa misyon sa aking propesyon.