Mga Kabataan
Ang Positibong Epekto ng Kagat ng Aso
Noong tag-init ng 2009, nakagat ako ng aso ng kaibigan ko sa mukha. Ang nakakalungkot, nabiyak ang labi ko, at kinailangang tahiin.
Kasunod ng pinsalang iyon, lungkot na lungkot ako. Tinulutan kong manaig sa aking isipan ang paghihirap, at pakiramdam ko ay sira na ang buong buhay ko. Asiwa ako sa aking labi at ayaw ko man lang lumabas ng bahay. Sa aking isipan ang mga plano kong mag-aral ng piyano, maglaro ng volleyball, magsimba, lumangoy, at mag-aral ay sinira ng kapinsalaan ko.
Ngunit tuwing ako ay nagdarasal, binabasbasan ng priesthood, nakikipag-usap sa aking mga magulang, o dinadalaw ng aking mga kapamilya at kaibigan, sumisigla at sumasaya ako sa oras ng kalungkutan. Di naglaon ay natanto ko na kung iniisip ng mga tao ang kapinsalaan ko, naaawa sila sa akin.
Ang karanasang ito ay naghubog sa aking pagkatao, at natutuhan kong huwag alalahanin ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin. Mapalad din ako dahil ipinatanto sa akin ng kapinsalaan ko na dapat ay hindi ko gaanong isipin ang aking sarili at mas magmalasakit ako sa iba. Napalakas nang husto ang aking espiritu sa panahong ito.
Nalaman ko na ang paghihirap ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin. Kung hahanapin natin ang mabuti at hindi ang masama, madaraig natin ang paghihirap, magiging mas mabuting tao tayo, at hahayaan nating palakasin ng karanasan ang ating patotoo.