Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Pinaghiwalay ng Baha, Pinag-isa ng Panalangin,” pahina 14: Matapos basahin ang artikulo, maaari ninyong bigyang-diin ang mga alituntunin ng panalangin sa pamamagitan ng sama-samang pagbabasa sa Alma 34:18–27. Magpabahagi ng karanasan sa mga kapamilya tungkol sa mga panalangin nila na nasagot.
“Ang Kapangyarihan ng Tagapagpagaling,” pahina 18: Matapos basahin at talakayin ang mga bahagi ng artikulo, maaari ninyong ipaawit sa inyong pamilya ang “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 164). Bilang isang pamilya, pag-usapan ang mabubuting paraan ng pagtugon kung nasaktan kayo ng isang tao. Talakayin kung paano “nakapagpapahilom ng sugatang puso, ng di-pagkakaunawaan, at poot” ang pag-unawa at pag-aangkop ng Pagbabayad-sala sa inyong buhay.
“Pagtuturo ng Doktrina Tungkol sa Pamilya,” pahina 32: Habang ibinabahagi ang mensahe ni Julie B. Beck, anyayahan ang mga kapamilya na talakayin ang kahalagahan ng doktrina ng pamilya. Talakayin ang mga nagbabantang panganib sa pamilya, at kung paano ito madaraig ng pagsampalataya. Tulungang malutas ang anumang alalahanin o pag-aatubili ng inyong mga anak na magkaroon ng sarili nilang pamilya sa tamang panahon.
“Mga Pagpapala ay Bilangin,” pahina 62: Bago basahin ang artikulong ito bilang isang pamilya, maglagay ng mga bagay sa palibot ng silid na nagpapaalala sa inyo ng inyong mga pagpapala. Maaaring isama rito ang damit, pagkain, mga banal na kasulatan, larawan ng Tagapagligtas, retrato ng inyong pamilya, at iba pa. Anyayahan ang inyong pamilya na hanapin ang “mga pagpapalang” ito at ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa mga ito. Maaari kayong magpalista sa inyong kapamilya ng mga bagay na pinasasalamatan nila at imungkahing repasuhin paminsan-minsan ang listahan.
Family Home Evening na Malayo sa Tahanan
Tatlo sa aking mga anak ang nag-aaral sa lugar na malayo sa aming tahanan ngayon, kaya nagbabahaginan kami ng family home evening sa Internet. Pinadadalhan ko sila ng mga e-mail na ikinukuwento sa kanila ang mga espirituwal na karanasan namin sa bahay at ang mga araling itinuturo namin mula sa Liahona o mga banal na kasulatan—lalo na sa Aklat ni Mormon. Kung nakalipas ang isang linggo at nalimutan kong sumulat, sinasabi nilang lahat na, “Inay! Pakiusap! Nami-miss po namin ang family home evening.” Sa pagbabahagi sa amin sa ganitong paraan, napapalakas nila kami kahit wala sila rito.
Naniniwala ako na ang family home evening ay isang programang binigyang-inspirasyon dahil tinutulungan tayo nitong magtayo ng pundasyon sa ibabaw ng bato ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tinutulungan din kami ng family home evening na makamtan ang nais ng Panginoon para sa amin—na maaari kaming maging isang pamilya na magsasama-sama magpakailanman.
Norma Leticia Treviño de Taylor, Nuevo León, Mexico