Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ligtas sa Aking Kinabibilangang Ward
Nang magsimula akong magsimbang mag-isa sa edad na 12, nalaman ko na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang lugar na ligtas ako.
Isa sa pinakamagagandang alaala ng aking kabataan ay ang tunog ng matataas na takong ng sapatos ng aking ina sa sahig ng aming kusina habang inihahanda niya ang aming pamilya sa pagsisimba. Aktibong-aktibo siya sa aming ward at naglingkod nang maraming taon bilang pangulo ng Relief Society. Hindi ko pinangarap na magbago ang anuman.
Noong ako ay mga edad 12 at kami lang dalawa ang magkasama sa buhay, lumayo siya sa Simbahan sa mga kadahilanang hindi ko maunawaan. Bagama’t ang nanay ko—ang aking huwaran—ay nagpasiyang umiba ng landas, alam ko na ang ebanghelyo ay totoo, at patuloy akong nagsimba. Kahit hindi siya sang-ayon sa aking pasiya, inihahatid ako ni Inay papunta at pauwi mula sa simbahan linggu-linggo.
Kadalasan ay malungkot magsimba, lalo na sa sacrament meeting kung saan nakaupo ako nang mag-isa sa likuran, at kitang-kita ko ang lahat ng ina, ama, at anak na magkakatabing nakaupo. Maraming beses akong umupo sa tabi ng pamilya ng isang kaibigan. Lagi akong magpapasalamat para sa aking “pamilyang Mormon” at sa iba pa sa aking ward na may malasakit na ituring akong kapamilya sa mahirap na panahong ito.
Halimbawa, ang aking mga home teacher ay laging bumibisita kahit ako lang ang tinuturuan nila at mas malayo ang tirahan ko kaysa sa maraming miyembro ng ward. Inaasam ko ang pagkakataong matalakay ang ebanghelyo at madama ang lakas ng priesthood at Espiritu sa aking tahanan.
Maraming miyembro sa ward ang matagal ko nang kilala. Dahil sa pamilyar nilang mga mukha, magigiliw na ngiti, at mabait na pakikipag-usap, sila ang naging mga ina, ama, at kapatid ko sa ward. Ang madamang kabilang ako at minamahal ay nakabawas sa lungkot ng pagsisimba nang wala ang aking pamilya.
Alam ko na hindi lang ako ang nasa ganitong sitwasyon. Maraming kabataang nagsisimba nang hindi kasama ang isa o parehong magulang. Ngunit sa pamamagitan ng halimbawa, pagkakaibigan, at mga tungkulin, matutulungan nating lahat ang mga anak na ito ng Ama sa Langit at maipadarama na sila ay kabilang, matuturuan ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at mahihikayat na maging aktibo sa mga pulong at aktibidad.
“Plano ng Ama sa Langit na isilang tayo sa isang pamilya—ang pinakapangunahin, pinakabanal, at pinakamalakas na grupo sa mundo,” sabi ni Virginia H. Pearce, dating tagapayo sa Young Women general presidency. “At sa pamilya nangyayari ang ilan sa pinakamahalagang bagay na matututuhan natin. Bukod pa sa pamilyang iyon, naglaan din ang Panginoon ng pamilya sa ward o branch. … Hindi nilayong halinhan ng mga ward ang pamilya, kundi ang suportahan ang pamilya at mabubuting turo nito. Ang ward ay isang lugar kung saan sapat ang matibay na pangako at lakas na makabubuo ng pamilyang ‘ligtas na kanlungan’ para sa bawat isa sa atin kapag hindi maibigay ng ating pamilya ang lahat ng turo at nagpapalagong karanasang kailangan natin para makabalik sa Ama sa Langit. Kailangan nating pasalamatan nang lubos ang lakas ng kinabibilangan nating ward at panibaguhin ang ating pangako na makibahaging mabuti sa komunidad na iyon ng mga Banal.”1
Napakalaki ng pasasalamat ko sa mga yaong naging kanlungan ko, na itinanim sa akin ang hangarin na gayon din ang gawin sa iba.