2011
Pinaghiwalay ng Baha, Pinag-isa ng Panalangin
Marso 2011


Pinaghiwalay ng Baha, Pinag-isa ng Panalangin

Nakulong sa kanilang mga silid-tulugan, naharangan ng mga kasangkapan, at nakakapit sa mga sanga ng puno, ginawa ng mga miyembro ng pamilya Torres ang tanging bagay na makapagliligtas sa kanila.

Nagsimula ang Setyembre 25, 2005, sa tahimik at mapayapang araw ng Linggo para kay Victor Manuel Torres Quiros, sa kanyang asawang si Yamileth Monge Ureña, at sa kanilang pamilya. Nakauwi na sila mula sa simbahan at nagpapahinga, nagbabasa, at masayang dinarama ang tahimik at maulang hapon sa bahay nila sa mga bulubundukin ng Costa Rica.

Halos buong linggo nang umuulan, na karaniwan na sa lugar o sa panahon. Mga alas-5:00 n.h., naobserbahan ni Brother Torres na ang ilog na malapit sa kanilang tirahan ay mas mataas kaysa rati at papalapit na sa bahay nila. Kalmado niyang binalaan ang kanyang pamilya, at bilang paghahanda sinimulan nila ng kanyang 11-taong-gulang na anak na si Erick na maglagay ng mga kumot sa mga pintuan para harangan ang pagpasok ng tubig sa loob.

Maya-maya ay lumaki ang ilog hanggang sa tumaas ang tubig nang higit pa sa isang metro’t kalahati (limang talampakan) sa paligid ng bahay. Sa loob ng ilang sandali ay sumalpok ang tubig sa mga bintana. (Nalaman ng pamilya kalaunan na ang biglang pagtaas ng tubig ay sanhi ng pagguho ng lupa.) Sumigaw si Brother Torres sa kanyang pamilya na tumakbo sa likod-bahay, kung saan may mga puno at mas mataas na lugar. Ang tatlong tinedyer niyang anak na sina Sofia, Korina, at Monica, ay agad lumabas ng bahay.

Ngunit hindi nakalabas ni Sister Torres. Kaya tumakbo sila ni Elizabeth, isang batang musmos na alaga ng pamilya sa katapusan ng linggong iyon, papunta sa silid. Mabilis silang umakyat sa kama, na nakapagtatakang lumutang. Wala silang alam kung nasaan na ang iba o kung ligtas ang mga ito. Pinaalalahanan ng batang si Elizabeth si Sister Torres na, “Huwag po kayong umiyak. Tandaan po ninyo na mahal tayo ng Diyos.” Pagkatapos ay nagsimula silang magdasal.

Sinusundan ni Brother Torres ang mga anak niyang babae sa labas nang matanto niya na hindi niya alam kung nasaan na si Erick. Pasalungat sa agos ng tubig, pumasok siyang muli sa bahay. Natagpuan niya si Erick na nakatayo sa bunton ng mga kalat—isang nagibang dingding, ilang kasangkapan, basura, at ilang sangang itinulak ng tubig sa nakasarang pintuan. Magkasama silang lumipat sa kusina, at inilagay ni Brother Torres si Erick sa ligtas at mataas na lugar. Natuklasan ni Brother Torres na napuluputan ng lubid na nylon ang kanyang mga binti sa tubig, kaya nahirapan siyang kumilos. Gayunpaman, naitulak niya palayo ang refrigerator at ilang kasangkapan, kaya nahadlangan ang pagsara ng pintuan at hindi sila nakulong ng kanyang anak.

Mula sa kusina, nakita nina Erick at Brother Torres ang mga babae sa likod-bahay, ngunit hindi nila alam ang kalagayan nina Sister Torres at Elizabeth. Iminungkahi ni Brother Torres na magkasama silang humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Samantala, sa labas at sa itaas ng puno ng bayabas, nagdarasal din ang mga babae. Nakikita nina Sofia, Korina, at Monica ang mabilis na pagbulwak ng tubig papasok sa kanilang tahanan. Paano man tingnan, tila imposibleng may natitira pang buhay sa loob ng bahay. Nag-aalala para sa kanilang pamilya at giniginaw at takot, kumanta ng mga himno ang mga babae at sama-samang nanalangin.

“Hiniling namin sa Ama sa Langit na pahupain ang tubig,” sabi ni Sofia. “Alam namin na kailangan naming sumampalataya; kung hindi, walang himalang mangyayari. Ang pinakamasayang sandali ay nang dumilat kami at nakita naming humupa na ang tubig.”

Nagpatuloy ang paghupa. Maya-maya pa ay lumabas ang kanilang ama para tanungin kung ayos lang sila. Madilim na, kaya muli itong pumasok sa bahay, humanap ng kandila, at gamit ang gasolina, gumawa ng sulo para malaman ng mga kapitbahay na totoong nasa loob ng bahay ang pamilya.

Isang kapitbahay ang nakakita sa sulo at tinulungan sila. Tinulungan niyang bumaba ang mga batang babae mula sa mga puno at magkasama nilang itinulak ni Brother Torres ang mga bagay na nakaharang sa pintuan ng silid na kinaroroonan nina Sister Torres at Elizabeth. Nang gabing iyon nakitulog ang pamilya sa kamag-anak.

Dahil madilim na nang umalis sila, hindi alam ng pamilya Torres ang laki ng pinsala sa kanilang bahay. Noong Lunes ng umaga umuwi sila at natuklasan nila na nawalang lahat ang kanilang ari-arian.

Magkagayunman, hindi sila nagreklamo. “Alam namin na ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang nag-alis,” sabi ni Brother Torres (tingnan sa Job 1:21). Kahit nasira ang kanilang bahay at mga ari-arian, sinabi ni Sister Torres na “nagpapasalamat kami dahil nakita naming nabuksan ang mga dungawan ng langit sa amin,” kapwa sa buhay nila na naligtas at sa mga biyayang sumunod.

Marami sa mga biyayang iyon ang nagmula sa pagkabukas-palad ng mga miyembro ng Simbahan sa buong Costa Rica. Pagsapit ng Huwebes nakatanggap na ang pamilya ng mga higaan at ibang kasangkapan, pagkain, damit, at iba pang pangangailangan mula sa mga miyembro ng ilang stake sa San José area. Apat na araw pagkatapos niyon, nakahanap na ng bagong tirahan ang pamilya.

“Nalaman namin na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng ibang tao,” sabi ni Sister Torres. “Napakaraming tao, napakaraming kapatid sa Simbahan, na tumulong noon. Nakadama kami ng lubos na pagmamahal. Walang dahilan para magtanong kami ng, ‘Bakit kami?’”

“Isang himala na nakaligtas kaming lahat,” sabi ni Brother Torres. “Walang alinlangang lumakas ang pananampalataya ng aming pamilya. Alam ko nang may katiyakan na ang Diyos ay buhay at mahal Niya tayo.”

Dagdag pa ni Sister Torres, “Matagal na naming sawikain ito sa aming pamilya: ‘Ang Diyos ay bahagi ng kahit pinakamaliliit na detalye ng ating buhay.’ Pagkatapos ng aming naranasan, tiyak na namin ito. Kilala tayo ng Ama sa Langit. Sinasagot Niya ang ating mga dalangin.”

Mga paglalarawan ni Bjorn Thorkelson