2011
Upang Gamutin ang mga Bagbag na Puso
Marso 2011


Upang Gamutin ang mga Bagbag na Puso

Noong 1990s dahil sa trabaho ko sa Simbahan napunta ang pamilya ko sa Africa, kung saan naatasan akong tumulong sa pagkakawanggawa sa Burundi, Rwanda at Somalia. Ito ay isang kalunus-lunos na panahon ng taggutom, kalupitan, at digmaan, at matindi ang pagdurusa.

Libu-libo ang nasa mga refugee camp. Daan-daang batang naulila ang nakatira sa mga hamak na kanlungan na sila mismo ang nagtayo. Laganap ang kolera, tipus, at kakulangan sa nutrisyon. Nakaragdag pa ang singaw ng basura at amoy ng bangkay sa kawalang-pag-asa.

Sumidhi ang pagnanais kong ibigay ang lahat ng maitutulong ko. Ang Simbahan ay nakipagtulungan sa International Committee of the Red Cross at iba pang mga organisasyon, ngunit kung minsan ay hindi ko maiwasang isipin kung may nagagawa bang kaibhan ang mga tulong natin sa harap ng gayon kalaganap na karahasan at trahedya. Mahirap palisin ang panghihina at pagkasira ng loob, at kadalasan kapag matutulog na ako sa gabi, umiiyak ako.

Sa nakapanghihinang panahong ito nagkaroon ng mas malalim na kahulugan sa akin ang isang pamilyar na talata. Mula kay Isaias, sinasabi nito na ang Tagapagligtas ay “hinirang na gamutin ang mga bagbag na puso, upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at ang pagbubukas ng bilangguan sa kanila na mga nakagapos” (D at T 138:42).

Nakita at nakausap ko na ang maraming taong may “bagbag na puso” sa mga kamangha-manghang paraan. Nawalan sila ng mga mahal sa buhay, tahanan, at payapang pamumuhay. Subalit marami sa kanila ang nagpakita ng mga palatandaan na sila ay “nagamot na.” Halimbawa, madalas kapag pumasok kami sa isang hamak na tirahan, itatanong ng mga nakatira doon, “Maaari ba ninyo kaming samahan sa pagdarasal?” Tila nakatatagpo sila ng kaligayahan at kapayapaan sa pagsusumamo sa Panginoon.

Mangyari pa, hindi natin mahahanap ang epekto ng Pagbabayad-sala sa buhay lang na ito. Nakikita rin ito sa kabilang buhay. Alam ko na may pagtubos para sa mga patay at pagkabuhay na mag-uli para sa lahat dahil sa Tagapagligtas. Ang pasakit na nadarama natin sa buhay na ito—gaano man kasidhi—ay mapapawi at magagamot sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.

Sumulat sina Mormon at Moroni, na nabuhay sa panahon ng karumal-dumal na pagpaslang at kamatayan, tungkol sa pag-asang nakasalig sa isang mapagmahal na Diyos na ang awa at katarungan ay hindi kayang unawain (tingnan, halimbawa, sa Moroni 7:41–42). Ang pag-aaral sa mga pahayag na ito ng mga propeta ay nagpalakas sa sarili kong pananampalataya. Nang pag-isipan ko kung may nagagawang kaibhan ang ating pagtulong, nakadama ako ng pagtiyak na ang biyaya ng Tagapagligtas ang tunay na kapangyarihang nagtutubos. Maaaring limitado ang pinakamahusay na magagawa natin, ngunit ang sa Kanya ay walang katapusan at walang hanggan.

Walang dudang lumilikha ng iba’t ibang uri ng kapighatian ang mga kalagayan sa mundo, ngunit walang hindi mapapagaling ang Manunubos. Lahat tayo ay makatitiyak na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang ating mga puso ay maaaring magamot at mapagaling. Sa kaalamang ito, makakasulong ako sa aking gawain, batid na ang Kanyang mga pagsisikap ay laging nagtatagumpay.

O Ama Ko, ni Simon Dewey