2011
Aalis Ba Ako o Hindi?
Marso 2011


Aalis Ba Ako o Hindi?

Ilang araw bago ako umalis para magmisyon, naospital ang mga magulang ko. Hindi ko alam kung kaya ko silang iwanan.

Mapalad akong malaman ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng isang kaibigan. Tinuruan ako ng mga misyonerong tinawag ng Diyos upang dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa mundo. Dalawang taon matapos akong binyagan tinawag akong maglingkod sa Italy Milan Mission. Bago ako umalis, nagkaroon ako ng malalim na espirituwal na karanasan.

Hindi nagalak ang aking mga magulang, na hindi mga miyembro ng Simbahan, sa pagkakataon kong makapagmisyon. Matindi ang mga pagtatalo namin na labis na nagpahirap sa akin.

Dalawang araw bago ako nagmisyon, biglang nagkasakit nang malubha ang mga magulang ko. Humina ang katawan ng aking ina kaya naospital siya. Walang nagawa ang mga doktor na nakatulong. Ang aking ama ay may cirrhosis sa atay, na ayon sa mga doktor ay mahirap gamutin.

Nang gabing iyon lumuhod ako at nanalangin sa aking Ama sa Langit, na sinasabing, “Ama, tulungan po Ninyo ako. May sakit po ang aking pamilya, at hindi ko sila maiiwan sa kalagayang ito. Dalangin ko, Ama, na tulungan po Ninyo akong malaman kung tamang umalis o hindi.”

Pinag-isipan kong mabuti ang aking sitwasyon nang ilang minuto. Pagkatapos ay nakadama ako ng marahan ngunit nakaaantig na tinig na nagsabing, “Sumampalataya ka, at maaayos ang lahat.”

Sa kabila ng lungkot na nadarama ko na makitang maysakit ang aking pamilya, nagpasiya akong sumakay sa eroplanong maghahatid sa akin sa Roma at pagkatapos ay sa Estados Unidos, kung saan ako dadalo sa missionary training center. Hindi masaya ang mga gabi ko sa MTC. Paulit-ulit kong naisip ang aking mga magulang. Sa wakas, sa pagsang-ayon ng MTC president, natawagan ko sila para kumustahin.

Sa telepono, tuwang-tuwang ikinuwento sa akin ng nanay ko na sila ni Itay ay pinaghimalaan ng Panginoon—mga salitang hindi ko akalaing marinig kailanman mula sa isang babaeng di-gaanong sumasampalataya. Sinabi niya sa akin na pagkaalis ko, bumuti ang kanilang kalusugan, at hindi ito maipaliwanag ng mga doktor. Malusog at masaya na ang mga magulang ko. Napuspos ako ng kagalakan.

Dahil sa karanasang ito, lumakas ang aking patotoo sa kapangyarihan ng pananampalataya, panalangin, at pagsunod. Nagpapasalamat ako na pinangalagaan ng Panginoon ang aking pamilya noong nasa misyon ako.

Paglalarawan ni Dan Burr