2011
Ang Landas ng mga Napili
Marso 2011


Ang Landas ng mga Napili

Iba ang mabinyagan. Iba rin ang magtiis hanggang wakas.

Elder Koichi Aoyagi

Noong tinedyer ako sa Matsumoto, Japan, lubha akong interesadong matuto ng Ingles. Sa edad na 17 sumali ako sa English club sa aking paaralan. Sa pagbubukas ng klase, nagpasiya ang club na maghanap ng isang tao na Ingles ang katutubong wika para turuan kaming makipag-usap sa Ingles. Naghanap kami nang naghanap, ngunit ang mga guro sa Ingles na nakausap namin ay nagpapabayad, at hindi kayang magbayad ng club. Sa kawalan ng pag-asa, muntik na kaming sumuko.

Pagkatapos isang araw, habang nagbibisikleta ako papasok sa paaralan, nakita ko ang ilang kabataang Amerikanong naka-amerikana na namimigay ng mga flyer. Kinuha ko ang isa at ipinamulsa ito. Pagkatapos ng klase sinuri ko ang papel at natuklasan ko na isa itong paanyayang dumalo sa libreng klase sa pakikipag-usap sa Ingles. Nakasulat sa flyer ang pangalang “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Wala pa akong narinig na ganoong simbahan, pero natuwa ako; nalutas ko ang problema ng English club!

Nang sumunod kaming magklase, mga 30 miyembro ng club ang kasama kong dumalo. Tinuruan ng mga misyonero ang klase, na lubos na ikinagalak naming lahat. Sa unang araw pa lang ng klase, napansin ko na may kakaiba sa mga misyonero. Humanga ako sa kanilang pagkamagiliw, pagmamahal, magandang pag-uugali, at pagiging masayahin. Tila may liwanag sa kanilang pagkatao—wala pa akong nakilalang taong katulad nila.

Makalipas ang ilang linggo sinimulan kong tanungin ang mga misyonero tungkol sa kanilang simbahan, at inanyayahan nila akong matuto pa. Pumayag ako, at itinuro nila sa akin ang mga aralin ng misyonero. Sa panahong iyon hindi ko pa ganap na nauunawaan o pinasasalamatan ang kahalagahan ng natututuhan ko, ngunit nadama ko ang Espiritu, at naunawaan ko na mabuti ang mga alituntuning itinuturo sa akin ng mga misyonero. Nang anyayahan nila akong magpabinyag, pumayag ako.

Gayunman, bago ako nakasapi sa Simbahan, kinailangan kong hingin ang pahintulot ng mga magulang ko. Noong una ayaw na ayaw nila rito—ang mga turo ng Kristiyanismo ay hindi pamilyar at kakaiba sa kanila. Ngunit hindi pa ako handang sumuko. Hiniling ko sa mga misyonero na pumunta sa aking tahanan at ipaliwanag sa aking mga magulang ang tungkol sa Simbahan, ang mga itinuturo nila sa akin, at kung ano ang inaasahan sa akin. Pinalambot ng Espiritu ang puso ng aking mga magulang, at sa pagkakataong ito ay pinayagan nila akong mabinyagan.

Paglalaho

Matapos akong mabinyagan at makumpirma, dumalo ako sa Matsumoto Branch na may 12 hanggang 15 aktibong miyembro. Nagkaroon ako ng mga kaibigan, at masayang dumalo linggu-linggo. Mga isang taon pagkaraan nagtapos ako sa hayskul at lumipat sa Yokohama para mag-aral sa unibersidad. Ang pinakamalapit na branch ay Tokyo Central Branch, na may mahigit 150 aktibong miyembro. Nang dumalo ako sa bagong branch na ito, nadama ko na para akong probinsyano sa isang malaking lungsod. Nahirapan akong makipagkaibigan. Isang araw ng Linggo hindi ako nagsimba. Hindi naglaon tumigil ako sa pagsisimba. Sinimulan kong makipagkaibigan sa mga kaklase kong hindi miyembro, at unti-unting naglaho ang Simbahan sa aking isipan.

Nagpatuloy ito nang ilang buwan. Pakatapos isang araw ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang sister sa Matsumoto Branch. “Nabalitaan ko na hindi ka na nagsisimba,” wika niya. Nagulat ako. Malinaw na may isang tao mula sa aking bagong branch na nagsabi sa kanya na hindi na ako nagsisimba! Nagpatuloy ang sister sa kanyang liham sa pagsipi sa Doktrina at mga Tipan 121:34: “Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili.” Pagkatapos ay isinulat niya, “Koichi, nabinyagan ka nang miyembro ng Simbahan. Ikaw ay natawag, pero hindi ka na kabilang sa mga napili.”

Nang mabasa ko ang mga salitang ito, nakadama ako ng pagsisisi. Alam ko na kailangan kong magbago. Natanto ko na wala akong malakas na patotoo. Hindi ko tiyak kung buhay ang Diyos, at hindi ko alam kung si Jesucristo ang aking Tagapagligtas. Sa loob ng ilang araw lalo akong nababalisa kapag iniisip ko ang mensahe sa liham. Hindi ko alam ang gagawin ko. Pagkatapos isang umaga naalala ko ang isang bagay na itinuro sa akin ng mga misyonero. Hiniling nila sa akin na basahin ang Moroni 10:3–5, na nangangakong malalaman ko ang katotohanan sa aking sarili. Nagpasiya akong manalangin. Kung wala akong madama, lubusan ko nang kalilimutan ang Simbahan at mga kautusan, at hindi na ako babalik kailanman. Gayunman, kung makatanggap ako ng sagot, tulad ng ipinangako ni Moroni, kailangan kong magsisi, yakapin ang ebanghelyo nang buong puso, bumalik sa simbahan, at gawin ang lahat para masunod ang mga utos.

Nang lumuhod ako at magdasal nang umagang iyon, nagsumamo ako sa Ama sa Langit na sagutin ako. “Kung Kayo po ay buhay—kung Kayo po ay totoo,” dasal ko, “sana po ay ipaalam Ninyo sa akin.” Nagdasal ako upang malaman kung si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at kung totoo ang Simbahan. Pagkatapos kong magdasal, bigla akong may nadama. Uminit ang aking pakiramdam, at napuspos ng galak ang aking puso. Naunawaan ko ang katotohanan: Ang Diyos ay talagang buhay, at si Jesus ay aking Tagapagligtas. Ang Simbahan ng Panginoon ay tunay na ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith, at ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.

Hindi na kailangang sabihin pa, humingi ako ng kapatawaran sa araw na iyon mismo at nagpasiyang sundin ang mga utos. Bumalik ako sa simbahan at nangako sa Panginoon na gagawin ko ang lahat upang manatiling tapat.

Hindi nagtagal nagplanong magtayo ang Simbahan ng isang chapel sa Yokohama. Sa panahong iyan ang mga miyembro ng branch ay inasahang mag-ambag ng pera at magtrabaho para sa pagtatayo ng gusali. Nang hamunin ng mission president ang mga miyembro ng branch na mag-ambag sa abot ng kanilang makakaya, naalala ko ang aking pangako na gawin ang anumang ipagawa sa akin ng Panginoon. Kaya araw-araw sa loob halos ng isang taon, tumulong ako sa pagtatayo pagkatapos ng mga klase ko sa unibersidad.

Pagkakamit ng Apat na Mithiin

Sa panahong ito, dumalaw si Elder Spencer W. Kimball (1895–1985), na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa Japan at hinikayat ang mga kabataan ng Simbahan na kamtin ang apat na mithiin: (1) kumuha ng mas mataas na edukasyon hangga’t maaari, (2) maglingkod sa full-time mission, lalo na ang mga kabataang lalaki, (3) magpakasal sa templo at (4) magkaroon ng mga kasanayan para masuportahan ang pamilya. Hanggang sa puntong iyon wala akong kaplanu-planong gawin ang apat na bagay na ito. Ngunit kalaunan ay lumuhod ako at nanalangin: “Ama sa Langit, gusto ko pong maisakatuparan ang apat na mithiing iyon. Tulungan po Ninyo ako.”

Alam ko na para manatili sa landas ng mga napili, kailangan kong sundin ang payo ng lingkod ng Panginoon. Nangako akong gawin ang lahat ng aking makakaya upang masunod ang payo ni Elder Kimball at magsumigasig sa pagtatayo ng Simbahan.

Sa loob ng sumunod na ilang taon patuloy kong sinikap na makamtan ang apat kong mithiin. Naglingkod ako bilang construction missionary sa loob ng dalawang taon, tumulong sa pagtatayo ng dalawang chapel sa aking bayang sinilangan. Pagkatapos ay natawag akong maglingkod sa full-time proselytizing mission. Nang makauwi na ako, pinakasalan ko sa templo ang dalaga mula sa Matsumoto Branch na lumiham sa akin. Kalaunan natanggap ako sa pangarap kong trabaho sa isang kompanyang dayuhan ang may-ari. Dahil sinunod ko ang salita ng Panginoon at ang payo ng mga propeta, nadama ko na muli akong nakatahak sa landas ng mga napili. At sinisikap kong manatili sa landas na iyon ngayon.

Pakikinig sa Kanyang Tinig

Mga kapatid kong kabataan, patuloy na nananawagan ang Tagapagligtas sa ating lahat, inaanyayahan tayong sumunod sa Kanya. Itinuro ng Panginoon, “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, … at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27). Narinig na ninyo ang tinig ng Panginoon; sinunod na ninyo Siya nang magpabinyag kayo sa Kanyang Simbahan. Kayo ay tunay ngang mga natawag. Gayunman, ang mapili ay lubhang kakaibang bagay.

Magpasiya kayo ngayong gawin ang lahat upang manatiling tapat. Magpasiyang magtiis hanggang wakas sa pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos. Magtakda ng mabuti at karapat-dapat na mga mithiin para sa inyong sarili. Magtamo ng edukasyon, magmisyon, magpakasal sa templo, at suportahan ang inyong pamilya kapwa sa espirituwal at sa temporal. Kung wala pa kayong patotoo, mangyaring lumuhod kayo at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong malaman ang katotohanan. Pagkatapos, kapag dumating ang sagot, taos-pusong ipangako ang inyong sarili sa gawain ng Panginoon. Gawin ang anumang nararapat upang makatahak sa landas ng mga napili.

Mga paglalarawan ni Scott Greer