2011
Sinabi ni Pangulong Monson na ang paglilingkod sa full-time mission ay responsibilidad ng priesthood. Ano ang ibig sabihin niyon?’
Marso 2011


Sinabi ni Pangulong Monson na ang paglilingkod sa full-time mission ay responsibilidad ng priesthood. Ano ang ibig sabihin niyon?”

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson noong huling pangkalahatang kumperensya: “Sa inyong mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood at sa inyo mga kabataang lalaki na magiging elder: inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon sa atin na nabiyayaan nang lubos.1

Bahagi ng pagtanggap ng priesthood ang pagsang-ayong isagawa ang mga responsibilidad at mga tungkuling kaakibat nito. Tulad sa anumang kaloob na bigay ng Ama sa Langit, inaasahan Niya na gagamitin ninyo ang priesthood upang pagpalain ang iba. “Sapagkat sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (D at T 82:3).

Ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay “magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59). Tulad ng sabi ni Pangulong Monson, ang paglilingkod sa full-time mission ay tungkulin ng mga maytaglay ng priesthood. Sa misyon ilalaan ninyo ang inyong buong lakas, panahon, at pagtutuon sa pagganap sa tungkuling iyan: paglilingkod, pangangaral ng ebanghelyo, at pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo. Mangyari pa, ang pagganap sa inyong tungkulin ay laging may kaakibat na mga pagpapala. Ang inyong misyon ay panahon ng malaking kagalakan at espirituwal na paglago.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Sa Pagkikita Nating Muli,” Liahona, Nob. 2010, 5–6; idinagdag ang pagbibigay-diin.