Ano ang Ibig Sabihin ng Pagpaparaya?
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1994.
Ang pagpaparaya ay isang magandang katangiang kailangang-kailangan sa magulong mundong ito. Ngunit dapat nating matukoy ang pagkakaiba ng pagpaparaya at pangungunsinti. Ang inyong magiliw na pagpaparaya sa isang tao ay hindi nagbibigay sa kanya ng karapatang gumawa ng mali, ni nag-oobliga sa inyo na kunsintihin ang kanyang kamalian. Ang pagkakaibang iyan ay mahalaga sa pag-unawa sa mahalagang katangiang ito.
Dalawang Dakilang Utos
Ang una nating mga prayoridad sa buhay ay mahalin ang Diyos at ang ating kapwa.1 Kabilang diyan ang ating sariling pamilya, komunidad, bansa, at mundo. Ang pagsunod sa ikalawang utos ay nagpapadali sa pagsunod sa unang utos. “Kapag kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Ang Binyag ay para sa Lahat
Sa lahat ng kontinente at isla sa karagatan, ang matatapat ay tinitipon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pagkakaiba sa kultura, wika, kasarian, at mukha ay nawawalan ng kabuluhan kapag naglingkod ang mga miyembro sa kanilang pinakamamahal na Tagapagligtas.
Tanging pag-unawa lamang sa tunay na pagkaama ng Diyos ang magdudulot ng lubos na pagpapahalaga sa tunay na kapatiran ng tao. Ang pag-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa hangaring magkaisa sa halip na maghiwa-hiwalay.
Ang kawalan ng pagpaparaya ay nagbubunga ng pagtatalo; ang pagpaparaya ay nadaraig ang pagtatalo. Ang pagpaparaya ay susing nagbubukas ng pinto sa pagkakaunawaan at pagmamahalan.
Mga Panganib ng Sobrang Pagpaparaya
Ngayon ay babalaan ko kayo sa isang mahalagang bagay. Maaaring magkamaling isipin na kung nakakabuti ang kaunti ng isang bagay, mas makakabuti ang mas marami. Hindi ganoon! Ang sobrang pag-inom ng kailangang gamot ay maaaring makalason. Ang sobrang awa ay maaaring sumalungat sa katarungan. Kaya ang pagpaparaya, kung walang limitasyon, ay maaaring mauwi sa pangungunsinti.
Ang Panginoon ay naglagay ng limitasyon kung hanggang saan magpaparaya. Nagkakaroon ng panganib kapag ang mga banal na limitasyong iyon ay sinuway. Tulad ng pagtuturo ng mga magulang sa kanilang maliliit na anak na huwag tumakbo at maglaro sa kalsada, itinuro sa atin ng Tagapagligtas na hindi natin kailangang kunsintihin ang kasamaan. “Pumasok si Jesus sa templo ng Dios, … at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi” (Mateo 21:12; tingnan din sa Marcos 11:15). Bagama’t mahal niya ang mga makasalanan, sinabi ng Panginoon na Siya ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (D at T 1:31).
Ang tunay na pagmamahal sa makasalanan ay maaaring maghikayat ng matapang na pakikipagharap—hindi ng pagsasawalang-kibo! Ang tunay na pagmamahal ay hindi sumusuporta sa pag-uugaling nakapipinsala sa sarili.
Pagpaparaya at Paggalang sa Isa’t Isa
Dahil sa pangako natin sa Tagapagligtas kinamumuhian natin ang kasalanan subalit sinusunod ang Kanyang utos na mahalin ang ating kapwa. Sama-sama tayong nabubuhay sa mundong ito, na kailangang pangalagaan, supilin at ibahagi nang may pasasalamat.2 Makakatulong ang bawat isa sa atin na gawing mas kasiya-siya ang buhay natin sa mundong ito.
Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay naglabas ng isang pahayag sa madla na aking sisipiin:
“Salungat sa kagandahang-asal na ipagkait ng sinumang tao o grupo ang kanyang dignidad dahil sa nakapanlulumo at nakamumuhing ideya na mas mahusay ang isang lahi o kultura.
“Nananawagan kami sa lahat ng tao saanman na muling maging tapat sa huwaran ng pagpaparaya at paggalang sa isa’t isa na hindi nililipasan ng panahon. Taos-puso kaming naniniwala na kapag kinilala natin ang isa’t isa nang may konsiderasyon at habag, matutuklasan natin na maaari tayong mamuhay nang payapa sa kabila ng ating malalaking pagkakaiba.”3
Sama-sama tayong manindigan na huwag kunsintihin ang pagsuway kundi magparaya sa mga pagkakaiba ng ating kapwa na sagrado sa kanila. Lahat ng ating pinakamamahal na mga kapatid sa buong mundo ay anak ng Diyos. Siya ang ating Ama. Ang Kanyang Anak na si Jesus ang Cristo. Ipinanumbalik na sa lupa ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito upang pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos.