2011
Lahat ng Ito ay Nagpapala sa Akin
Abril 2011


Paglilingkod sa Simbahan

“Lahat ng Ito ay Nagpapala sa Akin”

Kung Sabado ngayon, makikita ninyo si Elvira Guagliarello na abalang nagtatrabaho sa kusina ng kanyang tahanan sa Puerto Madryn, na nasa baybayin ng Nuevo Gulf ng Argentina sa katimugang lalawigan ng Chubut.

Nagsusukat siya ng harina at tubig at pagkatapos ay kinukuha ang iba pang sangkap. Babahagya siyang umimik habang nagtatrabaho, mas kumikilos siya kaysa nagsasalita. Kunsabagay, siya ay naglilingkod sa Panginoon.

“Maganda ang pakiramdam ko dahil alam kong mabuti ang ginagawa ko,” sabi ni Sister Guagliarello habang hinahalo niya ang mga sangkap. Iniisip niya ang Tagapagligtas habang nagtatrabaho, masaya sa ideya na ang produkto ng kanyang paglilingkod ay makatutulong sa iba pang mga miyembro ng Simbahan na alalahanin Siya.

Si Sister Guagliarello, edad 82, ay masayang naglilingkod bilang visiting teacher, tumutulong sa pagkumpas ng musika sa kanyang ward, at nagluluto ng tinapay na gagamitin sa ordenansa ng sakrament—isang tungkuling halos 10 taon na niyang ginagampanan. Naghahanda siya ng isang buong tinapay para sa kanyang sarili sa mga unang araw ng linggo, ngunit naglalaan siya ng oras tuwing Sabado para magluto ng tinapay na “tanging para sa Simbahan,” sabi niya. “Sinasabi ko sa sarili ko, ‘Kailangan kong magluto ng tinapay, at kailangan kong magsimba.’ Ayokong mabigo.”

Kung wala siyang sakit, dumadalo rin siya sa templo—na gumugugol ng taunang 20-oras na paglalakbay sa bus patimog patungong Buenos Aires Argentina Temple.

“Laging masayang naglilingkod si Sister Guagliarello sa lahat ng paraan sa abot ng kanyang makakaya,” sabi ng kanyang bishop na si Jesús Santos Gumiel. “Alam ng mga miyembro ng ward na maaasahan nila siya. Sa kabila ng kanyang edad, tapat siya sa paghahanda ng tinapay tuwing Sabado at pagsisimba tuwing Linggo. Isa siyang mabuting halimbawa.”

Nakilala ni Sister Guagliarello ang mga full-time missionary noong 1962 sa Mar del Plata, timog ng Buenos Aires, habang nagtatrabaho sa boarding house na tinirhan nila. Nang makita niya silang kumakatok sa mga pintuan pagkaraan ng 15 taon, matapos lumipat sa Puerto Madryn, nakinig siya sa mga turo nila, nabinyagan, at nagsimulang maglingkod sa Simbahan.

Ngayon ay mag-isa siyang namumuhay, ngunit hindi niya nadaramang siya ay nag-iisa. Mayroon siyang mga banal na kasulatan at pamilya sa ward, at madalas siyang manalangin sa kanyang Ama sa Langit. Bukod pa rito, kasama niya ang Espiritu, na ipinangako ng Panginoon sa mga naglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.1

“Lahat ng ito ay nagpapala sa akin,” nakangiting sabi ni Sister Guagliarello. “Pinaglilingkod tayo ng Simbahan, at nagpapasaya iyan sa akin. Noon pa man ay nagagalak na ako sa paglilingkod sa ating Ama sa Langit.”

Elvira Guagliarello

Itaas: larawang kuha ni Michael R. Morris