Ang Pinili ni Niya
Naglalaro si Niya sa harapan ng bahay nila nang tawagin siya sa loob ng kanyang tita. “Niya, puwede ka bang pumunta sa greengrocer’s shop at bumili ng ilang carrot para sa hapunan?” pakiusap ng kanyang tita.
“Opo!” masayang sabi ni Niya. Gusto niyang magpunta sa tindahan, at tumulong sa kanyang tita.
Kinuha ni Niya ang perang ibinigay sa kanya ng kanyang tita at lumakad na papunta sa kalapit na tindahan.
“Kailangan kong bumili ng ilang carrot para sa hapunan,” sabi ni Niya sa may-ari ng tindahan.
Inilagay ng may-ari ang mga carrot sa bag ni Niya at sinabi sa kanya kung magkano ito. Iniabot ni Niya ang pera sa may-ari.
“Heto ang sukli mo,” sabi ng may-ari nang iabot sa kanya ang sukli.
Pinasalamatan ito ni Niya at naglakad na siya pauwi. Habang naglalakad, tiningnan niya ang perang ibinigay sa kanya ng may-ari ng tindahan. “Sobra ang sukli niya sa akin,” naisip niya. “Akin na lang ang sobrang ito!”
Ngunit huminto sa paglakad si Niya. “Hindi magiging masaya ang Ama sa Langit sa akin kung itatago ko ang perang ito,” naisip niya. “Kailangan kong maging tapat sa salita at gawa.”
Bumalik si Niya sa tindahan. “Sobra po ang sukli ninyo,” sabi niya sa may-ari ng tindahan nang iabot niya rito ang sobrang pera.
Kinuha ng may-ari ang pera. “Mabuti kang bata,” wika nito. Pagkatapos ay nilagyan nito ng ilang mansanas ang bag at ibinigay ito kay Niya. “Salamat sa pagiging tapat mo. Pakidala mo ang mga mansanas na ito at kainin ninyo ng pamilya mo.”
Masigla at masaya si Niya habang naglalakad pauwi. Alam niya na nasiyahan ang Ama sa Langit na pinili niyang maging tapat.