2011
Koronang Tinik, Korona ng Tagumpay
Abril 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Koronang Tinik, Korona ng Tagumpay

Para sa akin ang koronang tinik ay naging simbolo na batid ng ating Tagapagligtas ang lahat ng ating mga lihim na pagdurusa—at ng Kanyang kakayahang paghilumin ang mga ito.

Buwan ng Agosto sa Banal na Lupain. Napapalibutan kami ng mga labi ng Capernaum na nasisikatan ng araw sa hapon. Napakagandang pagmasdan nito, ngunit ang aming tour guide at ang insektong cicada na nasa di kalayuan ay kapwa lumilikha ng ingay, at maraming pumasok sa aking isipan.

Maya-maya pa ay natuong muli ang aking pansin nang ituro ng tour guide ang puno na aming sinisilungan at sinabi nang parang walang anuman “Ang tawag nila sa punong iyan ay puno ng ‘koronang tinik’.” Tiningnan ko ang madahon na mga sanga. Nasaan ang mga tinik? Maingat kong hinilang palapit ang isang maliit na sanga.

Doon, sa mga murang dahon, nakita ko ang mga tinik. Manipis at kulay berde, matalim at kasing-haba ng aking hinlalaki, hindi ito makikita sa layong ilang talampakan. Ngunit sinumang mapalapit sa isa sa madahon na mga sangang iyon ay tiyak na masasaktan.

Naisip ko ang maraming dibuhong nakita ko kung saan nakatayo ang Tagapagligtas sa harapan ng isang mapangutyang hukuman, nakasuot ng bata na kulay ube at may putong na koronang yari sa pinilipit na tuyo at matinik na mga sanga. Bigla kong naisip na ang isang alipin o kawal na inatasang gumawa ng koronang iyon ay maaaring mas piliing gamitin ang mga berdeng sanga na tulad ng mga nasa punong iyon—sa halip na ang malutong at tuyong mga sanga. Higit pa riyan, gagamitin ang korona hindi lamang para manakit kundi para manghamak at manuya.

Sa sinaunang daigdig ang berde at madahong putong o korona—na karaniwang gawa sa mababangong dahon ng laurel—ay kadalasang ibinibigay sa mga nananalo sa paligsahan at digmaan. Ang mga korona ng tagumpay ay nagsisilbing palamuti sa mga imahe ng mga hari at emperador. Marahil ang malupit na koronang idiniin sa noo ng Tagapagligtas ay madahon at kulay berde upang buong pangungutyang maiugnay sa sinaunang pagpaparangal na iyon. Ito ay haka-haka lamang at hindi isang doktrina. Ngunit para sa akin, ang paglalarawan nito sa ganyang paraan ay mas nagbibigay-linaw sa isang aspeto ng Pagbabayad-sala: batid ng Tagapagligtas ang ating mga pagdurusa, at kaya Niya tayong pagalingin.

Ang bata na ipinasuot sa Kanya ay mapanuyang sagisag ng isang hari. Tinakpan nito ang mga latay at sugat ng pagpaparusang dinanas Niya. Sa gayunding paraan, ang madahon na koronang tinik ay tila palamuti ng isang taong nagtagumpay ngunit ang totoo ay itinatago nito ang sakit na likha nito mismo.

Napakarami sa atin ang may mga lihim na pasakit. Itinuturo ng himno na “may lumbay na ‘di makita, nakakubli sa puso” (“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164). Ngunit ang Tagapagligtas ang tunay na nakakakita nito. Alam na alam Niya ang ating mga paghihirap. Ang Kanyang ministeryo ay isinagawa bilang pag-asam sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Subalit hindi ito alam ng Kanyang mga tinuruan at binasbasan at pinagaling. Maging ang sarili Niyang mga disipulo ay nanatiling walang nalalaman.

Nakikita ng Tagapagligtas ang nasa loob ng ating mga “bata” at “korona” na tumatakip sa ating mga kalungkutan na dulot ng ibang tao. Dahil Siya ay dumanas ng “mga pasakit at paghihirap at iba’t ibang uri ng tukso,” Siya ay puspos ng awa at batid kung paano tayo tutulungan kapag inilagay natin ang ating mga pasanin sa Kanyang paanan (tingnan sa Alma 7:11–12). Siya ang pamahid na makapagpapagaling kahit sa malalim at nakakubling mga sugat. At ang koronang iniaabot Niya sa atin ay tunay na mula sa isang nagwagi.

Si Cristo na may Koronang Tinik, ni Carl Heinrich Bloch, ginamit nang may pahintulot ng National Historic Museum at Frederiksborg sa Hillerød, Denmark, hindi maaaring kopyahin