2011
Si Jesucristo ay Nagbayad-sala para sa Ating mga Kasalanan
Abril 2011


Ang Ating Paniniwala

Si Jesucristo ay Nagbayad-sala para sa Ating mga Kasalanan

Ang isa sa mga dahilan kaya tayo narito sa lupa ay para matutuhang sundin ang mga utos ng Diyos. Maliban kay Jesucristo, na naging sakdal ang buhay, bawat taong nabubuhay sa mundo ay nagkasala (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23; I Ni Juan 1:8). Nagkakasala tayo kapag sadya nating sinusuway ang mga utos ng Diyos, at lahat ng kasalanan ay may kaakibat na parusa. Kapag nagkasala tayo, hinihingi ng katarungan na parusahan tayo (tingnan sa Alma 42:16–22).

Sa huli, ang bunga ng anumang kasalanan ay pagkawalay sa Diyos (tingnan sa 1 Nephi 10:21). Ang pagkawalay na ito ay napakatindi kaya hindi natin ito maiaayos nang mag-isa.

Para madaig ang pagkawalay na ito, naglaan ng paraan ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, na dalhin sa Kanyang sarili ang bigat ng ating mga kasalanan, nang tayo ay maging malinis sa espirituwal at makapiling Siyang muli. Ito ang plano ng awa.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko” (D at T 19:16–17).

Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesus ay nagdusa para sa ating mga kasalanan sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ng Kalbaryo. Kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, magkakaroon ng bisa ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay.

Sinabi ni Jesucristo, na kusang nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Inilalaan din ng Pagbabayad-sala ang sumusunod na mga pagpapala:

  1. Pagkabuhay na Mag-uli sa lahat ng isinilang sa mundo (tingnan sa Alma 11:42–45).

  2. Buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos para sa lahat ng batang namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan, o walong taong gulang (tingnan sa Mosias 3:16; 15:24–25; Moroni 8:8–12).

  3. Kakayahang magkaroon ng kapayapaan sa mga oras ng pagsubok dahil dinala ni Jesus sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit at karamdaman (tingnan sa Juan 14:27; Alma 7:11–12).

  4. Gantimpala sa mabubuti para sa kawalan ng katarungan sa buhay na ito (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 57).

“Si Jesucristo, bilang Bugtong na Anak ng Diyos at ang tanging taong nabuhay na walang kasalanan sa mundong ito, ang tanging makagagawa ng pagbabayad-sala para sa sangkatauhan” (Bible Dictionary, “Atonement”).

O Ama Ko, ni Simon Dewey; Dinalaw ni Jesucristo ang mga Lupain ng Amerika, ni John Scott © IRI; paglalarawan sa sanggol © Getty Images; iba pang mga paglalarawan ni Christina Smith