2011
Pero Wala Pong Simbahan Dito
Abril 2011


Pero Wala Pong Simbahan Dito

Julie Ismail, Western Australia, Australia

Sa isang biyahe papunta sa Mediterranean, masigasig akong dumalo sa mga pulong ng Simbahan basta’t kaya ko. Sa Seville, Spain, nagpatulong ako sa isang hotel receptionist, naghanap sa telephone directory, at sa isang mapa ng lungsod para makita ang meetinghouse ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar. Isinulat ko ang address at pangalan ng Simbahan sa Espanyol. Sabado ng gabi nanalangin ako para malaman kung anong oras nagsisimula ang mga pulong, at malakas ang pakiramdam ko na kailangang naroon na ako nang alas-10:00 n.u.

Bago ako umalis papuntang simbahan dakong alas-9:30 ng Linggo ng umaga, muli kong ipinagdasal na sana ay makita ko ang meetinghouse. Sinunod ko ang aking mapa at sinimulang tahakin ang makikitid na kalsada. Napakaganda ng umaga. Nadaanan ko ang mga café at isang pamilihan ng mga ibon na puno ng maiingay na ibon.

Nakarating ako sa nasabing address para lang makita na walang anuman doon na mukhang simbahan. Nagpabalik-balik ako sa kalsada na bigo sa paghahanap. Nalito ako at nabalisa, at halos mag-aalas-10:00 na ng umaga.

Sa huli, nagdasal ako sa aking Ama sa Langit: “Iniutos po Ninyo sa akin na magsimba, at narito na po ako, pero wala pong simbahan dito.”

Pagkatapos ay biglang may dumating na lalaking naka-amerikana sa may pagliko. Mukha siyang miyembro ng Simbahan, at nahikayat akong kausapin siya. Sa mahirap unawaing paraan, sinabi ko sa kanya na may hinahanap akong simbahan. May sinabi siyang hindi ko maunawaan, at nalito ako. Kaya’y binuksan niya ang kanyang portpolyo, at nakita ko ang dalawang aklat na katad ang pabalat na mukhang mga banal na kasulatan. Ibinigay ko sa kanya ang kapirasong papel na sinulatan ko ng “La Iglesia de Jesucristo” (Ang Simbahan ni Jesucristo). Ngumiti siya at itinuro ang daang pinanggalingan ko, at magkasama kaming naglakad papunta sa simbahan. Ang gusali ay nasa ibang address ilang minuto lang ang layo at hindi madaling makita kung hindi mo alam na naroon ito. Malayo ito sa kalsada sa isang maliit na lugar, sa likod ng malaking tarangkahan.

Sa meetinghouse nalaman ko kaagad na ang tumulong sa akin ay walang iba kundi ang bishop ng ward at nagsisimula ang mga pulong nang alas-10:30 n.u. Maaga akong dumating.

Sa fast and testimony meeting ng ward, nahikayat akong ibigay ang aking patotoo. Sa tulong ng isang misyonero na nagsalin ng mga salita ko sa wikang Espanyol mula sa Ingles, nagpatotoo ako at inilarawan ko kung paano gumawa ng paraan ang Panginoon para makita ko ang simbahan. Nagpatotoo rin ang bishop at ipinaliwanag na kinailangan niyang pumarada nang mas malayo sa umagang iyon, kaya nahuli siya ng dating kaysa rati. Nang makita niya ako, naisip niya na mukha akong miyembro ng Simbahan, kaya tumigil siya sa paglakad para tulungan ako. Pagkatapos ay binanggit niya ang mga miyembrong espirituwal na naliligaw at sinabi na kailangan namin silang tulungan na mahanap ang Simbahan.

Sa paglipas ng mga taon naglaho na sa alaala ko ang hitsura ng Seville, pero hindi ko nalimutan ang alaala ng paghahanap ko sa simbahan doon. Ang alaalang iyan ay isang patotoo sa akin ng malaking pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit at na makikita ko ang Kanyang kapangyarihan sa aking buhay kung hahanapin ko lamang ang lahat ng bagay na “nagkakalakip na gumagawa sa [aking] ikabubuti” (Mga Taga Roma 8:28).