2011
Hindi Ako Interesado sa Simbahan
Abril 2011


Hindi Ako Interesado sa Simbahan

Tanintoa Sexton, Marshall Islands

Ayaw kong magkaroon noon ng anumang kinalaman sa Simbahan nang magtanong ang aking asawa kung maaaring paturuan sa mga misyonero ang aming mga anak na lalaki. Pero hindi ako makatanggi dahil miyembro na noon ang aking asawa.

Kapag dumarating ang mga misyonero sa aming tahanan nang dalawang beses sa isang linggo, pumupunta ako sa kaibigan ko na kapitbahay namin. Ang aking kaibigan ay matatag na miyembro ng ibang simbahang Kristiyano. Sa tuwing bibisitahin ko siya, gusto niyang magsalita tungkol sa Biblia. Sinabi ko sa kanya na hindi ako interesado sa ganoong bagay at ayaw kong pag-aralan ang tungkol sa relihiyon. Pero hindi siya tumigil sa pagkumbinsi sa akin, kaya pumayag na rin ako sa wakas. Kaya matagal ko ring pinag-aralan ang Biblia kasama ang aking kaibigan habang tinuturuan naman ng mga misyonero ang aking mga anak.

Isang araw oras na ng pagpunta ng mga misyonero sa aming tahanan. Pero sa halip na umalis, nagpasiya akong mamalagi sa kabilang silid. Nang simulan nang turuan ng mga misyonero ang aking mga anak, nalaman kong gusto ko pang makinig. Lumapit pa ako nang kaunti sa pintuan para makapakinig nang mas mabuti. Tinuturuan nila ang aking mga anak ng tungkol sa mga apostol at propeta.

Maya-maya ay lalo kong nagustuhang makinig pa. Kinausap ko ang mga misyonero at nagpasiyang pakinggan ang mga itinuturo nila—nang sarilinan. Laging naroon ang aking asawa, pero wala nang iba pang nakaalam tungkol dito.

Kaya kapag nagpupunta ang mga misyonero para turuan ang mga anak ko nang dalawang beses sa isang linggo, pumupunta ako sa bahay ng kaibigan ko. Pagkatapos, sa ibang araw naman, ako ang tinuturuan nila.

Isang araw nang may sinabing hindi maganda ang kaibigan ko tungkol sa Simbahan, ipinagtanggol ko ito. Tulad ng maraming tao sa Marshall Islands, wala siyang gaanong alam tungkol sa Simbahan at mali ang pagkaunawa sa ilang pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang magsalita siya ng iba pang negatibong mga bagay, ipinagtanggol kong muli ang Simbahan.

Ganoon ang nangyari sa loob ng pitong buwan. Pagkatapos isang araw natanto ko na pinapatunayan sa akin ng Espiritu Santo na ang lahat ng itinuturo sa akin ng mga misyonero ay totoo. Nalaman kong kailangan kong magpabinyag, kahit kaunti pa lang ang alam ko sa ebanghelyo.

Matapos akong mabinyagan noong 2007, napakasaya ko. Sinimulan naming mag-ipon ng pera upang makapunta sa templo sa Hawaii, kung saan ang aking asawa, ang aming tatlong anak, at ako ay nabuklod noong Disyembre 2008.

Ang pagiging miyembro ng Simbahan ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa buhay ko. Ipinasiya kong umalis sa pinagtatrabahuhan kong restawran dahil hatinggabi na akong nakakauwi at nangangamoy usok ng sigarilyo ang mga damit ko. Bagama’t nawalan kami ng dagdag na kita, pinangalagaan kami ng Panginoon.

Alam ko na totoo ang Simbahan at si Joseph Smith ay propeta ng Diyos dahil sa Espiritu na aking nadama at sa mga pagpapalang natanggap ko.